Heart Enemies

Bandera - - HEART 2 HEART -

GALIT na si Charlene, hindi na natutuwa. “Nico! Ikaw ang nagpunta hindi si Dave? Ikaw lang pala!”

“Huwag na nating istorbohin si Dave dahil ngayon lang siya nakauwi sa kanyang pamilya.”

“Bakit ka nagpunta dito? Kung dito ka na titira, ayoko! Si Dave ang gusto kong makasama sa islang ito! Ayoko na sa iyo!”

“Ayoko na rin naman sa iyo, Charlene. Hindi ako nagpunta dito para makipagbalikan. Matagal na tayong tapos.”

“Iyon naman pala! Wala ka dapat dito! Hihintayin ko si Dave kasi alam ko na hindi niya ako matitiis, babalik siya dito!”

“He will never go back for you. Matapos mong makamatay ng dalawang rescuers at pati siya ay nadamay pa. He will never forgive you. Sa sobrang kasamaan mo. Pero ako, sukang-suka man sa iyo, iuuwi kita. Tungkulin ko lang ito sa isang dating asawa. Kapag hindi ka sumama sa akin, may parating na taga-gobyerno para kukuha sa iyo. Mas matigas sila, Charlene. Kapag matigas ang ulo mo, siguradong masasaktan ka lang.”

“Walang makakapilit sa akin sa ayoko!”

“Can you really survive here kung ikaw lang magisa, Ms. Charlene? Ang payat mo na, ilang araw pa lang na hindi ka nakakakain nang matino.” Nagsalita na ang isa sa mga rescuers.

“At paano mo nalaman na hindi ako nakakain nangmatino? Pakialamero!” Sininghalan lang ni Charlene ang rescuer.

“Eh, mahirap naman talaga mamuhay dito ang babae. Kapag gusto mong kumain ng isda, kailangan marunong kang manghuli sa mahirap na paraan. Kung gusto mo ng ibaibang pagkain mula sa mga tanim, kailangan pupunta ka sa gitna ng gubat. Kung saan merong mga mababangis at makamandag na mga hayop.”

Hindi nakasagot si Charlene. Dahil totoo naman. “Sumama ka na sa amin, Charlene. Kailangan makaalis na tayo ngayon din.”

Pero matigas pa rin ang babaing spoiled at may konting sira na yata ang utak. “Ayoko sabi! Hanggang hindi ninyo pinapunta si Dave, dito na ako mamamatay!”

Iniwan sila ni Charlene. Susunod sana ang mga rescuers.

Pero pinigil sila ni Nico. “Huwag n’yo na siyang sundan, ha? Hayaan n’yong makapagisip. Ang gawin n’yo, magluto na kayo ng mga masasarap na pagkain. Hayaan nating maamoy ni Charlene ang bango ng mga ito. Para lumapit siya uli sa atin at pakainin natin siya nang maayos. Para hindi na siya masyadong mangayayat.”

“Sige po, Sir. Gagawin po namin ‘yan. Baka nga po kapag naamoy niya ang sarap, maaalala na rin niya ang buhay sa kabihasnan. Hindi siya magugutom.”

Tumango si Nico. Malungkot at nakaramdam ng kabiguan. Dahil hindi kaagad niya nakumbinsi ang dating asawa.

“Sana nga tumino ka, Charlene. Sana nga huwag ka nang magpahirap ng mga tao para lang sa iyong kaligtasan.” Napapailing na nanlulumo si Nico.

Itutuloy...

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.