‘GREAT WALL’ WAWASAKIN NG PILIPINAS

CLARKSON MAGPAPAKITANG GILAS KONTRA CHINA

Inquirer Libre - - NEWS - Ni Dennis Christian O. Hilanga @inquirer_libre

Hindi mapipigilan maging ng lakas, puwersa at laki ng powerhouse China ang nag-aalab na hangarin ng Pilipinas na muling itayo ang bandera nito sa Asian region.

Determinadong sikwatin ang quarterfinals berth sa tulong ng Filipino-American NBA at Cleveland Cavaliers reinforcement na si Jordan Clarkson, tatapatan ng underdog Pinoy cagers ang mas lamang sa karanasan na Chinese quintet bukas sa men's basketball tournament ng 18th Asian Games sa GBK Stadium sa Jakarta, Indonesia.

Maikli man ang panahon ng ensayo, pipilitin ni Clarkson at ng Gilas na wasakin ang 'The Great Wall' sa 5:00 ng hapon na sagupaan para sa ikalawang sunod na panalo sa Group D at diretsong umabante sa quarterfinals.

“Our only problem is the regular practice is arranged by the organizers, nakaka-practice namin siya (Clarkson) 50 minutes lang,” sabi ni Guiao.

Sa kabila nito, panatag ang multi-titled mentor na hindi mahihirapan si Clarkson sa sistema dahil sa mataas na basketball IQ nito.

“High IQ talaga, he caught on the plays 35-40 minutes, picked them up really fast. We hope that by the China game, they become natural, automatic, our cohesiveness with him,” dagdag pa ni Guiao matapos ang ensayo noong Huwebes.

“You can see that he’s in shape. You can see that he’s very quick. You can see that his skills are defined and fine tuned. But I don’t see any problem with his intelligence, his abilities. He can blend in and he’s going to lead this team – hopefully deep into the playoffs, into the medal round.”

Subalit hindi magiging patag ang daan para maisakatuparan ang pakay dahil maliban sa mga higanteng manlalaro na dinodomina ang ilalim, kargado rin ang China ng maliliksing guwardiya na may tira sa labas.

Binubuo ang lineup ng China ng Chinese Basketball Association players at dalawang NBA calibers na sina Ding Yanyuhang (Dallas) at Zhou Qi (Houston).

Kung magagawang patiklupin ng Gilas ang mga dambuhalang kalaban, makokopo nila ang topseed at makakaharap ang runner up ng Group A na kinabibilangan ng South Korea, Thailand, Mongolia at Indonesia sa quarterfinals.

Impresibong binuksan ng tropa ni coach Yeng Guiao ang torneyo sa pamamagitan ng 96-59 paggiba sa Kazakhstan.

Nagtala si Stanley Pringle ng 18 puntos para pangunahan ang Gilas na humugot rin ng epektibong paglalaro mula kina Chris Tiu, Paul Lee, Christian Standhardinger at beteranong si James Yap.

Si Clarkson- na ang inang si Annette na nagmula sa Pampanga- ang nagwagayway ng bandila ng Pilipinas sa pormal na pagbubukas ng quadrennial sports spectacle nitong Sabado na kinatatampukan ng 45 bansa mula sa Asya.

Jordan Clarkson

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.