Valentine's Day: Paghahanap Ng Kabiyak...

Liwayway - - Mga Nilalaman - Ni FERNANDO B. SANCHEZ

Fernando B. Sanchez

ANG Valentine’s Day o Araw ng mga Puso ay isang natatanging panahon kung saan hinahanap ng isang lalaki o babae ang magiging kabiyak ng kanyang puso na magdudulot sa kanya ng kaligayahan sa ngalan ng pag-ibig sa habang panahon. Ibig sabihin nito, naghahanap siya ng isang mamahalin at magmamahal din naman sa kanya. Isang nilalang na magiging kasama at katuwang niya sa buhay na puno ng pagsubok at pakikipagsapalaran. Sa mga may girlfriend o asawa na, ang Araw ng mga Puso ay isa ring panahon kung saan lalo pa nilang pinagtitibay ang timyas at luwalhati ng pagmamahalan nila sa isa’t isa.

Ayon sa mitolohiya ng mga Anunnaki, ang paghahanap ng makakasama o makakatuwang sa buhay ng isang tao’y pinasimunuan ng mga diyus-diyusan sa uniberso. Ito’y bunga ng kaparusahang iginawad sa mga kalalakihang Anunnaki noon dahil sa pagmamalabis nila sa pakikipagrelasyon sa mga babae. Di sila makontento sa iisang partner, naghahanap pa sila ng ibang kandungan upang sila’y lalong masaya. Umalma ang mga babae; nagprotesta sila sa pinakamataas na diyus-diyusan. Pinakinggan sila ng mga Anunnaki at ang naging parusa sa mga lalaki’y ang hanapin ang kabiyak ng kanilang puso sa tanang buhay nila!

Sa panig ng mga karaniwang tao sa daigdig, noon pa’y naghahanap na rin sila ng makakasama at makakatuwang sa buhay. Isang kabiyak ng puso, na sa kanilang palagay o paniniwala’y tutulong sa kanila upang magampanan ang kanilang tungkulin sa mundo, mula sa habilin ng Poong Lumikha: ang pagyamanin ang daigdig, ang kapaligiran, na magdudulot sa kanila ng buhay at ibayong kasiyahan habang sila’y nabubuhay, ngayon at magpakailanman.

Noon pa’y naiintindihan na ng Diyos ang pangangailangan ng tao o ng lalaki sa mundo. Kinausap Niya ang ibang Persona na may kinalaman sa paglalang. “Hindi mabuti na mag-isa ang tao sa daigdig,” aniya. “Bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong…” Gen. 2: 18 Isang babae ang ibinigay Niya sa lalaki!

Bunga nito’y itinakda ng Diyos na sila’y magsasama bilang mag-asawa, magkabiyak ng puso at dibdib, magiging isa sa pagtalunton nila ng landas ng buhay hanggang sa sila’y

papaghiwalayin ng kamatayan.

Orihinal na kagustuhan ng Diyos na ang magkatipan o mag-asawa’y magsasama habambuhay, na tanging kamatayan lamang ang magiging hadlang sa kanilang pagmamahalan. Ngunit bakit nga ba naghihiwalay ang lalaki’t babae? Ang karaniwang isyu bukod sa nagkasawaan na’t nalamang di sila compatible, ay ang “third party” o ang pagkakaroon ng iba pang “love interest” o “ibang minamahal” ang isa sa kanila. Ito ba’y likas sa lalaki? O sa babae? Na maghangad pa ng ibang karelasyon, pagkat ito’y kalakaran na ng mundo o pangkaraniwan na ang kasabihang “the more, the merrier?”

Sa totoo lang, ang mahigit sa isang karelasyon ay di kailanman kinalulugdan ng Panginoong Diyos. Taliwas ito sa mga naging karanasan ng mga patriarka, kabilang sina Haring Solomon at Haring David na nagkaroon ng marami, napakaraming asawa at kalaguyo. Kaya lang, ito’y labag sa batas ng Diyos at ng tao sa daigdig. Ang pagiging polygamous ng mga lalaki o bigamous ng mga babae mula pa noong unang panahon, marahil, ang nagbunsod sa Diyos upang itatag ang Sampung Utos na ang isa’y nagsasabing : “Huwag kang mangangalunya o makikiapid. “Exodo 20: 14.

Ang salang pakikiapid noon ay may parusang kamatayan, sa pamamagitan ng pagbato sa nagkasala sa plasa o ng pagsibat sa kanya sa harap ng mga taumbayan. Kung tutuusin, ang pagkakasalang iyan ay bunga ng pagiging makamundo sa tawag ng laman. (1 Juan 2: 16) At ng pambubuyo na rin ng mga demonyo sa ating kapaligiran!

Mula pa noong unang panahon hanggang sa ngayon, di pa rin nawawala ang ‘pagsampa sa kabilang bakod’, wika nga. Ang ‘pangangaliwa’ ng magkabilang panig na naghahanap pa ng init ng pagmamahal sa ibang kandungan. Na tila pinatotohanan ng palasak na kasabihang ‘mas masarap ang bawal’, o di nga ba? Ngunit aminin man natin o hindi, labag iyan sa ika-7 Utos ng Diyos. Marahil, walang makakapantay sa polisiyang “one-man,

one-woman relationship” ng magkatipan o mag-asawa. Tiyak, makakaiwas sila ng gulo at problema. Matutuwa rin, tiyak, ang Panginoong Diyos. Bibiyayaan sila ng matiwasay, mapayapa, masaya at masaganang pamumuhay.

Lalong iigting ang maganda at mahigpit na ugnayan ng mga mag-asawa, magkakamag-anak at magkababayan sa ating lipunan, at ng buong sanlibutan- para sa mas magandang kinabukasan!

A, magiging langit o paraiso ang buong sanlibutan pag nagkagayon, di nga ba?

Pagkat kung hindi tayo susunod sa batas ng Diyos at ng tao, malamang di tayo magkakaroon ng kapayapaan sa buhay. Higit sa lahat, di tayo pagpapalaing makarating o makapasok sa kaharian ng Diyos. Maliwanag na sinasabi ng Banal na Kasulatan: “Ngunit malagim ang kasasapitan ng mga duwag, ng mga taksil, ng mga nagpapasasa sa kasukla-suklam na kahalayan, ng mga mamamatay-tao, ng mga nakikiapid, ng mga mangkukulam, ng mga sumasamba sa mga diyus-diusan, at lahat ng mga sinungaling. Ang magiging bahagi nila’y sa lawa ng nagliliyab na apoy at asupre…” Pahayag 21: 8.

Mga larawang mula sa Google

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.