Aling Magda

Bandera - - FRONT PAGE - BY DENNIS EROA

HINDI siya sikat at natitiyak kung baon siya sa putik ng kahirapan. Sadyang malungkot ang buhay ni Aling Magda a.k.a. Mrs. Margarita Almeria Billones. Ngunit kulang man sa karangyaan, natitiyak kung siya ay may dangal at walang dudang bahagi siya ng masalimuot, makulay, malungkot, nakatutuwa at matagumpay na kasaysayan ng Rizal Memorial Sports Complex.

Dahil dito ay hindi na ako nagulat ng malamang ilan lamang kabilang ang Peks Man ang naging interesado matapos pumanaw si Aling Magda sa gulang na 89 noong Hulyo 12, 2017. Sino nga ba siya? Isa lamang siya sa mga taong nasa laylayan ng lipunan at dahil dito ay kokonti ang naging interesado matapos siyang pumanaw.

Sa mga bagitong isportsrayter, bihira ang nakakakilala kay Aling Magda ngunit sa mga tanders, naiibang karakter si Magda na nakita ang mga tagumpay ni Robert ‘’Big J’’ Jaworski sa basketbol suot ang maiksing short sa Rizal Memorial Coliseum at ang mga hataw ng namayapang alamat ng baseball na si Boy Codinera sa baseball stadium. Hindi rin nagsasawang ipagmalaki ni Magda ang pagiging malapit niya sa iba pang sikat na banyagang manlalarong na tuwi-tuwina’y dumadalaw sa RMSC. Marami na ring sikat sa PBA na ngayo’y retiro na ang nakaranas ng ni karinyo ni Aling Magda upang mapilitan kang bumili ng kanyang mga paninda.

Noong siya ay malakas pa, maluwag na nakapapasok si Aling Magda sa mga palaruan. Hindi mo siya puwedeng harangin sapagkat tulad ng isang mandirigma ay makakatikim ang bantay sa pasukan ng mga maaanghang na salita na tanging siya lang ang nakakaintindi.

Sa mga tulad naming napasabak sa mga salpukan sa basketbol sa RMC, hindi kumpleto ang aming ‘’coverage’’araw kung wala si Magda na bitbit ang ibat’t-ibang klase ng paninda --hopia, fish crackers, biskwit, kendi, mani at maraming pang kutkutin na umiikot sa nakabibinging palaruan.

Unti-unting nawala sa eksena si Aling Magda dahil na rin sa kanyang huminang kalusugan dala ng katandaan, Kung dati-rati ay maliksi ang kanyang mga lakad ay nakaupo na lang si Magda sa pasukan ng baseball stadium katabi ang mga paninda kasama ang apong si Jovelyn at anak na si Buboy na tumutulong din sa pagbabantay ng mga nakaparadang sasakyan.

Bihira na rin akong makapunta sa RMSC at alam kong ginupo na si Aling Magda sa banig ng karamdaman matapos kung makitang nakahiga na lang siya sa folding bed at nakatingin sa kawalan. Kung dati-rati’y nagliliwanag ang mukha kung makikita niya ako ay tila ba suko na si Aling Magda sa kanyang kapalaran.

Sinabi ni Jovelyn na napakabuting lola ni Aling Magda at kung tila-lindol ang kanyang pagpasok sa mga palaruan noong kanyang kalakasan ay mapayapang gabi naman ang kanyang pagpanaw. Malaki ang pasasalamat nina Buboy at dalawa pang anak na sina Romeo at Belen sa Philippine Sports Commission sa pamumuno ni Butch Ramirez sa pagbibigay sa kanila ng pahintulot na ipagpatuloy ang ikot, bagamat may kabagalan, ng buhay sa RMSC.

Ang mga abo ni Magda ay nasa bahay ng kanyang anak na si Romeo sa Leveriza. Paalam at bagamat huli na ay maligayang paglalakbay Aling Magda. Sigurado akong patok ang mga tinda kasama ang mga dakilang atletang Pinoy na sa langit na humahataw. Buong pusong pakikiramay mula sa Bandera at sa Peks Man!

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.