Nang sumablay si bantay; pasensya na, aso lang po

Inquirer Libre - - NEWS - Julie M. Aurelio

PINALIKAS ang mga empleyado sa isang gusali sa Libis, Quezon City, kahapon ng umaga matapos maupo ang isang bombsniffing dog sa tabi ng isang kahina-hinalang backpack, pahiwatig na maaring may lamang pampasabog ang bag.

Ngunit walang nakuhang bomba sa bag na puro personal na gamit ang laman, ayon sa pulisya.

Sinabi ni Insp. Noel Sublay, hepe ng explosives at ordnance unit ng Quezon City Police District, na isang Labrador na sinanay sa paghanap ng pampasabog at gamit ng mga guwardiya sa 1800 Building sa Eastwood, Libis, ang nagkamali.

Ani Sublay, maaring pagod ang aso o kailangan pa ng dagdag na pagsasanay.

Ayon sa opisyal, pinatawag siya at ang mga tauhan niya sa gusali matapos matagpuan ng mga guwardiyang may dala ng aso ang kahina- hinalang bag, bandang alas-8ng umaga

Pinalabas ang lahat ng nasa gusali na agad pinalibutan ng mga pulis habang sinusuri ang bag.

Nang suriin, natagpuan sa bag ang mga personal na gamit, kasama na ang baby powder at rubbing alcohol.

Anang mga guwardiya, maaring naamoy ng aso ang kemikal sa bag.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.