Kandidato inalmahan ng may-ari ng logo

Bandera - - FRONT PAGE -

NICOSIA, CYPRUS — Napilitan ang mga opisyal ng Cyprus na muling mag-imprenta ng 575,000 balota na gagamitin para sa eleksyon matapos umalma ang Guinness World Records nang gamitin ng isang kandidato ang logo nito.

Nakatakdang atasan ng gobyerno si Andreas Efstratiou na magbayad ng $20,000 para sa pagiimprenta muli ng mga balota, ayon kay election commission official Demetris Demetriou.

Sinabi ni Demetriou na noong una ay pinayagan ng Guinness si Efstratiou na gamitin ang logo nito sa kanyang ikalawang pagtakbo bilang presidente.

Si Efstratiou ay nagmamay-ari ng isang bridal wear shop at napabilang sa Guinness Book of World Records bilang nagmamay-ari ng pinakamahabang wedding gown na may sukat na 1,362 metro. Hindi na niya hawak ang titulo ngayon.Ang kasalukuyang may hawak nito ay si Lichel van den Ende ng Netherlands na may rekord na 2,488 metro (8,164 talampakan).

Inatasan ng Guinness si Efstratiou na tigilan na ang paggamit ng logo nito noong 2011. Inereklamo siya sa Cypriot authorities nang madiskubre na ginamit niya muli ang logo.

Sinabi naman ni Efstratiou na hindi pantay ang pagtingin ng Guinness. Aniya, maaari pa rin siyang tawaging may hawak ng rekord kahit hindi na siya ang kasalukuyang may-ari nito. “I’ve used this logo before several times. I can use it since I’m a record-holder, I’ve got the paperwork to prove it. If an athlete wins a medal at the Olympics, do they take it back?” sabi ni Efstratiou.

Aniya, umalma rin ang kanyang mga tagasuporta kaya’t kukonsulta siya sa kanyang abogado sa kung anong aksyon ang dapat gawin.

Dalawang beses nang tumakbo si Efstratiou sa pagkapangulo, noong 2003 at 2008. Nakakuha lamang siya ng boto na di lalagpas sa 1,000. May kabuuang populasyon na 900,000 ang Cyprus. — AP

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.