IKA-12 SUNOD PANALO KINUBRA NG CELTICS

Bandera - - HEART 2 HEART -

BOSTON — Gumawa si Al Horford ng 21 puntos matapos magbalik buhat sa dalawang larong pahinga para tulungan ang Boston Celtics na matakasan ang Toronto Raptors, 95-94, para sa ika-12 diretsong panalo.

Hindi nakapaglaro para sa Boston (12-2) si Kyrie Irving matapos na masiko sa mukha ng kakampi na si Aron Baynes sa laro kontra Charlotte Hornets. Nagtamo si Irving ng minor facial fracture.

Nagdagdag si Jaylen Brown ng 18 puntos habang si Terry Rozier ay nag-ambag ng 16 puntos para sa Boston na tumira ng 40.2 porsiyento mula sa field.

Umiskor si DeMar DeRozan ng 24 puntos habang si Kyle Lowry ay nagtala ng 19 puntos at pitong assist para sa Toronto. Nahulog ang Raptors sa 7-5 kartada matapos manalo ng dalawang sunod.

Nakagawa si Jayson Tatum ng acrobatic layup may 1:26 ang nalalabi sa laro para ibigay sa Celtics ang 95-90 kalamangan.

Sumablay naman si DeRozan sa kanyang goahead stepback jumper may 19 segundo ang nalalabi. Nakuha ni Tatum ang rebound subalit nasiko niya sa mukha si Fred VanVleet at napatawan ng offensive foul matapos ang video review.

May pagkakataon sana si DeRozan na ibigay sa Toronto ang panalo subalit sumablay ang kanyang turnaround jumper may 2 segundo ang natitira sa laro. Nahablot ni Serge Ibaka ang rebound pero nawala sa kanya ang bola sa pagtunog ng buzzer. Thunder 112, Mavs 99

Sa Oklahoma City, umiskor si Paul George ng 37 puntos habang si Russell Westbrook ay nagdagdag ng 27 puntos para sa Oklahoma City na binalewala ang pagkawala ng dalawang regular starter para talunin ang Dallas.

Hindi naglaro sina Carmelo Anthony (sore lower back) at Steven Adams (right calf contusion) bunga ng iniindang injury.

Sa pagkawala ni Anthony, ang dalawang superstar ng Thunder na sina Westbrook at George ang bumuhat sa opensa ng koponan kung saan pinangunahan nila ang 26-10 ratsada sa ikatlong yugto para kumawala sa dikitang laban. Umangat ang Oklahoma City sa 6-7 karta.

Nagtala si Harrison Barnes ng 22 puntos at 13 rebound para pamunuan ang Mavericks, na natalo sa siyam sa kanilang huling 10 laro para mahulog sa 2-12.

Rockets 118, Pacers 95

Sa Indianapolis, kumana si James Harden ng 26 puntos at 15 assist para sa Houston.

Nag-ambag si Eric Gordon ng 21 puntos para sa Houston habang si Clint Capela ay nagdagdag ng 20 puntos at 17 rebound.

Gumawa si Victor Oladipo ng 28 puntos para pangunahan ang Indiana.

Pistons 112, Heat 103

Sa Detroit, umiskor si Tobias Harris ng 25 puntos habang si Avery Bradley ay nagdagdag ng 24 puntos para sa Detroit Pistons na dinaig ang Miami Heat.

Nag-ambag si Reggie Jackson ng 17 puntos habang si Luke Kennard ay may 14 puntos para sa Pistons.

Nagtala si Hassan Whiteside ng 20 puntos at 12 rebound para pamunuan ang Miami.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.