Poste bumagsak; mag-asawa sawi

Bandera - - POLICE BEAT -

PINANGANGAMBAHANG nasawi ang mag-asawang sakay ng motorsiklo na sumabit sa kable ng kuryente mula sa bumagsak na poste sa Congressional Ave. extension, Quezon City, kahapon.

Bumagsak ang poste malapit sa Mira Vila Nila Homes alas-12 ng tanghali nang aksidenteng mahila ng dump truck ang mga kable nito matapos makalimutan ng driver na ibaba ang likuran ng sasakyan.

Isinugod ang magasawa sa Quezon City General Hospital.

“Sumabit (‘yung truck) tapos si sir (motorcycle rider) nakasunod sa truck tapos habang nakasunod sila biglang nasabit ng truck yung kable. Yung isang kable sumabit naman sa motor, dun sa driver ng motor. Tumilapon sila dito sa may side. Hindi nakontrol, tumama si ma’am sa poste tapos si sir tumilapon sa side,” ayon sa imbestigador.

Nayupi naman ang kotse na binagsakan ng poste bagamat hindi naman nasaktan ang mga sakay nito.

Samantala, sinabi ng saksi na si Grace Corpuz, isang vendor, na paulit-ulit niyang winarningan ang driver ng trak na hindi nakababa ang likuran ng sasakyan.

“Huminto po sila (truck driver) sa akin, bumili ng buko. Ngayon tinaas nila ‘yung truck nila, naglagay sila ng tubig, pagkatapos umakyat sa truck ininom yung buko, tapos bumalik sa truck. Sinabi ko, 'Kuya nakataas yung truck n'yo.' Tatlong beses ko inulit pero hindi nila ko pinakinggan,” ani Corpuz.

Sa kabila ng babala, nagpatuloy pa rin ang driver sa pagpapatakbo ng trak kaya nahila nito ang dalawang kable ng kuryente.

“Sinabi ko, 'Sige masasabit kayo niyan.' Hanggang sa tinanaw ko sila, tapos sumabit na nga. Nung nasabit siya pumutok ‘yun lumiyab. Umandar pa rin sila tapos sumabit uli sa pangalawag wire. Pagtingin ko may nakita na kong dalawang taong nakamotor,” dagdag ni Corpuz.

“Nakita ko ‘yung sasakyan, nagsisigaw ako. ‘Yung wire sumabit sa leeg ng lalaki,” ayon naman sa isa pang testigo.

Kapwa walang malay ang mga biktima nang isugod sa ospital.

Nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting to homicide at damage to properties ang driver ng trak.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.