Sana Naman

Liwayway - - Mga Nilalaman - Ni JENG GUANSING-DE DIOS

Jeng Guansing-de Dios

“BULAG talaga ang love, beshy! Bulag, bulag, bulag!” Nagsisigaw si Jesica habang pumapadyak. Gigil na gigil.

“Hoy, babae, ano na namang nginangawa mo d’yan? May mga bulagbulag ka pang nalalaman, ha! ‘Nong problema?” sita naman ng matalik niyang kaibigan, si Jennifer. Bahagya pang kinutusan ang kanyang bumbunan.

“Bulag talaga ang love, kasi...”

“Kasi ano?” Nandudumilat na ang mataray na kaibigan. Nainis siya nang bahagya. Para bang ang ikli ng pasensiya nito sa kanya ngayon. Nagdalawang-isip tuloy siya kung ikukuwento ba o hindi ang nangyari sa kanya kani-kanina lamang.

“Jesica Tacsuan, ano na? Anyare ba sa ‘yo? Bakit ka umaatungal?”

Suminghot muna si Jesica, saka pinahid ang magkahalong luha at uhog. “Bulag talaga ang pag-ibig kasi hanggang ngayon hindi pa rin n’ya ‘ko nakikita!” hayag niya. Nakita naman niyang napatapik si Jennifer sa sariling noo. Umiiling-iling, saka napangiti.

“Hala, naloka na naman ang kaibigan ko. Ano bang nangyari sa ‘yo? Hindi ba’t galing ka sa simbahan? Sabi mo pa nga sa ‘kin, niyaya kang magsimba ni Artemio. O, anong nangyari?” tanong ni Jennifer sa kanya. Maya-maya, nanlalaki ang mga matang niyugyog ang balikat niya.

“Aray ko naman, bruha! Ano ba?”

“Beshy Jes, ‘wag mong sabihing binasted ka ni Temyong?” Patuloy ang pagyugyog nito sa kanyang

Akalain ba niyang sa hinaba-haba ng naging paglalakbay sa paghahanap ng tamang pag-ibig, muli pala niyang masasalubong ang romantikong magtataho?

balikat. “Hala, hindi tumalab ang gayumang ginamit mo?” Nangingisi na ito ngayon.

Ipiniksi ni Jesica ang balikat, saka inirapan ang kaibigang nang-aasar. “Kainis ka, alam mo ba ‘yon? Heto nga’t ang samasama ng loob ko sa unggoy na ‘yon, nakuha mo pa talagang magbiro?”

Sandali namang sumeryoso ang kaibigan, subalit kaagad ding humagalpak ng tawa. Pagkatapos, muling sumeryoso. “Hindi bulag ang pag-ibig, beshy. Nakakakita ‘yon. Ang kaso, ibang babae ang tinitingnan at hindi ikaw. Tama ba ‘ko?” sabi sa kanya.

Muli siyang napasinghot. Kung pana lamang ni Kupido ang mga salita ng kaibigan, siguro’y magkaka-lovelife na siya. Sapul na sapul ba naman. Tagos hanggang sa kanyang kaibuturan.

“Oo, na! Alam mo bang kaya pala ‘ko niyayang magsimba ng anak ng tipaklong na lalaki, kukunin pala ‘kong abay sa kasal nila ni Carmen. Take note, si Carmen!”

Hinintay niya ang magiging reaksiyon ng kaibigan matapos ang kanyang mga sinabi. Isang reaksiyong may kalupitan. Subalit ang inaasahan niyang bayolenteng tugon ay isa lamang palang buntonghininga. Kinabig siya nito, saka niyakap nang mahigpit.

Sumandig si Jesica sa balikat ng kaibigan, saka bumunghalit ng iyak. Hinagod naman ng huli ang kanyang likuran. Muling nakiramay sa panibago niyang kabiguan. Ilang ulit na bang nangyari ang ganitong eksena sa kanila? Hindi na rin niya matandaan. Subalit bakit hindi siya masanay-sanay?

Sa edad na tatlumpo’t pito, ilang ulit nang nabigo si Jesica. Kauna-unahan noong nasa kolehiyo pa lamang sila ni Jennifer. Nagkagusto siya sa isang kaklaseng lalaki, si Bernard. Matipuno, guwapo at matalino ang huli. Iyong tipo ng lalaking tiyak na mapapalingon ang kahit na sinong babae at binabae. Artistahin. Naging malapit sila sa isa’t isa dahil minsang naging magkagrupo sa Literature. Isinadula nila ang Helen of Troy. Dahil likas na maganda, siya ang gumanap sa papel na Helen at ang lalaki naman ay si Paris ng Troy. Mabilis na nahulog ang kanyang loob sa kaklase, lalo pa nga at napakamaginoo nito. At hulog na hulog na siya nang mapag-alamang lihim pala nitong kasintahan ang guwapong guwardiya ng kanilang eskuwelahan.

Magmula noon ay para bang naging sumpa na sa dalaga ang magmahal. Nagkasunod-sunod kasi ang kanyang kabiguan. Ultimo ang romantikong magtataho na kanyang nagustuhan, may iba na palang minamahal. Basted siya. At bago matapos ang kursong Edukasyon, tantya niya ay nakalabing-isang ngawa siya sa balikat ni Jennifer.

Minsan tuloy, naiisip niyang may mali sa kanyang sarili. Sa hitsura, o, sa mismong pagkatao. Hindi kasi siya magustuhan ng mga lalaking nagugustuhan niya. At hindi nabago ang kapalarang iyon kahit pa nga nakapagturo na siya sa Mababang Paaralan ng Sta. Elena. Biro naman ni Jennifer, hindi raw kasi siya marunong magbigay ng suhol kay Kupido.

Pagsama-samahin man ang halos labinlimang kabiguang iyon, walang binatbat ang sakit na nadama ni Jesica nang matutong umibig sa isang kasamahang guro, si Rupert. Hindi kagandahang lalaki ang huli, subalit talaga namang mahuhulog ang loob ng kahit na sinong babae dahil sa husay nitong kumanta at bumuo ng mga tula. Bukod dito, mabait pa at talaga namang napakakuwela. Matalino, masipag, maalalahanin. Sadyang kukulangin ang mga daliri kung iisa-isahin ang magagandang katangian nito.

Subalit sadyang may kalupitan si Kupido pagdating sa kanya. Hinahayaan siyang magumon sa sarap ng kakaibang damdamin, at pagkatapos, walang-patumanggang ihuhulog sa napakalalim na bangin. Ganoong-ganoon ang kanyang nadama nang sabihin ni Rupert na may minamahal na itong iba. Pinaghandaan pa naman niya nang husto ang pagtatapat na iyon sa lalaki. Nilunok ang kakaunting pride na natitira at hindi inalintana ang pagwawala ni Maria Clara. Ang higit na masakit, ay nang sabihin ni Rupert na ang babaeng nagmamayari ng puso nito ay walang iba kung hindi si Jennifer. Nang mga sandaling iyon, para siyang sinabugan ng bomba. Pinagtataga ng matalim na espada. Pinagkakagat ng libo-libong piranha. At inihagis sa Dagat na Pula. Lutang na lutang kasi ang kanyang puso at kaluluwa.

Si Jennifer na kaibigan niya pa talaga. Marami namang iba, bakit ang babaeng iyon pa? Paulit-ulit ang mga tanong na iyon sa kanyang isipan. Subalit wala naman siyang nakuhang kasagutan. Wala siyang nagawa kung hindi sisihin ang sarili. Una, alam na nga niyang may sumpa ang pag-ibig sa kanya, kung bakit wala siyang kadala-dala. Ikalawa, siya naman kasi itong nagpakilala sa dalawa. Parehong pinapurihan sa harap ng bawat isa.

Sa pagkakataong iyon, wala siyang balikat na iniyakan. Sinarili ang sakit ng kabiguan. Lalo na nang malaman niyang magkasintahan na si Rupert at ang kanyang kaibigan.

Dalawampu’t pito ang edad niya nang mga sandaling iyon. Sampung taon na ang nakalilipas magmula noon. Napakarami nang nangyari. Nagpakasal at nagkaanak na nga sina Rupert at Jennifer. Nalipat na rin siya ng eskuwelahang pinapasukan. Subalit single pa rin siya hanggang ngayon. Ang akala niya ay si Temyong na ang nakatakda para sa kanya. Hindi pa rin pala.

“As usual, false alarm na naman,” pabulong na sabi ni Jesica. Humihikbi pa rin. Kumalas sa pagkakayakap ni Jennifer, saka nagpahid ng mga luha.

“Ano ka ba, Beshy Jes, hindi lang talaga siya ang para sa ‘yo. Hindi si Artemio ang initakda sa ‘yo ni Kupido,” pang-aalo naman ni Jennifer sa kanya. “Sabi ko naman sa ‘yo, pakiramdam ko hindi niya kapatid ‘yong Carmen na madalas ikuwento no’n. Ang hula ko talaga, girlfriend niya ‘yon. Nahihiya lang akong basagin ang trip mo kaya hindi ako nagsasalita.”

Bigla siyang nakadama ng kaunting pagkairita. “Hala, sana binasag mo na. At least, trip ko lang sana ang nabasag at hindi ang puso ko. Nakakasawa na kasi, ubos na ubos na ‘ko!”

“Weh? Drama naman nito! Tama na nga ‘yang kaeklatan mo at nadadagdagan lang ang wrinkles mo. Idaan na lang natin sa pagkain ‘yang kabiguan na ‘yan. Umorder ka na, ‘oy!”

“Pagkain na naman? Kailan ba malalam’nan ng bata ‘tong tiyan ko? Sana naman bago ma-expire ‘tong matres ko, matagpuan ko na rin ‘yang sinasabi mong itinakda ni Kupido.”

Nakita ni Jesica ang bahagyang pagngiti ng kaibigan. “‘Yan ay kung nasa listahan ka pa ni Kupido. Baka kasi binura ka na no’n,” gagad nito sa kanya.

Pinagkukurot niya ang kaibigan, pagkatapos ay nagtawanan. Hanggang sa napuno na ng kanilang kalakhak ang karinderyang kilalagyan. Nang mapagod sa katatawa, nabawasan na ang sakit na nadarama ni Jesica. Ganito lamang naman siya kabilis mag-move on. Para bang tinamaan lamang ng ubo at sipon. Makalipas ang tatlo hanggang limang araw, magaling na kaagad siya.

Naghiwalay silang magkaibigan nang may saya. Nangako si Jennifer na ano pa man ang pagdaanan niya, lalo na sa usaping

pag-ibig, palagi lamang itong nasa kanyang likuran— nakaalalay. Alam naman niya iyon. Kaya nga lamang, pagkaminsan ay nahihiya na rin siyang mangulit. Isa pa, mas nakadarama siya ng panliliit sa tuwing maikukuwento ng kaibigan ang tungkol sa sarili nitong pamilya.

Naiinggit din si Jesica kapag naririnig kung papaanong magmahal si Rupert. Hindi tuloy maiwasang isipin ng dalaga kung ano kaya ang buhay niya ngayon kung sakaling siya ang inibig ng lalaki at hindi si Jennifer. Sa mga puntong ganito, sinasaway na niya ang sarili. Para kasi siyang nagbubudbod ng asin sa sariling sugat. Masakit. Mahapdi. Hindi halos mabura ng panahon. At hindi kayang tabunan ng mga sumunod na kabiguan.

Minsan nga, naiisip niyang sa dinami-rami ng mga lalaking inibig niya, kay Rupert lang naging totoo ang kanyang nadarama. Pakiramdam kasi niya, kay Rupert lang siya lubos na nasaktan. Iyong tipo ng sakit na halos hindi niya maintindihan. Dahil kaya hindi niya nakatulong si Jennifer sa pag-move

on? Marahil ay isa ring rason iyon. Hanggang ngayon kasi, ni hindi alam ng kaibigan na minsan din niyang iniyakan ang asawa nito. Pareho sila ni Rupert na mas piniling ilihim na lamang ang nangyaring iyon sa pagitan nilang dalawa.

Pagkagaling sa karinderyang pinagtagpuan nila ni Jennifer, nagtuloy si Jesica sa paborito niyang book shop. Isang tindahan ng mga segunda-manong aklat. Madalas ubusin dito ng dalaga ang oras sa pagkalkal ng mga murang babasahin. Kilalang-kilala na nga siya ng dalagitang tagapagbantay rito.

“Ate, may mga bagong dating po. Itinabi ko na nga po ‘yong mga gawa ng paborito ninyong author,” salubong sa kanya ng magandang dalagita. Ngiti lamang naman ang kanyang isinukli.

Marami ngang bago sa mga aklat na naririto. Nalibang tuloy si Jesica sa kabubuklat at kababasa ng mga teaser. Halos lahat ay gusto niya, lalo na iyong may mga temang romance. Ang mga iyon talaga ang paboritong-paborito niya. Nailalagay kasi niya ang sarili sa kalagayan ng mga bidang babae. Sa ganoong paraan man lamang ay makadama siya ng kilig at pag-asa. Palagi niyang iniisip na sana naman, maranasan din niya ang nararanasan ng mga ito.

“Ate, hindi naman po sa itinataboy kita, pero magsasara na po kami. Masyado po yata kayong nalibang sa pamimili.”

Napapitlag pa si Jesica nang magsalita ang dalagita. “H-Ha? Ay, pasensiya na. Andami kasing bagong aklat,” sagot niya, saka nagmamadaling binayaran ang napiling labinlimang aklat.

Paglabas ng book shop, biglang binundol ng kaba ang dibdib ng dalaga. Mag-aalas onse na. Hindi pa naman siya sanay nang ginagabi sa lansangan. Malayo-layo rin ang lalakarin patungong labasan kung saan puwedeng mag-abang ng masasakyang jeep pauwi sa San Mateo. Nang tanawin ang kalye, lalo siyang kinabahan nang walang makita ni isa mang naglalakad. Subdibisyon kasi ang kinalalagyan ng tindahan.

Subalit pagliko sa unang kanto, lalo pa siyang kinabahan nang may matanaw na isang lalaking nakatayo sa dulo ng tinutuntong kalye. Nakasuot ng itim na baseball cap, itim ding pantalon at itim na jacket. Nakasandal ito sa pader malapit sa poste ng malamlam na street light.

Hindi naman siya mapanghusga, subalit mukha itong holdaper na nag-aabang ng mabibiktima. Umalon ang dibdib niya sa matinding kaba. Wala siyang mapagpipilian kung hindi ang dumaan sa harapan ng naturang lalaki. Ang kabilang bahagi kasi ng kalye ay may mga nakaharang na lonang asul, under construction.

Sa mga ganitong pagkakataon, naiisip niyang sana ay mayroon siyang asawa o kasintahan. Hindi sana siya mag-isang naglalakad ngayon. Hindi sana nanginginig ang buo niyang katawan habang papalapit sa estranghero. “M-Miss...”

Halos humiwalay ang kaluluwa ni Jesica sa sariling katawan nang marinig ang baritonong tinig ng lalaki. Bigla siyang nilukuban ng ‘di-masukat na takot. Agad niyang itinaas ang dalawang kamay, kahit pa nga hindi pa ito nagdedeklara ng holdap. “‘Wag po, parang awa mo na, wala na nga akong lovelife hoholdapin mo pa ako. Wala kang awa!”

Napapikit pa ang dalaga. Naghintay ng marahas na reaksiyon mula sa lalaki. Subalit sa halip na dahas, narinig niya ang paghagikgik ng kaharap. Unti-unti siyang napamulat, kasabay ng unti-unti ring pagbaba ng dalawang kamay. Sinalubong ang kanyang mga mata ng maganda at maaliwalas na ngiti ng lalaki. “Nakakatuwa ka naman, Ma’am Jesica. Masyadong overacting ang reaks’yon mo. Lalo ka tuloy gumanda.” Ang takot na nadarama ni Jesica ay nahaluan ng kilabot. Bakit kilala siya ng lalaki? At sa tipo ng pagngisi nito, sa tingin niya ay hindi ito holdaper kung hindi rapist. Nang dahil sa naisip, bigla na lamang nayakap ng dalaga ang sarili, kasabay ng marahang pag-atras. Tatakbo siyang pabalik sa pinanggalingang book shop. Subalit bago pa man naibaling ang katawan, nahatak na ng lalaki ang kanan niyang bisig. “Ano ba? Walanghiya ka!” sigaw niya, kasabay ng pag-igkas ng kaliwang kamay. Nagsikalat tuloy sa kalsada ang pinamili niyang mga aklat.

“Ma’am Jes, kalma naman, pakiusap. Ako ito, ang romantikong magtataho,” hayag ng lalaki. Halatang kabado.

Bigla namang napiluhan si Jesica nang marinig ang sinabi nito. Sinipat ang mukha ng nagsalita, saka marahas na hinaltak ang suot nitong baseball cap. “F-Fredo? I-Ikaw ba ‘yan?”

“Hala, Ma’am Jes, kasasabi ko lang, ‘di ba? Ako nga ‘to. Masyado ba ‘kong gum’wapo kaya ‘di mo na ‘ko nakilala?”

Mabilis pa sa alas kuwatrong pinaghahampas ni Jesica ang braso ni Fredo. “Bruho ka! Nakakainis! Muntik na ‘kong mahimatay sa takot, ‘langya ka!” gigil niyang hayag. Ibinuhos ang lahat ng emosyong nadama kani-kanina lamang. “Bakit ka ba nag-aabang na parang masamang-loob d’yan? Para kang sira!”

“Sorry na po, tao lang, natotorpe,” nangingisi namang hayag ni Fredo habang panay ang salag sa mga hampas niya. Nang humupa ang bagyo, mabilis nitong pinagpupulot ang kanyang mga aklat.

“Hatid na kita, Ma’am Jes. P’wede po ba?” Napakamot pa ng batok ang lalaki. Halatang hiyang-hiya. Bigla namang nakadama ng kakaibang kilig si Jesica. Ngayon lamang niya napansin, mas lalong gumuwapo ang lalaki, kahit pa nga tantya niya ay nasa kuwarenta na ito.

Mabilis niyang sinaway ang sarili. Heto na naman kasi siya, mukhang mahuhulog na naman sa isang ito. Ganito ba siya kadaling ma-fall? Hindi magandang pangitain. Ni hindi pa nga niya alam kung binata pa ito o may-sabit na.

Unti-unting bumigat ang hanging nilalanghap ng dalaga. Para siyang kakapusin ng hininga. Kailangan niyang agapan ang isa na namang katangahang nakaamba. Nagbuga siya ng hangin, saka diretsong nagsalita. “Binata ka pa ba, o may asawa na? Kung mayroon ka ng pamilya, lubayan mo ‘ko ngayon pa lang. Hindi mo ‘ko p’wedeng bolahin.”

“Grabe s’ya, o!” Napangiti ang lalaki. Ngiting nang-aakit. “At kung sabihin ko sa ‘yong binata pa rin ako hanggang ngayon, may pag-asa ba ‘ko sa ‘yo? Matagal kong hinintay ang pagkakataong ‘to, Ma’am Jes. Matagal na kitang sinusundan. Matagal na kitang lihim na minamahal. Alam mo bang engineer na ‘ko ngayon? Ikaw ang naging inspirasyon ko, Ma’am. Kung dati, binasted kita, sana naman... ‘wag mo ‘kong gantihan. Nahihiya lang kasi ako sa ‘yo noon dahil sa agwat natin sa buhay.”

Ngiti lamang ang isinukli ni Jesica sa mahabang sinabi ni Fredo. Lihim siyang kinilig. Akalain ba niyang sa hinaba-haba ng naging paglalakbay sa paghahanap ng tamang pag-ibig, muli pala niyang masasalubong ang romantikong magtatahong ito?

At sana naman, sa pagkakataong ito ay hindi na nagbibiro si Kupido.

“M-Miss...” Halos humiwalay ang kaluluwa ni Jesica sa sariling katawan nang marinig ang baritonong tinig ng lalaki.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.