Humahataw ang MPBL

Bandera - - HEART 2 HEART - BY DENNIS EROA

NGAYON pa lang, nais ko nang ipaabot ang pagbati sa mga utak ng Maharlika Professional Basketall League (MPBL).

Siyempre, isang masigabong palakpakan ang ibibigay ng Peks Man at ng Bandera kina Senador at boxing legend Manny Pacquiao, commissioner Kenneth Duremdes (ang original Captain Marbel ng PBA), Zaldy ‘‘Singing Sensation’’ Realubit at iba pang personalidad na nasa likod ng pagkakaroon ng ligang nakuha ang pulso ng masang Pinoy.

Dahil masusukat ang tagumpay ng isang liga sa init ng pagtanggap ng publiko, walang dudang nakuha ng MPBL ang kiliti ng sambayanan.

Bagaman hindi pa maihahambing ang kalidad ng mga laro sa PBA ay hindi naman ito nagpapahuli sa "excitement" at "entertainment."

Ang maganda sa PBA, sa pangunguna ni Commissioner Willie Marcial, ay hindi ito natatakot sa pagsulpot ng MPBL. Bago pa man ang unang jumpball ay sinabi na ni Marcial na magandang proyekto ang MPBL sapagkat mabibigyan ng trabaho ang maraming konektado sa basketbol, hindi lang ang mga opisyal at manlalaro kundi ang mga taong gumagawa ng maliliit na bagay na kung susuriin ay malaki ang iniaambag sa pagtatagumpay ng isang liga.

Tinutukoy ko ang mga waterboy, ballboy, scorer, taga-punas ng nagpapawis na court, barker, cheerleaders, at marami pang iba.

Aminado rin si Duremdes na hindi naman tinatag ang MPBL upang maging karibal ng PBA.

Dahil isa siya sa pinasikat ng PBA, alam ni Duremdes ang lakas at kahinaan ng MPBL

Ito ang malaking pagkakaiba ng MPBL at ng dating Metropolitan Basketball Association (MBA) na pinilit makipagsabayan sa PBA.

Siyempre pa alam na natin ang nangyari. Nalubog ang MBA samantalang nagpatuloy ang pamamayagpag ng PBA.

Dapat ay laging isasalang-alang nina Senador Pacquiao at commissioner Duremdes ang limitasyon ng MPBL sa ngayon.

Hindi naging hadlang ang pagiging bago ng MPBL upang gumawa ng malaking ingay sapagkat nakadikit ang liga sa mga miron.

‘‘Genius’’ ang ginagawa ng pamunuan na gawin ang mga laro sa iba’t-ibang lugar. Umaapaw ang mga palaruan sa Batangas, Muntinlupa, Navotas, Paranaque, atbp.

At pinakaaabangan ang Finals series sa pagitan ng Batangas Tanduay Athletics at Muntinlupa Cagers-Angelis Resort.

Umaapaw sa emosyon ang serye sa pagitan ngBatangasat Muntinlupa at sa aking tingin kapwa kampeon ng Rajah Cup ang dalawang koponan.

Hindi na rin ako nagtataka na may mga bagong koponan na sasapi sa MPBL.

POC kumikilos na Gumugulong na ang pagbabago sa Philippine sports.

Tulad ng sinabi ng Peks Man, unti-unti ngunit para sa ikabubuti ng isports ang ginagawa ng bagong pamunuan ni POC president Ricky Vargas.

Kapuri-puri ang pagtanggal ng pagkilala ng POC sa Philippine Swimming Inc sapagkat ayon sa hepe ng arbitration committee na si Robert Aventajado ay ‘‘invalid’’ ang nangyari eleksyon noong nakaraang Pebrero. Pinamumunuan ni Lani Velasco ang PSI.

“Swimming has just been disqualified and they lose all their privileges as NSAs of the POC until such time we are able to settle all the issues,” sabi ni Vargas sa unang General Assembly ng POC sa ilalim ng

kanyang pamunuan.

Magandang balita ito sa Philippine Swimming League na matagal nang nababalewala dahil hindi sila nagpapakontrol sa PSI.

Alam nating lahat na bagsak ang swimming sa ilalim ng PSI kung pagbabatayan ang mga resulta sa mga iba’t-ibang paligsahan.

Siyempre pa, ang PSL sa pangunguna ni Asian Gamer Susan Papa ang bumabandera at humahakot ng mga karangalan sa iba’t-ibang lugar kung age-group ang paguusapan.

Ang PSL din ang tanging organisasyon na may mga programang naglalayong itaas ang antas ng swimming sa bansa at makadiskubre ng mga future Olympians.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.