PVL Collegiate Conference crown asinta ng NU

Bandera - - HEART 2 HEART -

SUSUBUKAN ng National University (NU) na walisin ang kanilang serye laban sa Far Eastern University (FEU) para sa kauna-unahang korona sa Premier Volleyball League (PVL) Collegiate Conference ngayong Sabado, Oktubre 14, alas-6:30 ng gabi sa S+A at S+A HD.

Hindi na nagpatumpiktumpik ang NU Lady Bulldogs sa pagtaob sa FEU Lady Tamaraws noong Miyerkules (Oktubre 11) sa loob ng apat na umaatikabong set, 25-22, 21-25, 25-18, 26-24, at nangangailangan na lang ng isang panalo para magkampeon. Kumamada ang Lady Bulldogs star na si Jaja Santiago ng 23 puntos sa tulong ng kanyang 15 kills habang sinubukan naman ni Czarina Carandang ng Lady Tams na tapatan ito ng kanyang 17 puntos, bilang pampuno sa kawalan ng star player na si Bernadeth Pons, na hindi pinaglaro.

Samantala, hindi napigilan ng Adamson University ang Arellano University na nagwagi sa tatlong set, 25-23, 26-24, 25-14, sa unang laro ng kanilang Battle of Third series.

Pinangunahan ni Jovielyn Prado ang Lady Chiefs na may 18 puntos habang nagbuslo naman ng 15 puntos ang kanyang kakamping si Regine Arocha. Ang siyam na puntos ni Joy Dacoron ang nanguna naman para sa Lady Falcons.

Gaganapin ang ikalawang laro ng kanilang serye ngayong Sabado alas-4 ng hapon at ipapalabas sa primetime ng alas-8 ng gabi sa S+A at S+A HD.

Parehong mapapanood ang Finals Game 2 at Battle for Third Game 2 gamit ang multi-cam livestreaming sa premiervolleyballleague.com. Ipapalabas din ang awarding ceremony ng live sa livestream at muli sa TV pagkatapos ng primetime telecast ng Game 2 sa S+A at S+A HD.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.