ALAB PASOK SA ABL FINALS

Bandera - - HEART 2 HEART -

LIMANG taon matapos huling tumuntong ang Pilipinas noong 2013 sa kampeonato ay magbabalik muli sa unang pagkakataon ang isa na naman nitong koponan sa Asean Basketball League (ABL) Finals.

Ito ay matapos na ibulsa ng San Miguel Alab Pilipinas ang unang tiket sa kampeonato ng ABL sa pagpapatalsik sa defending champion na Hong Kong Eastern Basketball Team, 79-72, Linggo ng gabi sa Sta. Rosa Multi Purpose Complex sa Sta. Rosa, Laguna.

Winalis ng Pilipinas ang best-of-three series sa loob ng dalawang laro, 2-0, upang agad na hawiin ang direksyon ng torneo sa pagkakaroon ng bagong kampeon.

“I’m just really grateful for having a great group of guys,” masayang pahayag ni Alab head coach Jimmy Alapag.

Pinangunahan ni Justin Brownlee ang Alab sa kinolekta na 22 puntos, 11 rebound at 4 block habang nagdagdag si Renaldo Balkman, na itinala ang makasaysayang ABL Playoff record 46 puntos na paglalaro sa Game 1, ng 21 puntos at 11 rebound.

Maliban sa dalawang world imports, nakahugot din ang Alab ng tulong sa mga local player na sina Bobby Ray Parks Jr., Paolo Javelona at Pamboy Raymundo.

“As a player, confidence is such a valuable part. That’s one thing I try to encourage my guys,” sabi ni Alapag sa ipinakita na team effort ng mga manlalaro kung saan pinasalamatan nito ang kanyang mga import pati na rin ang mga lokal nitong manlalaro. “As we progress in the season, we will need everybody.”

Umalagwa ang Alab sa ikatlong yugto kontra sa mga bisita sa paghulog ng 17-6 bomba matapos magtabla ang laro sa iskor na 43 sa huling anim na minuto tungo sa pagtatapos ng yugto.

Inihulog ni Balkman ang siyam nitong puntos sa yugto upang itulak ang Alab sa 11-puntos na abante patungo na sa huling yugto.

Hindi naman nakatulong para sa defending champion ang pagkakaroon nina Tyler Lamb at Christian Standhardinger ng apat na foul kung saan umalagwa ang Alab.

Tatlong sunod na tres agad ang ibinagsak ng Alab sa pagsisimula ng ikaapat na yugto upang itala ang 69-51 na bentahe bago tuluyang kumapit sa depensa upang kumpletuhin ang pagtuntong sa kampeonato matapos na unang mapagiwanan sa labanan sa pagsisimula ng torneo. — Angelito Oredo

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.