Cavs nakauna kontra Celtics

Bandera - - Front Page -

BOSTON — Hindi kinalawang ang Cleveland Cavaliers matapos ang mahigit isang linggong pahinga.

Ito ay matapos ipakita ni LeBron James at Cavaliers na walang naging epekto ang mahabang pahinga matapos tambakan ang Boston Celtics, 117-104, sa Game 1 ng 2017 NBA Eastern Conference Finals kahapon.

Si James ay nagtala ng 38 puntos, siyam na rebounds at pitong assists habang nagdagdag si Kevin Love ng playoff career-high 32 puntos at 12 rebounds para tulungan ang Cavaliers na umangat sa 9-0 sa unang tatlong round ng playoffs. Noong nakaraang season ay umabot sila ng 10-0 tungo sa pagkubra ng NBA title.

“It was our two bigs that set the tone — Kev and Double- T ( Tristan Thompson), they were phenomenal,” sabi ni James. “I saw it in Kev this morning. I knew what type of game he was going to have. So he came through for us.”

Subalit hindi naman maikakaila na nagsimula ang lahat kay James, na umiiskor ng halos 35 puntos sa limang diretsong laro.

Sinabi naman ni Cavaliers coach Tyronn Lue na ang husay ni James ay patuloy na nagpapagaan sa koponan pagdating sa opensa at depensa.

“He’s playing at a high level. And that’s the reason why we’re riding him so much,” sabi ni Lue. “When LeBron’s playing at that level other guys just have to be solid and we have a good chance to win.”

Ang Game 2 ay gaganapin bukas sa homecourt pa rin ng Boston.

Nanggaling sa 10-araw na pahinga, rumatsada agad si James at ang Cavaliers para matambakan ang Celtics.

Halos walang nakapigil kay James sa pag-iskor sa first half at nagawa pa ng Cavs na magtayo ng 26puntos na kalamangan. Bumira naman si Love ng outside jumpers para bumuka ang depensa ng Boston at mapabayaan sa kanyang one-on-one plays si James.

Pinamunuan nina Avery Bradley at Jae Crowder ang Celtics sa ginawang tig-21 puntos.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.