MASUSUBOK ANG GILAS

Inquirer Libre - Davao - - SPORTS - Ni Dennis Christian O. Hilanga @inquirer_libre

Susubukin ang tibay, lakas at puso ng Gilas Pilipinas sa second window ng 2019 Fiba World Cup Asian Qualifiers. Lilipad ngayong araw patungong Melbourne ang pambansang koponan upang harapin ang Australia na hindi lang height, speed at international experience advantage ang maipagyayabang kundi pati na ang swabeng team chemistry.

Halos hindi nagalaw ang roster ng kasalukuyang World No.10 team sa listahan ng Fiba na pinangungunahan ng mga offensive threat na sina Daniel Kickert, Mitchell Creek at Jason Cadee. Susuportahan sila nina Angus Brandt, Cameron Gliddon, Christopher Goulding, Matthew Hodgson, Nicolas Kay, Mitchell McCarron, Brad Newley, Nathan Sobey at Jesse Wagstaff.

Sa kabila ng bantang ito ng powerhouse Australia, nananatiling positibo ang Nationals tungo sa road game nito sa Land Down Under sa Huwebes, Pebrero 22 kahit pa dumaan sa pagsubok ang koponan lalo na ang kakulangan ng oras ng ensayo at schedule conflict ng mga manlalaro dahil na rin sa ongoing PBA Philippine Cup.

Same old problem

Kahapon lang natapos ang commitments ng mga manlalaro sa kani-kanilang PBA teams dahilan upang hindi makabuo ng kumpletong roster para sana makapagensayo ng mas maaga ang koponan. Bukas pa lang pagdating sa Australia inaasahang makapageensayo ang Gilas bilang complete team.

At kahit tinanggal na rin ang 'one player per team' rule na nagbigay daan sa Gilas upang humiram ng kahit ilang manlalaro sa 12 ballclubs sa PBA, nanatili pa ring suliranin nito ang hustong oras ng ensayo upang mas mapaghandaan ang higanteng kalaban.

“We have that luxury of having more than one player but we don’t have practice times. Ganoon din. That’s why we’re just making do with what we have, trying to make the most of the situation,” sabi ni coach Chot Reyes sa mga panayam noong isang linggo.

Gayunpaman, ang 'cramming' na ito ay hindi na bago para sa Gilas dahil sa mga nakalipas na tournaments ay halos ganito rin ang tagpo.

Hindi pa man pinapangalanan ang final 12 na makikipagbakbakan sa Aussies, tila nasanay na si Reyes sa pressure dahil nangyari na rin ang ganitong eksena noong 2017 Fiba Asia Cup sa Beirut, Lebanon.

“Sanay na tayo diyan. Umalis nga tayo for Beirut, (for FIBA Asia Cup) three days (before the tournament). Sa Beirut na lang kami nabuo,” sabi pa ni Reyes sa isang panayam sa mga nakalipas na ensayo ng Gilas.

Noong isang linggo naglatag ng 'closed door' practice ang Gilas kung saan hindi muna pinayagan ang publiko maging ang media na manood ng training. Lunes (Pebrero 12) nang magsimulang magdaos ang koponan ng araw-araw na ensayo bilang paghahanda bago umalis ng bansa.

Tila umayon naman ang mga bituin para sa Gilas dahil maagang dumating sa bansa (Pebrero 9) si 6foot-11 naturalized center Andray Blatche.Agad na pinayagan ng kanyang mother team na Xinjiang Flyong Tigers sa Chinese Basketball Association si Blatche para magampanan ang national team duties.

Sino ang Final 12?

Bukod kay Blatche, inaasahang shoo-in sa lineup sina veterans Jayson Castro at June Mar Fajardo habang mamimili pa ang multititled mentor mula sa pool na kukumpleto sa 12-man roster bago ang inaabangang showdown ng 2016 Rio Olympics 4th placer Australia at 2015 Fiba Asia Championship silver finisher Philippines.

Huhugot si Reyes mula sa pool mainstays na binubuo nina Kiefer Ravena, Kevin Alas, Jio Jalalon, RR Pogoy, Matthew Wright, Allein Maliksi, Gabe Norwood, Carl Bryan Cruz, Mac Belo, at Japeth Aguilar. Impresibo ang nilalaro ng mga ito sa kani-kanilang koponan sa PBA ngayon .

Malaking kawalan sa frontline ng Gilas ang pagkakatanggal nina Raymond Almazan at Calvin Abueva dahil sa pag-absent sa mga unang linggo ng ensayo.

Bagaman nagpakitang muli sa ensayo si Abueva matapos maayos ang mga ‘personal issue’, sinabi ni Reyes na hindi na ito maisasali sa final lineup kontra Australia. Maging si Troy Rosario na nagbalik ensayo matapos isugod sa ospital dahil sa nakapangingilabot na pagkakabagsak laban sa Phoenix ay malabo na ring mapabilang.

Pinagsasaluhan ng Gilas at ng Boomers ang Group B lead tangan ang 2-0 win-loss card matapos pataubin ang mga nakatapat na bansa sa Window 1. Natakasan ng Gilas ang Japan (77-71) at Chinese Taipei (90-83) habang tinambakan ng Boomers ang Chinese Taipei (104-66) at Japan (82-58).

Babalik ng bansa ang Gilas sa Pebrero 23 upang maghanda naman para sa rematch kontra Japan sa Linggo, Pebrero 25.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.