2 parak nagduwelo sa toothpick

Bandera - - POLICE BEAT -

SUGATAN ang pulisCaloocan na nakipagbarilan sa kabaro dahil lamang sa away na nagsimula sa toothpick sa karinderya sa siyudad.

Nagtamo ng sugat sa hita si SPO1 Rommel Bautista at ginamot sa Caloocan City Medical Center.

Hindi naman sinabi sa ulat kung nadakip ang kaduwelo niyang si PO2 John Paul dela Fuente ng Manila Police District.

Bago ang enkwentro, kumakain sa kariderya si dela Fuente sa Mabini st., Brgy. 12 nang kumuha ang isang Danny Sta. Maria ng toothpick sa mesang kinakainan niya.

Ayon sa mga saksi, nagalit ang pulis dahil tila nabastos siya ni Sta. Maria. Humingi ng dispensa si Sta. Maria pero sinigawan ito ni dela Fuente.

Sa inis ay sinagot at sinuntok siya ni Sta. Maria, na gumanti rin ng sapak.

Bago tuluyang magkasakitan ay naawat ang dalawa ng ibang kostumer ng karinderya.

Umalis si Sta. Maria pero agad din itong bumalik kasama na si Bautista.

Base sa imbestigasyon ay si dela Fuenta ang unang pumutok, pero giit ng mga saksi ay si Bautista ang unang nagbunot ng baril.

Tumigil lamang ang barilan nang tamaan si Bautista.

Umabot sa 13 basyo ng bala ang narekober sa lugar.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.