‘Multo’ nangholdap

Bandera - - FRONT PAGE -

NEW YORK, USA— Isang lalaki na nakasuot ng maskara katulad ng ginamit sa thriller movie na “Scream” ang nangholdap sa isang doughnut shop sa Long Island, New York.

Ayon sa Nassau County Police, pumasok sa loob ng Dunkin’ Donuts sa Farmingdale ang hindi nakilalang suspek. Mistulang hihingi umano ang suspek ng treat or trick candies kaya malaya itong nakapasok sa naturang tindahan sa pamamagitan ng pagdaan sa likurang pintuan.

Nang nasa loob na ay biglang tinutukan ng suspek ng silver na baril ang mga empleyado at hiningi ang pera sa kaha.

Ipinalalagay ng suspek ang pera sa dala niyang Halloween bag na katulad ng mga ginagamit ng mga bata kapag nanghihingi ng candy tuwing Halloween.

Pero isa sa mga empleyado na naghuhugas ng mga tray ang nag-spray ng tubig sa holdaper gamit ang sink host.

Nataranta ang holdaper nang mawisikan ng tubig ang kanyang plastik na maskara.

Tumakbo palabas ang suspek kahit na wala siyang nakuhang pera at naglaho sa dilim.

Sinabi ng empleyado na hindi niya inakala na totoong holdaper ang pumasok. Ang buong akala niya ay isang ka-kilala umano ito na nananakot lamang sa kanila kaya naisipan niyang basain ito.

Humihingi ng tulong ang pulisya sa publiko upang ma-kilala ang suspek.

Nakuhanan ng surveillance camera ang pangyayari.

Ayon sa pulisya mukhang totoo ang baril pero hindi pa rin nila inaalis ang posibilidad na peke ito kaya natakot ang holdaper.

Kamakailan ay isang lalaki naman ang nangholdap sa Chase Bank sa Long Island. Naka-costume ng Darth Vader, isang villain sa pelikulang Star Wars ang suspek.

Nakakuha ng hindi nabatid na pera ang suspek at ngayon ay pinaghahanap pa ng otoridad.—AP

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.