Pagtulog pangontra sa stressed-eating

Bandera - - HEALTH WELLNESS -

NORMAL na yata na kapag stressed ka, napapakain ka.

Marami ang napapa-extra rice at napapadampot ng dagdag na ulam para mabusog at makabawi ang katawang stressed.

Pero mayroong pag-aaral na nagsasabi na mas mabuting matulog na lang kaysa kumain nang kumain.

Isang grupo ng mga mananaliksik mula sa Michigan State University, University of Illinois, University of Florida, at Auburn University sa Estados Unidos at Sun Yat-sen University ng China ang nagsagawa ng pag-aaral kaugnay ng epekto ng eating behavior ng isang tao.

Pinag-aralan nila ang 235 manggagawa sa China na nakararanas ng regular na stress sa kanilang trabaho.

Ang isang pag-aaral ay sumentro sa mga empleyado ng IT na maraming ginagawa at ang pakiramdam ay kulang ang araw para matapos ang kanilang trabaho. Ang ikalawa naman ay ang mga call center agents na kadalasang nai-stress sa mga tumatawag sa kanila.

Lumalabas sa pag-aaral na nadadala ng mga empleyado ang stress sa kanilang bahay at idinadaan nila ang pagod sa pagkain ng marami at kadalasan ay unhealthy food pa.

Sa naturang pag-aaral, napatunayan na mabisang pangontra sa stress eating ang pagtulog. Ang mga empleyado na nakatulog nang maayos ay kumakain ng mas tama kinabukasan.

Sa paliwanag ni Yihao Liu, coauthor at assistant professor sa University of Illinois ang pagkain ay kalimitang ginagamit na aktibidad upang mapahupa ang hindi magandang pakiramdam o mood ng isang indibidwal.

Nababawasan din umano ang pagkontrol ng tao kapag ito ay stress na nagreresulta sa sobrang pagkain.

Ayon pa sa pag-aaral, may protective effect ang pagtulog laban sa pagkain ng unhealthy food.

Ang pagtulog ay nakapagpapaganda ng pakiramdam na pangontra o nakababawas ng stress.

Dahil dito, inirerekomenda sa mga kompanya na bigyan ng halaga ang pagtulog ng kanilang mga empleyado upang makapagtrabaho nang maayos ang mga ito. Maaari umanong magbigay ang mga kompanya ng sleep-awareness training at gumawa ng maayos na working schedule ng mga empleyado.

Dapat din umanong pag-isipan ng mga kompanya ang pagbibigay ng food-related perk sa kanilang mga empleyado at hanapin ang pinanggagalingan ng stress ng mga ito at gawan ng paraan na mabawasan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.