An-an dulot ba ng chalk?

Bandera - - HEALTH WELLNESS - Ni Blessilda V. Begas

NOONG estudyante pa ako, pinapalayo ako ng nanay ko sa blackboard kapag may nagbubura ng sulat ng chalk. Baka raw ako magkaroon ng an-an.

Nakukuha nga ba sa pulbos ng chalk ang sakit sa balat na an-an?

Ang an-an (white spots/ Pityriasis versicolor) ay sakit sa balat na sanhi ng fungal infection.

Ito ay patse-patse na kulay puti sa balat, at kadalasan ito ay makati.

Kung maputi ang natural na balat ng isang tao, posibleng hindi ito mapansin. Pero kung siya ay pupunta sa beach at maaarawan, makikita na iba ang kulay o maputi ang bahagi ng balat na may an-an. Mayroong patse-patse.

Kadalasan, edad 15 hanggang 24 ang nakararanas ng ganitong fungal infection. Aktibo kasi sa mga indibidwal na nasa ganitong age bracket ang sebaceous glands sa balat.

Ang sebaceous gland ang lumilikha ng langis na tinatawag na sebum na tumatakip sa balahibo ay balat na maaaring pamugaran ng fungal infection.

Dahil natural na mayroong fungus ang balat mahirap masabi na hindi magkakaroon ng an-an ang isang tao.

Paano iiwas?

May mga hakbang na maaaring gawin upang lumiit ang tyansa na magkaroon nito.

Maaaring umiwas sa mga produktong malangis gaya ng mga fragrant oil essence. Iwasan din na langis ang gamiting pamahid sa katawan sa halip na lotion.

Huwag ding magbilad sa araw dahil maaaring ito ang maging simula ng pagdami ng fungus na magdudulot ng anan. Mas lalo ring lilitaw ang anan kung magiging maitim ang balat sa paligid nito.

Kung madalas pagpawisan, huwag hahayaan na mababad ang balat sa pawis. Magbihis kaagad ng damit pagkatapos mag ehersisyo o magpapawis dahil maaaring maging mitsa ito ng pagkakaroon ng an-an lalo na sa likod at dibdib.

Huwag ding magsuot ng masisikip na damit upang makahinga ang balat.

Kung may an-an na, pahiran ito ng fungal cream pero kung malala na kumonsulta sa dermatologist upang makainom ng karampatang gamot.

Uso na rin ngayon ang mga anti-fungal shampoo at sabong panligo.

Kapag gumaling na wala ring kasiguruhan na hindi na ito muling babalik.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.