Kinahinatnan ng Jonas case inalmahan

Bandera - - FRONT PAGE -

SUMUGOD sa tanggapan ng Department of National Defense ang mga militanteng grupo upang iprotesta ang pag-abswelto ng korte kay Maj. Harry Baliaga, na umano'y nasa likod sa pagdukot sa political activist na si Jonas Burgos.

Ayon sa mga protesters, dapat papanagutin si Baliaga na natitirang akusado sa pagkawala ni Burgos.

Sinabi ni JL Burgos, nakababatang kapatid ni Jonas, hindi sila titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya sa pagkawala ng kanyang kuya.

Uubusin umano nila ang lahat ng legal remedies at iaapela ang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) branch 216.

Nagpasaklolo na rin sila sa Commission on Human Rights (CHR) hinggil dito.

Ayon sa grupong Karapatan at Desaparecidos, tila nagbulag-bulagan ang korte dahil lahat ng malalaking personalidad sa Burgos case ay abswelto na.

Partikular nilang tinukoy ang pag-dismiss ng Department of Justice (DOJ) noong Setyembre 2013 sa kasong murder, obstruction of justice, at arbitrary detention laban sa mga matataas na opisyal ng Philippine Army, kabilang ang dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Eduardo Año. —Radyo Inquirer

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.