Sa Loob Ng Simbahan, Isang Hapon...

Liwayway - - Mga Nilalaman - Ni RUFINO C. CRISOLO

Rufino C. Crisolo

HUMINTO ang bus sa tapat ng simbahang tagpuan nila ng kanyang kasintahang si Joveth. Pagkababa ay agad siyang pumasok sa maluwang na patyo at naupo sa upuang bato sa isang gilid. Dinukot niya sa bulsa ang cellphone at dinutdot iyon.

“Hello, Junjun. Nasa’n ka na?” salubong na tanong ni Joveth sa kanyang bati.

“Dito na ako sa simbahan. Kadarating lang,” tugon niya.

“Hindi ka pa tumuloy dine sa bahay. Makapagmeryenda muna tayo.”

“Mamaya na lang. Oy, thirty minutes na lang, simula na ng ating seminar, di ba?”

“Aba, oo nga, mag-aalas tres na pala. Sige, punta na ako riyan.”

“Sige, hihintayin kita. Baka magalit ang pari kapag nahuli tayo.”

Nasa dakong hilaga ng kabayanan ang bahay nina Joveth at tantiya niya’y kakapusin sila sa oras kung tutuloy agad siya roon kanina. Kaya minabuti niyang tawagin na lang ang kasintahan. Unang Linggo pa naman ito ng tatlong magkakasunod na Linggong wedding seminar nila sa simbahang ito kung saan nakatakda silang ikasal sa susunod na buwan.

Nakilala niya si Joveth sa dinaluhang birthday party ng kanyang pinsang guro sa Don Bosco High School sa Makati noong nagdaang taon. Doon din nagtuturo ito at close

friend ng kanyang pinsan. Maganda, mabait at malambing ito, palibhasa’y nag-iisang anak, kaya ang daling nahulog ng kanyang loob. Palibhasa’y matikas din naman ang kanyang tindig, guwapo at may magandang trabaho bilang accountant, lovestruck din agad si Joveth sa kanya. Kaya naman, ilang buwan lang ay “on” na sila. At noon ngang nagdaang buwan, pagkatapos ng isang taong pagkikilala ay namanhikan si Junjun kasama ang kanyang ama’t ina at ilang kaanak dito sa bayan ni Joveth sa Batangas. Maayos naman silang hinarap ng biyudang ina ni Joveth at ilan ding kaanak. Limang taon na raw namamayapa ang inhenyerong ama ni Joveth kaya ang nagmatanda at kumatawan dito ay ang panganay nitong kapatid.

Ibinulsa ni Junjun ang cellphone saka lumakad patungo sa nakabukas na pintuan ng simbahan. Pagkatapos ng seminar nila, makakapagpahinga na siya. Alam na ng ina ni Joveth na doon siya magpapalipas ng gabi at bukas na babalik sa Cavite. Si Joveth naman ay kumuha na ng bakasyon sa pagtuturo para mapaghandaan ang kanilang kasal kaya mananatili ito sa Batangas hanggang sa sila’y maikasal.

Dalawampung minuto pa bago mag-ikatatlo ng hapon, ayon sa kanyang relong panggalang. Tuluy-tuloy siyang pumasok sa simbahan at isinawsaw sa benditadong tubig sa pyx ang dalawang daliri, saka nagkrus.

May kadiliman ang loob ng simbahan. Tahimik na tahimik. Ang ingay ng kanyang yabag at ang lamig ng sumalubong na hangin pagpasok niya ay naghatid ng hindi niya maipaliwanag na pakiramdam. Hindi naman siya natatakot ngunit ang lamig at katahimikan ng paligid ay nagpatindig sa kanyang mga balahibo.

Nagtuloy siya sa huling hanay ng upuan kung saan makikita niya ang pagdating ni Joveth.

“Aba!” napabiglang sambit niya habang umuupo, nang kanyang mapansing may lalaking nakaupo, isang dipa lang ang layo sa kanya. Hindi niya napuna ito nang siya’y pumasok.

“Wala pa ang hinihintay mo?” tanong ng lalaking sa tantiya niya’y hindi lalampas ng limampung taong gulang. “Parating na po,” tugon niya. “Kanina pa nga kita pinagmamasdan, e,” sabi pa ng lalaki. Gusto niyang magtaka. Wala naman siyang nakitang tao rito nang siya’y dumating at lalong sigurado siyang walang pumasok sa simbahan habang siya’y nakatayo sa bukana nito. Saan nanggaling ang lalaking ito? A…baka sa loob? Untiunti, ganap na umangkop ang kanyang mga mata sa dilim. Sinipat niya ang katabi. Nakangiti itong paharap sa kanya. Makinis tingnan sa maikling gupit ng buhok at matangos ang ilong nito na binagayan ng manipis na bigote. Sa tulong ng malamlam na liwanag sa loob ng simbahan ay malinaw na rumehistro sa kanyang mga paningin ang makapal nitong kilay na nakapayong sa singkit na mga mata. Tawag-pansin ang malalim na biloy sa kanang pisngi ng mama.

“Wedding seminar?” ang mandi’y nang-aarok na tanong ng lalaki. Tumango siya. “Karaniwan ngang ganitong oras nagbibigay ng wedding

seminar dito,” anang lalaki. “Mukhang malayo ang nilakbay mo, binata.” “Cavite lang po.” “May kalayuan din ang naging kapalaran mo, ano?” “Siya lang po kasi ang nagkamali sa akin, e,” sagot niya na binuntutan ng mahinang tawa.

“Ow, guwapo ka naman, ah. Maraming magaganda sa Cavite, di ba?”

“O…opo nga, pero, sa akin po ay siya ang pinakamaganda.” “Siyanga? Okey ka, binata. Mukhang talagang in love ka.” Ngiti lang at tango ang naging tugon niya sa huling sinabi ng lalaki. Lumuhod siya upang umusal ng maikling panalangin. Waring iginalang naman nito ang kanyang ginawa. Tumahimik ito at saka nagsalita nang makitang nagkrus siya at muling umupo.

“Sana, ang matututuhan ninyo sa seminar at ang mga tagubilin ng pari kapag ikinasal kayo ay sundin n’yong lahat. Hangad ko ang inyong magandang buhay.”

“Salamat po,” wika niya sabay tindig at lahad ng kanang kamay. Tumayo rin ang lalaki na kasintaas niya, mga limang talampakan at walong pulgada, ngunit pumihit ito palayo na wari’y hindi napansin ang kanyang nakalahad na palad. Pumihit na rin siya at lumakad papalabas ng simbahan. Nang muli siyang sumawsaw sa benditadong tubig ay inasahan niyang kasunod niya ang lalaki. Ngunit nang lumingon siya’y wala ito sa kanyang likuran. Luminga-linga siya at sinuyod ng mga mata ang bawat sulok ng simbahan na naaabot ng kanyang tanaw. Ngunit talagang naglaho ang lalaki. Parang pumutok na bula. Biglang bumangon ang kanyang buhok sa batok. Ano ba ‘yon at basta na lang sumulpot sa kanyang tabi, pagkatapos ngayon naman ay bigla na lang nawala?

Ang nasumpungan ng kanyang mga paningin ay si Joveth na pumapasok na sa simbahan.

“Hi, Junjun,” bati nito pagkatapos makapagkrus. “Tena sa kumbento. Doon ang seminar.”

“Teka lang,” sagot niya habang iginagala ang tingin sa paligid.

“May hinahanap ka ba? May kasama ka?” tanong ni Joveth na luminga-linga rin.

“Ha? A…eh… wala, wala!” Halos mautal siya. “May nasalubong ka ba o nakitang lalaking lumabas ng simbahan?” “Wala. Bakit?” “A, wala …wala naman,” wika niya at agad ginagap ang

Sino ang lalaking kausap ni Junjun sa loob ng simbahan? At ano ang pakay nito sa kanya?

kamay ng kasintahan. “Tena sa kumbento.”

“O, bakit ang lamig ng kamay mo?” tanong ni Joveth habang naglalakad sila patungo sa katapat na kumbento.

“Malamig ba? A…e…dahil siguro malamig sa loob ng simbahan o ba…baka sobra lang ang lamig ng aircon ng sinakyan kong bus.” Yaon ang pinakamagandang katwirang nahagilap ng kanyang isip.

Natapos ang seminar nang halos wala siyang nawawaan. Hindi mapaknit sa kanyang balintataw ang lalaking nakausap niya sa loob ng simbahan.

Dumidilim na nang sapitin nila ni Joveth ang tahanan ng mga ito. Pinaupo siya ni Joveth sa sofa saka ito tumuloy sa komedor at maghahanda raw ng pamawing uhaw. Ang ina naman nito na sumalubong sa kanila ay agad binalikan ang niluluto sa kusina matapos silang magmano.

Nakadikit pa rin sa kanyang guniguni ang lalaking nakausap sa simbahan. Naiintriga talaga siya. Paanong bigla itong nawala? Saan kaya nagpunta? Talagang wala… saan mang sulok ng simbahan; at hindi naman nasalubong ni Joveth. Ano ‘yon…multo? Mayroon pa bang multo sa panahong ito ng cellphone at makabagong siyensiya at teknolohiya? Tumututol ang kanyang isip ngunit hindi niya masawata ang pagtindig ng kanyang mga balahibo.

Hinagpos niya ang nakatirik na mga balahibo ng kanyang mga braso.

Tumawag ng kanyang pansin ang malaking photo album sa ilalim ng center table. Kinuha niya iyon at binuklat. Ang unang bumulaga sa kanya ay ang full page at close up na larawan ng mga magulang ni Joveth. Ang ganda ng kuha. Kapwa natural na natural ang mga ngiti.

Nang biglang manlaki ang kanyang ulo! Damdam niya’y nakatayo lahat ang kanyang buhok! Muntik na niyang mabitiwan ang hawak na album. Diyos na mahabagin! Ang makapal na kilay, ang matangos na ilong at ang markadong biloy sa kanang pisngi. Ang mukhang ito ang nakita niya sa simbahan kanina! Tatay ni Joveth …na limang taon nang patay… ang nakausap niya? Ramdam niya’y binuhusan siya ng isang dram na malamig na tubig. Ang kilabot ay gumapang hanggang sa kaliit-liitang bahagi ng kanyang katawan. Biglang nanuyo ang kanyang lalamunan.

“Asahan po ninyong aalagaan at mamahalin ko ang inyong anak,” maya-maya’y wala sa sariling nasambit niya habang nakatitig sa larawan ng tatay ni Joveth.

“May kausap ka?” napaiktad siya nang marinig ang tanong ni Joveth na nasa likuran na pala niya, hawak ang tray ng dalawang basong mango juice at sandwich.

“A… e, si Tatay mo,” nakangiti niyang sagot sa himig na nagbibiro, habang ibinabalik ang photo album sa ilalim ng mesita. “Ka-guwapo pala ng Tatay mo.”

“Talaga! At Daddy’s girl ako. Mahal na mahal niya ako. Sabi pa nga niya noon ay siya raw ang pipili ng magiging asawa ko. Pero, hayun…nawala agad siya,” ani Joveth na nangilid ang luha.

“A…palagay ko’y boboto rin sa akin ang Tatay mo. Saan ka pa naman? Guwapo na, mabait pa, at higit sa lahat… faithful,” aniyang nakangiti. “Nangako na nga ako sa kanya kanina.”

“Hu, yabang talaga nito. Picture lang ni Tatay ang kinausap mo.”

Nagkatawanan sila habang naramdaman ni Junjun na parang may humaplos sa nakatirik na buhok niya sa batok.

Wala siyang balak magkuwento sa kasintahan ng tungkol sa naranasan niya sa loob ng simbahan. Hindi pa siguro ngayon.

“Wala pa ang hinihintay mo?” tanong ng lalaking sa tantiya niya’y hindi lalampas ng limampung taong gulang. “Parating na po,” tugon niya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.