Promdi to 4-time MVP

Inquirer Libre - - FRONT PAGE - Ni Frank Leo Aniscal, Contributor @inquirer_libre

Sino nga ba ang magaakala na ang mahiyain, mama’s boy at ‘late bloomer’ sa larangan ng basketball na probinsyano mula sa payak na bayan ng Pinamungajan, Cebu ay uukit ng kasaysayan at titingalaing makinang na bituin sa Philippine Basketball Association.

Hindi pa rin makapaniwala si June Mar Fajardo na nakamit niya ang PBA record na siya pa lang ang nakagagawa- ang maging Most Valuable Player nang apat na sunod na season.

“Nakaapat na MVP pa ako, nakakatuwa na di ko talaga ine-expect na mararating ko yung ganito, na manalo ng MVP tapos sunud-sunod pa. Nasa fifth year pa lang ako. Sino’ng mag-aakala?,” sabi ng 27anyos na si Fajardo na humanay sa mga legends na sina Ramon Fernandez at Alvin Patrimonio na kapwa may apat na MVP trophies din sa kanilang glamorosong career sa pinakamatandang professional league sa Asya.

Subalit bago nalasap ni ‘Abay’, kung siya ay tawagin sa kaniyang hometown, ang kasikatang tinatamasa niya ngayon ay isang mahabang ruta muna ang kanyang tinahak.

Sa katunayan, hindi naman talaga hilig ni June Mar ang basketball dahil volleyball ang nilalaro niya noong kabataan niya. Ang kanyang kuyang si Jay, na gumigising sa kanya tuwing umaga upang magbasketball ang siyang humiyakat at nagsilbing inspirasyon ni June Mar upang seryosohin ang sport.

Salamat kay Jay, isa na ngayon ang nakababatang kapatid sa tinitingala at kinukonsiderang "future of Philippine basketball".

"At first, hindi ko nga inaasahan na aabot ako sa PBA pero ngayon, nandito na ako,” dagdag pa ni Fajardo na naging motibasyon ang sipag at tiwala sa sarili.

“Magtiwala lang sa sarili. ‘Yun talaga ang pinakaimportante, tiwala lang sa sarili.”

At dahil nga pinagpala sa height, ito ang ginamit ng ngayo’y 6-foot-11 San Miguel center bilang advantage upang makapagaral at maging varsity player.

Nagsimulang gumawa ng ingay sa kanyang college years, binitbit ni Fajardo ang University of Cebu sa dalawang kampeonato (2010 at 2011) at tatlong beses ginawaran ng Cebu Schools Athletic Founda- tion Inc. (CESAFI) bilang MVP (2009-2011). Tinanghal din siyang National Collegiate Player of the Year noong 2010.

Naging kaabang-abang ang pagpasok ni Fajardo sa PBA matapos ang impresibong stint para sa San Miguel Beermen sa Asean Basketball League mula 2011 hanggang 2012.

Pinili bilang number one overall pick ng Petron Blaze Boosters noong 2012 Rookie Draft, na ngayon ay San Miguel Beermen, tila naramdaman ng "The Kraken" ang early jitters sa kanyang rookie year dahil na rin sa tindi ng kumpetisyon sa professional league lalo na at nakabangga niya ang mga beteranong bigmen ng liga. Ngunit pagdating sa ikalawang taon, agad na binura ni Fajardo ang duda ng mga tao at tuluyang inihasik ang bangis matapos niyang iuwi ang unang MVP plum para sa 2013-2014 season bukod pa sa pagiging Most Improved Player, Mythical First Team, at All-Defensive Team member. Magmula noon ay hindi na mapigilan ang pag-usad ng kanyang career hindi lang sa PBA kundi pati na sa international competitions.

Naging bahagi siya ng Gilas Pilipinas Team na nakasungkit ng silver medal sa 2013 FIBA Asia Championship na nagbigay-daan sa bansa na marating muli ang FIBA World Championships noong 2014 at bronze finish sa 2014 Fiba Asia Cup na nasundan ng kampeonato sa 2017 SEABA Championship.

Sa ngayon ay nasa tugatog na ng tagumpay si June Mar dahil na rin sa hindi mabilang na awards and recognitions subalit nananatili pa ring nakaapak sa lupa ang mga paa ng gentle giant, isang katangian kung bakit siya patuloy na minamahal ng mga sumusuporta sa kanya.

“Basta hindi ako makukuntento kasi yung mga awards na yan, hindi ko naman nilalagay sa ulo yan. Lahat ng mga awards ko, lahat ng mga naachieve ko, chine-cherish ko sya. Nilalagay ko sa isip ko na wala akong napanalunan para pagdating ng conference o pagdating ng next sesason, gusto kong maglaro kasi gusto kong manalo,” pahayag pa niya.

Higit sa mga karangalan, mas nais ni June Mar na umani pa ng mga kampeonato.

"Since nung college ako gusto ko talaga championship eh. Kasi mas maga- nda talaga yung championship. Pag nanalo kayo, 'yung feeling na nakikita mo ' yung mukha ng mga kasama mo, lalo na ' yung fans, 'yung pamilya mo, ang saya. Mas maganda yung feeling na 'yun."

Hindi rin nakalimutan ni June Mar na magbigay inspirasyon sa kabataang umiidolo sa kanya at nangangarap na umabot sa PBA.

"Para sa mga bata na nangangarap umabot sa PBA, mag-aral kayo nang mabuti. May mga tao na magda-doubt at magdadown sa inyo pero huwag ninyong pansinin 'yon kasi hindi nila naabot ang gusto nila."

Biro pa ni Fajardo, “Matulog kayo nang maaga kasi sabi nga ng teacher ko dati, sleeping is good for your brain. Pero hindi ko naiintindihan bakit binabato ako lagi ng eraser ng teacher ko ‘pag natutulog ako sa klase."

Sa halos limang taon pa lang niya sa PBA, marami nang napatunayan at malayo na nga ang narating ng dating mahiyaing binatilyo. Ngunit hindi pa dito nagtatapos ang kanyang paggawa ng kasaysayan dahil mas nais niya na maging isang mabuting ehemplo bilang atleta lalo na sa mga kabataang nangangarap din.

“Gusto ko maalala ako ng mga tao hindi lang sa dami ng awards ko na natanggap, sa dami ng championships na napanalunan ko. Gusto ko maalala ako ng mga tao after ng career ko kung ano akong klaseng player. Kung naging magandang example ba ako lalo na sa mga kabataan. Hindi lang sa dami ng awards.”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.