Info drive vs Japanese encephalitis, dengue

Bandera - - HEALTH WELLNESS -

PUSPUSAN ang ginagawang paglilinis sa mga paaralan sa Quezon City bilang bahagi ng programa laban sa Japanese encephalitis at dengue na dala ng lamok.

Sa Commonwealth Elementary School ipinag-utos ni Principal Emily Pelobello ang isang clean up drive tuwing Biyernes.

Lima hanggang 10 magulang ng mga estudyante sa bawat classroom ang nagboluntaryong magsagawa ng general clean up tuwing alas-6 hanggang 7 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi.

Binibigyan din ng lecture ang mga magulang tungkol sa nasabing sakit.

Tuwing flag rising at flag retreat nagkakaroon din ng maikling pagtalakay sa sakit na dulot ng lamok, base na rin sa National Environment Awareness and Education Act at National Clean Up Month na itinakda ng Department of Environment and Natural Resources tuwing Setyembre.

Kinakatakutan ang Japanese encephalitis na pinamamaga ang utak ng pasyente. Hanggang noong nakaraang buwan ay nakapagtala ang Department of Health ng 133 kaso ng naturang sakit sa bansa, mas mababa sa 273 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2016.

Dala naman ng lamok na Aedes aegypti ang dengue na nakamamatay din kung mapababayaan. — Kristel Mae Bernardino

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.