Dagdagan ang kaalaman sa kalikasan habang namamasyal

Inquirer Libre - Davao - - PANGUNAHING PAHINA - Text and photos ni Marlet D. Salazar

ANG MISYON ng Pusod—Taal Lake Conservation Center (Pusod-TLCC) ay hindi lamang upang imulat ang bisita sa kahalagahan ng kalikasan, kundi upang gawing mas masaya at makabuluhan ang gagawing “pag-aaral.”

Ang Pusod ay isang samahan na hindi lamang nangangalaga sa paligid ng Taal Lake kundi tumutulong din sa mga mamamayan sa pamayanan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakakitaan.

Ayon kay Ann Javier, executive director ng Pusod, minabuti nilang palawigin ang turismo sa Taal Lake upang makatulong sa hanapbuhay ng mga mangingisda sa pamayanan.

Sa tinatawag nitong “Knowledge Tour,” ang mga bisita na mamamasyal ay magkakaroon din ng kaalaman tungkol sa kalikasan at paano ito pinapangalagaan ng mga mamamayan doon. Gustong idiin ni Javier na bawat bisita ay nakatutulong din sa bawa’t tao na nagkakaroon ng hanapbuhay dahil sa turismo.

Isa na dito si Eric Linatoc, 27, na nagtitinda sa palengke. Kapag may mga turista, isa siyang tour guide. Dumaan si Eric sa mga pagsasanay sa turismo mula sa mga partnership ng Pusod. Si Aling Betty Ostorias naman ang tinatakbuhan kapag may mga bisitang kailangang pakainin. Sa ngayon ay mayroon siyang catering business at fulltime ang serbisyo sa TLCC.

Isa ang Globe Telecom sa mga tumutulong sa Pusod at TLCC sa pagtataguyod ng mga programa para sa kalikasan. Ang isang misyon na bigyan ng kakayahan ang mga tao na maka-connect sa internet ay lumawig na sa mas matibay at mas mahabang pagtutulungan.

Ang TLCC ay matatagpuan sa Sitio Lipute, Bgy. Kinalaglagan, Mataasnakahoy, Batangas. Hindi lalagpas sa dalawang oras ang biyahe (basta walang trapik) mula sa Makati.

Aminado si Javier na mas mataas ang tour rates kumpara sa iba sa karatig pook. “Ito ay dahil isa itong conservation center at nais din naming turuan ang mga mamamayan na pahalagahan ang serbisyong kanilang ibinibigay.”

Ang conservation tour rates ay nagsisimula sa P2,142 (kung anim na tao) at magsisimula ang buong araw na tour ng 8 a.m. Kasama na dito ang isang full briefing ukol sa lawa at kasaysayan nito.

Makikita din ang TLCC sa Airbnb.

SA PAGTATAPOS ng araw, ito ang tanawin na iiwan ng Taal.

PWEDE ding mamingwit ng isda sa umaga.

MATUTO ng sailing sa loob lamang ng ilang oras.

MAY nagtuturo ng stand-up paddleboard.

VOLLEYBALL ng mga kabataan sa hapon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.