Baby nalunod sa baha

Signal No. 4 sa Cagayan, Isabela

Bandera - - FRONT PAGE - Ni John Roson

NALUNOD ang 8buwang sanggol nang tangayin ng bahang dulot umano ng bagyong "Ompong" sa Pio Duran, Albay, kahapon ng umaga.

Nakilala ang nasawi bilang si Crissa Joy Porteria, residente ng Brgy. 1, ani Chief Insp. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.

Bago ito, natutulog ang sanggol at mga miyembro ng kanyang pamilya.

Nang magising alas-5, napansin na lang ng mga kaanak na nawawala ang sanggol, ani Calubaquib.

Natagpuan na lang ng pamilya ang sanggol na walang buhay sa binaha nilang bakuran, aniya.

Ayon sa Office of Civil Defense-5, isa ang Albay sa mga bahagi ng Bicol na apektado ng bagyong "Ompong."

Dumanas ang lalawigan ng pag-ulan at pabugu-bugsong hangin Biyernes ng madalingaraw, ayon sa ahensiya. Signal No. 4

Itinaas na sa Signal No. 4 ang bagyo sa Cagayan at Isabela ilang oras bago ang nakatakdang paglandfall ng bagyo, ayon sa state weather bureau.

Bumilis din ang bagyo sa inaasahan nitong pagtama sa lupa Sabado ng umaga, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Samantala, umakyat sa 13 ang mga lugar na nasa signal number 3 kahapon ng hapon.

Kabilang rito ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Quirino, Northern Aurora at Isabela.

Nasa Signal No. 2 ang Batanes, La Union, Benguet, Pangasinan, Tarlac, Nueva Ecija, Southern Aurora at Northern Zambales.

Signal No. 1 naman sa Southern Zambales, Pampanga, Bulacan, Bataan, Rizal, Metro Manila, Cavite, Batangas, Laguna, Quezon kasama ang Polillo Island, Northern Occidental Mindoro kasama ang Lubang Island, Northern Oriental Mindoro, Masbate, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Burias and Ticao Islands.

Huling namataan si Ompong 540 kilometro silangan ng Baler, Aurora alas-10 ng umaga.

Bitbit nito ang hangin na umaabot sa 205 kilometro kada oras at pagbugso na hanggang 255 kilometro kada oras.

Kumikilos ito pa-hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras at inaasahang magla-landfall sa Cagayan-Isabela at Aurora sa pagitan ng ala-5 hanggang alas-8 ng umaga ngayong araw.

Nagbabala ang mga weather forecaster na magiging mapaminsala ng bagyo dahil paiigtingin nito ang hanging habagat.

“Storm surge prone areas of Cagayan and Isabela may expect up to six meters of surge,” sabi ng Pagasa.

Bakwit lampas 18k na

Mahigit 18,000 katao na ang nagsilikas sa ibaibang bahagi ng Luzon dahil sa bagyong "Ompong," ayon sa mga otoridad.

Nasa 4,097 pamilya o 18,250 katao na ang nagsilikas sa Ilocos region, Cagayan Valley, Cordillera, at maging sa Bicol, batay sa datos na nakalap ng BANDERA.

Pinakamaraming naiulat na evacuee sa Cagayan, kung saan 2,778 pamilya o 13,001 katao na ang nagsilikas, ayon kay Rogie Sending, tagapagsalita ng pamahalaang panlalawigan.

Mayroong 2,422 kataong nagsilikas sa katabing lalawigan ng Isabela at 129 sa Quirino, sa ulat ng Office of Civil Defense-2.

Di bababa sa 1,738 katao ang nagsilikas sa Ilocos region, 513 sa Cordillera, at 447 sa Bicol, ayon sa ulat ng mga tanggapan doon ng OCD.

Dahil sa panibagong direksyon ng bagyo, tumaas naman sa 5.2 milyon ang inaasahang bilang ng maapektuhan, sabi ni Edgar Posadas, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Noong una ay Cagayan ang may pinakamaraming inaasahang maaapektuhan, lumabas sa pagtaya Biyernes ay Isabela na ang mapupuruhan kung saan 1.57 milyon katao ang maaaring makaramdam ng "severe effects" ng bagyo, ani Posadas.

Bantay-school

Nagbabantay ang Department of Education sa magiging epekto ng bagyong Ompong sa mga paaralan. Sa datos ng DepEd-Disaster Risk Reduction and Management Service, nasa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo ang 76 school divisions, 19,704 eskuwelahan na pinapasukan ng 7.7 milyong estudyante sa elementarya at high school.

Apektado ng bagyo ang 11 rehiyon-- Regions I, II, III, IV-A, V, VI, VIII, X, Cordillera Administrative Region, National Capital Region at CARAGA.

“We are bracing for a powerful typhoon, and the need to ensure that our educators, learners, personnel are prepared and safe is just as important as the need to ensure that education continues no matter what. We have mobilized DRRMS and our field offices to make

sure that all the efforts for preparedness are in place, and that damage will be minimal,” ani Education Sec. Leonor Briones.

Naghahanda na rin ang DepEd para sa mga lugar na maaaring pagdausan ng klase kapag may nasirang paaralan.—Inquirer, Leifbilly Begas

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.