AL-BASHER BUTO: THE NEXT PH CHESS WONDER

Inquirer Libre - - SPORTS - Ni Melvin Sarangay

MABIBILANG lamang siguro sa Pilipinas ang mga batang chess player na wala pang walong taong gulang na maituturing na natin na chess prodigy.

Isa na rito si Al-Basher Buto, isang Grade 2 student sa Faith Christian School, na sa murang edad na pitong-taong gulang ay nagpamalas na nang husay sa larangan ng chess.

Patunay na rito ang karangalan na nakuha niya sa ginanap na 13th Asian Schools Chess Championship sa Panjin, China noong Hulyo 2030, 2017 kung saan nagkampeon siya sa blitz at rapid chess under-7 category.

Nagkampeon na rin siya sa maraming local tournaments kabilang na ang National Age Group Chess Championships kung saan nagdomina siya sa under-8 category at ang National Schools & Youth Chess Championships na naging daan para makalaro siya sa ibang bansa.

Suportado naman si Basty, palayaw ni Al-Basher, ng kanyang magulang na sina Bong at Jamellah at mga kapatid na sina Mickayla, Rohanisah, Abdulrahman at Alysah na mga chess players din.

Nasa edad na limang taon pa lamang si Basty nang matutong maglaro ng chess.

“Five years old po ako (nang matutong maglaro ng chess). ‘Yung sa cellphone lang po ako natuto nang mag-download po ang mama ko ng chess app. Tapos nanood ako sa labas ng mga naglalaro at pinayagan na ako ni mama na maglaro (ng chess) kaya dun na po ako natuto,” sabi ni Al-Basher nang tanungin kung paano siya natutong maglaro ng chess.

Magsi- six years old naman siya nang mag- umpisang maglaro sa mga chess tournament at ang una niyang sinalihan ay ang Makati Chess Society 1950 and below tournament noong Nobyembre 15, 2015. Nakapagtala lamang siya ng tatlong puntos sa pitong round na torneo subalit tumanggap siya ng parangal bilang youngest player.

Nasundan pa ito ng iba pang local tournaments na ang pinakamalaki ay ang National Age Group Chess Championships. Nagkampeon siya sa under-8 category ng 2017 NAGCC na ginanap sa Cebu City habang naging finalist siya sa 2016 NAGCC na ginanap sa Laoag, Ilocos Norte.

Ang pagsabak naman ni Al-Basher sa 2016 at 2017 National Schools & Youth Chess Championships ang nagbigay oportunidad sa kanya para makasali sa international tournament.

Tinanghal siyang kampeon sa boys under-7 category ng NSYCC kaya nakasama siya sa koponang lumaban sa 12th Asian Schools Chess Championships na ginanap sa Tehran, Iran noong isang taon at sa 13th Asian Schools Chess Championships sa China ngayong taon.

Ang 13th Asian Schools Chess Championships din ang hindi niya makakalimutang torneo na kanyang sinalihan.

“Hindi ko po kasama ang parents ko at may lagnat pa po ako. Habang naglalaro ako may Cool Fever pa po na nakalagay sa noo ko pero pinilit ko po manalo sa awa ng Allah nagtagumpay po ako. Habang lumalaban ako inaantok na ako at naiiyak pero pinilit ko pa rin para manalo kasi gusto ko po pag nanalo ako matutuwa ang mga Pilipino sa akin,” sabi ni Al-Basher patungkol sa nasabing torneo.

Patuloy naman si Al- Basher sa pag- eensayo kapag walang torneong sinasalihan kaya hindi malayo na matupad niya ang pangarap na maging Grandmaster balang araw.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.