2 PILAK NASAGWAN NG PH DRAGONBOAT

Bandera - - HEART 2 HEART -

IPINAGPATULOY ng Pilipinas ang mahusay na kampanya sa internasyonal na torneo matapos magwagi pa ng dalawang pilak na medalya sa 2018 ICF World Dragon Boat Championships na ginaganap sa Lake Lanier Olympic Park sa Gainesville, Georgia, USA.

Nabitawan ng mga paddlers mula sa Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation na paborito at kilalang malakas sa small boat event ang posibleng isa pang ginto sa 10-seater senior men’s 500 meters matapos makipagbakbakan sa Hungary na nagawang hablutin ang ginto sa labanan tungo sa finish line.

Itinala ng mga Hungarians ang 2:05.021 tiyempo para ungusan ang mga Pilipino (2:06.18) sa huling metro tungo sa finish line habang pumangatlo ang Czech Republic checked na mahigit na tatlong segundo na naiwanan sa ginto. Sunod dito ang Italy, Germany at Ukraine.

Isa pang pagkakataon ng PH paddlers na makasungkit ng ginto sa 20seater senior mixed 2000m subalit lumampas sa kamay nito ang malaking tsansa matapos na muntik nito makabanggaan ang United States sa huling ikot upang hayaan ang Czech Republic na walang hirap na maagaw ang korona.

“We were forced to take a longer route because we might bump the boat of the United States on the last turn,” sabi ni head coach Len Escollante, patungkol sa koponan na pinakawalan na ikatlo mula sa kasaling pito sa starting line para habulin ang mga Amerikano sa kalahatian ng karera.

Nakahanda na sana ang mga Pilipino na lampasan ang kalaban nang biglang tahakin ng mga Amerikano ang gitnang linya sa huling ikot na nagpabawas ng ilang segundo sa naghahabol na Pilipinas.

“That costs us approximately 4 to 5 seconds. Still, we were able to earn a medal and I’m proud of what this team has accomplished,” sabi ni PCKDF president Jonne Go sa koponan na suportado ng Philippine Sports Commission at Go For Gold na una nang nagwagi ng pares ng ginto sa 20-seater senior mixed 500m at 10seater senior mixed 500m.

Nagwagi ang Czech Republic sa 2000m sa walong minuto at 42.47 segundo habang ang Pilipinas ay nagtala naman ng 8:43.98 tiyempo. Ang Hungary, na inabot ang Germany sa huling 500m, ay nakatawid sa 8:46.22 oras para sa tanso.

Binubuo ng mga paddlers na sina Mark Jhon Frias, Jordan De Guia, Arche Baylosis, Loberstan Duayao, John Lester Delos Santos, Jerome Solis, John James Pelagio, Miflone Puzon at Franc Feliciano ang sasabak ngayon sa 20-seater 200m senior mixed category.

Makakasama nila ang lady paddlers na sina Apple Jane Abitona, Raquel Almencion, Lealyn Baligasa, drummer Patricia Ann Bustamante at steerer Maribeth Caranto sa paghahangad ng mga Pilipino na maangkin ang ikatlo nitong ginto.

Maliban sa big boat 200m senior mixed ay sasagupa pa ang koponan sa finals ng small boat 200m senior men at senior mixed. — Angelito Oredo

ANG mga Pinoy paddlers ng Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation habang papatawid ng finish line sa 20-seater senior mixed 2000m race.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.