Sundalo tinumba ng NPA sa videoke bar

Bandera - - FRONT PAGE -

NASAWI ang miyembro ng Philippine Army matapos pagbabarilin ng hinihinalang kasapi ng New People's Army sa isang videoke bar sa Sorsogon City, kamakalawa ng gabi, ayon sa pulisya.

Ikinasawi ni Pfc. Marklyn Baliza, 21-anyos at nakatalaga sa Army 903rd Brigade, ang mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng katawan, sabi ni Senior Supt. Marlon Tejada, direktor ng Sorsogon provincial police.

Naganap ang insidente alas-9:45 sa La Fhang Videoke Bar na nasa Brgy. Balogo.

Sinabi sa pulisya ni Marjorie Baliza, asawa ng biktima, na nag-iinuman sila ng mister nang paputukan ito nang apat na beses ng isang lalaking nakadilaw na jersey at cap.

Bago iyon ay napansing pumasok sa bar ang gunman at iniwan sa labas ang isang kasama, na tila nagsilbing lookout.

Dinala pa si Marklyn sa Sts. Peter and Paul Hospital matapos ang pamamaril, pero binawian ng buhay habang nilulunasan, ayon sa pulisya.

Natagpuan sa crime scene ang apat na basyo ng kalibre-.45 pistolang ginamit ng gunman.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng gunman at kasabwat nito, na kapwa hinihinalang kasapi ng NPA at namataang tumakas patungo sa direksyon ng Brgy. Abuyog, lulan ng isang motorsiklo. —John Roson

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.