‘I see dead people’

Do you believe in ghosts? Narito ang tatlong celebrities na nagkaroon na ng encounters with ghostly and ghastly entities. Read and scream.

Inquirer Libre - - FRONT PAGE -

CHOKOLEIT

Mag-isa lang kasi ako sa bahay nu’n. Inaayos ko nga ‘yung mga gamit ko. Tapos bigla na lang may malamig na hanging parang bumalot sa buong katawan ko. Hindi ko pinansin.

Tapos biglang pumasok sa isip ko ‘ yung assignment namin ni Joel kinabukasan. May pupuntahan kasi kaming kasal, kami ‘yung magse-service sa bride.

Ilang minuto, bigla na lang akong nakaamoy ng pabango. Hindi ako pwedeng magkamali, pabango ‘yun ni Joel.

Sabi ko nga, ang tapang naman ng pabango ni Joel hanggang dito naaamoy ko.

Hindi na ako mapakali. Tapos ‘yung amoy ng pabango, parang untiunting napapalitan ng amoy ng kandila. Du’n na ako kinabahan. Parang ano ba ‘ to? Totoo ba ito o nananaginip lang ako.

Hindi na ako nakatulog nu’n. Hinintay ko na lang mag-umaga kasi iba na nga ang pakiramdam ko. Hanggang sa may nag-page na sa akin.

Patay na raw si Joel. Binangungot daw.

MART ESCUDERO

Seven years old ako nu’n. Una kong narinig ‘yung boses ng bata nu’ng nasa loob ako ng CR namin. Dinig na dinig ko ‘ yung boses niya, "Motmot...Motmot...laro tayo..." sabi niya. Motmot kasi ‘ yung tawag sa akin nu’ng bata ako.

Tapos ilang ulit niyang sinasabi ‘yun, niyayaya niya akong maglaro. So, inisip ko, sino ‘yung tumatawag sa akin, e, ako lang naman ang bata sa bahay namin nu’n.

Nu’ng lumabas na ako ng CR, parang biglang may iba’t ibang ingay akong narinig. ‘Yung parang malayo siya pero parang malapit din. Basta, ibang ingay siya.

Pagkatapos nu’n, parang gabi-gabi ko na siyang naririnig. Kapag ikinukuwento ko naman sa mga kasama ko sa bahay, like sa ate ko, hindi naman sila naniniwala. Guni-guni ko lang daw ‘yun.

Nu’ng isang gabing marinig ko siya uli, nasa CR din ako nu’n, sinagot ko na siya, sabi ko, "Hindi puwede, dito lang ako sa bahay. Saka na lang tayo maglaro". Tapos nawala na siya.

EMPOY

Nagwo-work pa ako noon sa isang convenient store sa Baliwag, Bulacan. Gabi ang shift ko. Bago pa lang ako du’n kaya hindi pa ako aware sa mga nagaganap doon.

One time nu’ng break ko, du’n lang ako tumambay sa may office ng store. Du’n ako kumain. Mag-isa lang akong nag-break nu’n kasi kulang kami sa tao that time. Habang kumakain ako, parang may bigla akong naramdamang malamig na hangin. Kakaiba siya, kaya kikilabutan ka talaga.

After mga five minutes siguro, nawala rin ‘yung lamig na naramdaman ko. So parang dedma lang.

Pagkatapos kong kumain, e, di inayos ko na ‘yung mga gamit ko, nagulat ako dahil pagbaling ko du’n sa isang table na nasa office may nakita akong lalaki na nakatalikod.

Naka-uniform din siya ng tulad sa amin. Nakaupo siya sa silya tapos naka-bend ‘yung katawan niya sa mesa. ‘Yung parang natutulog. Hindi ko alam kung sino siya dahil hindi ko nga makita ‘yung mukha dahil natatabingan nga ng mga kamay niya.

Pumunta muna ako nu’n ng CR, pero sandali lang ‘yun. Paglabas ko, nakita ko siya nakatingin sa akin. Malungkot ‘yung mukha niya na maputlang-maputla. Kinausap ko siya, tinanong ko kung ano’ng pangalan niya, kung bago lang din siya sa store. Pero hindi siya sumasagot. Nakatingin lang siya sa akin. Hindi rin siya gumagalaw. Basta nakatayo lang siya du’n.

Sabi ko, mukhang ang laki ng problema nitong taong ito. Nagpaalam na ako sa kanya at bumalik na ako sa puwesto ko.

Nu’ng pauwi na lang ako saka ko naitanong sa supervisor ko kung sino ‘yung kasama kong nag-break kanina. Tinanong ako ng supervisor namin kung ano’ng itsura nu’ng nakita ko. So, sinabi ko ‘yung description ng lalaki. Pagkatapos nu’n, may ipinakitang folder yung supervisor at tinanong ako kung ‘yun ang lalaking nasa picture. Umoo ako.

Sabi ng supervisor namin, dati raw nagtatrabaho du’n ‘yung lalaking ‘yun, pero patay na raw ito. Binangungot daw habang natutulog sa opisina. Umidlip lang daw ‘yun sandali dahil pagod na pagod sa maghapong pagtatrabaho. Pero mukhang napahimbing nga ng tulog hanggang sa hindi na siya nagising. Kinabukasan sana nu’ng araw na namatay siya ay mare-regular na siya sa trabaho.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.