Pugante nagtanong sa pulis: Wanted ba ako?

Bandera - - FRONT PAGE -

OHIO, USA—Swak sa selda ang isang babae matapos niyang parahin ang isang pulis upang tanungin kung siya ay wanted.

Ang 44-anyos na si Selma Elmore ay nagtatakbo nang lumabas sa computer sa mobile ng pulis na mayroong inilabas na warrant of arrest laban sa kanya.

Ayon sa ulat, pinara ni Elmore ang nagpapatrolyang pulis na si Dan Lyons sa South Wayne Avenue at tinanong kung mayroong curfew para sa mga matatanda.

Sumagot si Lyons ng wala at nagtanong muli si Elmore kung mayroong outstanding warrant of arrest laban sa kanya.

Matapos ang mabilis na pagsasaliksik ay sumagot ang pulis na meron.

Dito na nagtatakbo si Elmore kaya hinabol siya ng pulis.

Lubhang mailap umano si Elmore kaya kinailangan pang tumawag si Lyons ng backup.

Nang maabutan, itinulak umano ni Elmore si Lyons kaya nagkaroon ng pinsala ang siko nito.

Nahuli naman si Elmore nang dumating na ang hininging backup ni Lyons. Ang pulis naman ay dinala ng kanyang mga kasama sa Betheseda North Hospital kung saan siya ginamot.

Nauna rito, nahuli si Elmore at pinagmulta ng korte sa isang kaso na may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot.

Nabigo umano si Elmore na bayaran ang multa nang makalaya siya kaya naglabas ng arrest warrant ang korte.

At ngayon bukod sa hindi nabayarang multa, makakasuhan pa si Elmore ng resisting arrest.

Si Elmore ay dinala sa Hamilton County Jail matapos masampahan ng reklamo.—AP

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.