3 dinukot na Indon pinalaya

Bandera - - FRONT PAGE -

PINAKAWALAN ng mga kidnaper sa Sulu ang tatlong mangingisdang Indonesian na kanilang dinukot sa dagat na nasa pagitan ng Pilipinas at Malaysia noong Enero, ayon sa militar kahapon.

Pinalaya sina Hamdam Salim, 34, Subandi Sattuh, 27, at Sudarlan Samansung, 41, ani Lt. Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng Armed Forces Western Mindanao Command.

Pinawalan sila sa Brgy. Buanza, Indanan, alas-4 ng hapon Sabado, sa pamamagitan nina Tarhata Misuari, Abdul Kiram Misuari, at dating Sulu. Gov. Abdusakur Tan, ani Besana.

Dinukot sina Salim, Sattuh, at Samansung noong Enero 18, 2017 sa dagat na malapit sa Taganak Island, TawiTawi, aniya.

Aabot sa 32 armadong sakay ng isang lantsa ang kumidnap sa mga banyaga, ayon sa isang military report.

Matapos pawalan, itinurn-over ang mga Indonesian kina Joint Task Force Sulu commander Brig. Gen. Divino Rey Pabayo Jr., Tan, at Sulu provincial police director Senior Supt. Pablo Labra.

Dinala ang mga banyaga sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo para sa pagsusuring medikal at debriefing.

Nakatakda silang iturn over sa ambassador ng Indonesia sa tanggapan ng Western Mindanao Command sa Zamboanga City, Linggo, ani Besana. —John Roson

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.