Babae, milyonaryo sa kaarawan

Bandera - - FRONT PAGE -

CALIFORNIA, USA— Tuwang-tuwa ang isang babae na nanalo ng kalahati ng jackpot prize ng SuperLotto na nagkakahalaga ng $18 milyon.

At ang kanyang suwerte ay dala ng mga petsa ng kaarawan ng kanyang mga anak at apo.

Sinabi ni Audelia Ramirez na mga birthdate ang mga numerong kanyang tinayaan at nanalo sa SuperLotto.

Nakuha na ni Ramirez ang $9 milyong premyo samantalang ang isa pang nakakuha ng mga numero ay hindi pa lumulutang. Ang tiket ay tinayaan sa Junior Liquor sa San Diego.

Plano ni Ramirez na bumili ng bagong bahay at iiwan na ang kanilang kasalukuyang tinitirahan na isang maliit na apartment.

Ang 73-anyos na si Ramirez ay mayroong anim na anak at walong apo kung saan kinuha ang mga lumabas na numerong-22, 27, 32, 31, 2 at Mega 11.

Sa Corry, Pennsylvania ay pinaghahanap naman ng pulisya ang isang jackpot impostor.

Ayon sa pulisya, isang lalaki ang nagpanggap na siyang nanalo ng $750 daily jackpot ng Veterans of Foreign Wars club sa Corry.

Nalaman umano ng club na naloko sila nang pumunta sa kanila ang 67-anyos na si Malcolm Johnson upang kolektahin ang kanyang napanalunan.

Ayon sa mga opisyal ng club, isang lalaki ang pumunta sa kanila at nagpanggap na si Johnson. —AP

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.