S'KAI' IS THE LIMIT

This is for all my teammates. I wouldn’t have gotten the Finals MVP if not for my coaches and teammates

Inquirer Libre - - SPORTS - Ni Dennis Christian O. Hilanga @inquirer_libre

Talagang sky is the limit para kay Kai Zachary Sotto. Maraming nagsasabi na ang 7-foot-2 teen wonder ang isa sa mga "future of Philippine basketball" hindi lang dahil sa angking tangkad kundi maging sa natatanging husay nito sa sports sa murang edad.

Hindi na nakapagtataka kung ngayon pa lang ay isinasabuhay na ng 15anyos na binatilyo ang mga expectations sa kanya ng kanyang mgg fans.

Gamit ang height advantage at pagiging dominante sa hard court, binitbit ni Sotto ang Ateneo de Manila Blue Eaglets tungo sa kampeonato ng UAAP Season 80 juniors basketball tournament matapos itakas ang 63-58 panalo sa game 3 ng finals laban sa Nazareth School of National University kamakailan.

Dahil sa impresibong paglalaro, tinanghal si Sotto na Finals Most Valuable Player sa best-of-three series nang magtala ng mga higanteng numero — 17.0 points, 12.3 rebounds at 6.3 blocks per game.

Agad na ipinadama ni Sotto ang impresibong paglalaro sa title series matapos ihulog ang 22 puntos, 16 rebounds at 11 blocks sa Game 1 kung saan inukit niya sa kasaysayan ng UAAP ang pagiging unang manlalaro na nagtala ng triple-double outing (points-rebounds-blocks) magmula 2003- sa juniors o seniors division man- ayon sa statistician ng liga na si Pong Ducanes. Sa Game 2 naglatag si Sotto ng 19 puntos, 13 rebounds at tatlong supalpal bagaman natalo ang Eaglets.

Nakasentro man ang spotlight kay Sotto sa tagumpay ng Katipunanbased dribblers, hindi sinasarili bagkus ay iniaalay niya sa koponan ang koronang nakamit.

“This is for all my teammates. I wouldn’t have gotten the Finals MVP if not for my coaches and teammates,” aniya. “This is all for them.”

May tatlong taon pang natitira si Sotto sa Ateneo High School at mas bibigat pa ang nakaatang na responsibilidad sa kanyang mga balikat sa susunod na season lalo't 11 sa kanyang mga kakampi ang magsisipagtapos ngayong taon.

Kabilang na rito ang mga katuwang na sina Sam Belangel, Ralph Escalona, Joaqui Manuel at Dave Ildefonso.

Ito ang pagkakataon ni Sotto na ilabas pang todo ang kakayahan na gabayan ang Eaglets sa pagsungkit pa ng mga titulo sa mga susunod na season.

National team

Napahanga rin ni Sotto si Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes.

Kasama siya sa tinapik ng multi-titled mentor upang maging parte ng #23for23 pool na naghahanda para sa 2023 Fiba World Cup na idadaos sa Pilipinas, Indonesia at Japan.

Sa darating na Marso 18, pangungunahan ni Sotto ang Team Punks para sa 2018 SLAM Rising Stars. Nakatakda rin niyang pangunahan ang Batang Gilas sa Fiba Asia Under-16 championship sa Foshan China sa Abril.

Marami pang karanasan na pagdadaanan at kaalamang matututunan ang binatilyo.

Ang maganda rito — sa murang edad— langit ang limitasyon ng rising teen prodigy para tuparin ang pangarap at ipakilala sa mundo ng basketball ang pangalang Kai Sotto.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.