Albie Casino ‘maangas, walang respeto, mukhang pera’

Teleserye nina Paulo, Ritz at Ejay humataw agad sa rating

Bandera - - HEALTH WELLNESS -

GALIT na galit ngayon kay Albie Casino ang madlang pipol! E, kasi nga, nakakabwisit talaga ang karakter niya sa afternoon serye ng ABS-CBN na Pusong Ligaw.

Maangas, walang respeto, mukhang pera at barumbado ang role ni Albie sa Pusong Ligaw kaya nagmarka agad sa manonood ang kanyang karakter. In fairness, bagay na bagay kay Albie ang nasabing role, dahil talagang isusumpa mo siya sa kanyang kasamaan.

Last week pumasok sa programa ang binata bilang si Leon, ang lalaking aakalaing nawawalang anak nina Tessa (Beauty Gonzalez )at Caloy (Joem Bascon).

Mukhang maliligaw ng landas ang paghahanap ni Tessa sa kanyang tunay na anak lalo pa’t pareho ito ng sinapit kay Leon. Tulad kasi ni Rafael (Enzo Pineda) ay napulot lang din si Leon noong mag-iisang taong gulang lamang ito.

Kaya naman kahit wala pang sapat na ebidensya ay unti-unting nabulag ni Jaime (Raymond Bagatsing) si Tessa sa katotohanang si Leon na nga ang nawawalang anak nito. Gagamitin naman ng walang malay rin na si Leon ang pagkakataon para magkapera at mabayaran ang kanyang mga utang.

Samantala, nakarating na rin kay Marga (Bianca King) ang balitang nahanap na si Rafael. Ano kaya ang gagawin ni Marga para maitago ang nalalaman kay Caloy? Hanggang kailan magiging mailap ang katotohanan kay Tessa?

Huwag palampasin ang mas umiinit pang mga tagpo sa Pusong Ligaw pagkatapos ng It’s Showtime sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (Sky ch 167).

Tinutukan ng mas maraming Pilipino ang pag-uumpisa ng kwento ng walang hanggang buhay at pag-ibig sa The Promise Of Forever nina Ejay Falcon, Ritz Azul at Paulo Avelino, kaya naman namayagpag ito sa TV ratings sa buong bansa.

Nakakuha ang pilot episode ng serye noong Lunes (Sept. 11) ng national TV rating na 18.4%, ayon sa datos ng Kantar Media. Nagpatuloy din ang suporta ng manonood sa serye sa mga sumunod pang mga araw.

Naging patok din sa netizens ang pagsisimula ng palabas matapos nitong manguna sa listahan ng trending topics sa social media at umani ng libo-libong tweets sa Twitter sa unang dalawang araw ng pag-ere nito. Ipinakilala ng The Promise Of Forever sa mga manonood si Lorenzo (Paulo), ang "immortal man" na ngayon ay kilala na bilang Nicolas. Natunghayan din ang buhay ni Sophia (Ritz) at ang pangarap niyang maging seawoman upang makatulong sa kanyang pamilya. At ngayon ngang nakatakda nang magkita ang dalawa sa pagsampa nila ng barko patungong Europe, agad nga kaya nilang makilala ang isa’t isa? Maging daan na nga ba ito sa muli nilang pagkakalapit? Maging balakid kaya ang pag-ibig ni Philip (Ejay) sa kanilang tadhana?

Napapanood ang The Promise Of Forever sa Kapamilya Gold sa direksyon nina Darnel Villaflor at Hannah Espia.

EJAY FALCON, RITZ AZUL AT PAULO AVELINO BIANCA KING AT BEAUTY GONZALES

ALBIE CASINO

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.