UPUAN SA MRT, LRT AALISIN?

Inquirer Libre - - FRONT PAGE - Ni Bella Cariaso

BUKOD sa mga aberya, mahabang pila, ang sobrang siksikan sa loob ng MRT at LRT ay isang malaking problema rin ng mga pasahero.

Dahil dito, pinag-aaralan ngayon kung posible bang tanggalan na lang ng mga upuan ang mga tren ng MRT at LRT para mas maraming maisakay ito lalo na kapag rush hour.

Sa panayam kay Presidential Spokesperson Harry Roque, isang bagay ito na pwedeng pag-aralan at irekomenda kay Pangulong

Duterte.

Kamakailan lang nagtanggal ng upuan sa kanilang mga tren ang MRT sa Bangkok, Thailand, upang mas mabigyan ng espasyo ang mga commuter dito.

"Oo, pabor ako kasi sandali lang naman hindi naman kailangang umupo," ani Roque nang sumakay ito ng MRT at LRT noong Huwebes.

Kailangan lang maglaan ng mga upuan para sa mga matatanda, persons with disability, mga bata at buntis.

"Maglaan lamang ng upuan sa mga elderly sa mga handicap pero beyond that pwede na siguro tayuan, mass transport nga. Ang importante malamig," sabi ni Roque.

Samantala, hati naman ang mga train commuters sa ideya. Sa ginawang poll ng Libre sa kanyang Facebook page, 51 porsiyento ng 204 na sumagot ang tutol rito habang 49 porsiyento ang pabor.

Sa Twitter, 592 ang bumoto, at 70 porsiyento rito ang hindi pabor na tanggalin ang upuan, habang 22 porsiyento ang oo at walong porsiyento naman ang sumagot ng maybe.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.