‘PERYAHAN NG BAYAN’ ILEGAL!

Inquirer Libre - - NEWS -

PARA sa kalaaman ng publiko, ang operasyon ng “Peryahan ng Bayan” gamit ang pangalan at logo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay hindi pinapahintulutan.

ANG PERYAHAN AY ILEGAL!

Ito’y makaraang ibinasura nitong Oktubre ng isang korte ang hirit na pigilan ang PCSO sa pagbabawal sa operasyon ng peryahan. Uulitin po namin, ni singkong-duling ay walang pumapasok sa kaban ng bayan mula sa milyung-milyong kinikita ng peryahan at dahil dito napagdesisyunan noong 2016 ng PCSO na ipawalang-bisa ang kompanyang nabigyan ng Deed of Authorization (DOA) para maglaro ng peryahan dahil sa paglabag nito sa kasunduan. Dahil sa pagbasura ng korte, muli naming pinapaalalahanan ang publiko lalo na ang mga tumatangkilik sa peryahan na ilegal ito.

ITIGIL ‘YAN!

Maraming salamat sa pagbasura ng korte sa hirit na pigilan ang PCSO sa pagbabawal nito sa operasyon ng peryahan. Muli din kaming nananawagan sa Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at sa lahat ng law enforcement agency ng gobyerno kasama na ang mga pamahalaang lokal kung saan may operasyon ang peryahan gamit ang pangalan at logo ng PCSO na pigilan ito at arestuhin ang mga pasimuno sa pagtatayo nito. Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, naniniwala kami na ang lahat ng klase ng ilegal na sugal gaya ng peryahan, jueteng, swertres, masiao, at iba pa ay nagbubunsod at nagtataguyod ng korapsyon. Kami’y nakikiisa sa ating Pangulo sa kampanya laban sa lahat ng klase ng ilegal na sugal at nananawagan kami sa mamamayang Pilipino na tulungan ang lahat ng ating law enforcement agency at lokal na pamahalaan na agresibong ipatupad ang Executive Order No. 13, o ang all-out war vs illegal gambling ni Pangulong Duterte. Katuwang din kami ng PCSO sa pagtataguyod ng Small Town Lottery (STL), ang tanging legal numbers game sa bansa. Sa kasalukuyan, P12.1 bilyon na ang kinita ng STL mula Enero hanggang Octobre nitong taon. Sa buwan ng Oktubre lamang, tumabo ang kita sa P1.7 bilyon mula sa P1.5 bilyon noong Setyembre. 30 porsiyento sa kita ng STL ay awtomatikong pumupunta sa pondo ng kawanggawa gaya ng ayuda sa bayarin sa ospital at gamot ng mga nagkakasakit lalo na ang mga kapus-palad nating mamamayan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.