Haraya

Liwayway - - Mga Nilalaman - Ni DR. MICHAEL M. COROZA

Dr. Michael M. Coroza

(IKALIMANG LABAS)

DALAWANG magkaibang paraan ng pagkamatay ang itinatanghal sa mga pelikulang “Ang Larawan” at “Deadma Walking.” Di-literal na pagkamatay kundi metaporiko o simboliko pa nga. Sa “Ang Larawan,” itinanghal ang krisis ng pagkataong sanhi ng kahirapan ay kailangang pumili sa pagitan ng ideal at praktikal. Sa dalawahang salungatang ito, laging nakikita ang isa, ang ideal, bilang higit na nakatataas na mithiin samantalang ang isa pa, ang praktikal, ay higit na nakabababa. Higit na espiritwal kung kayâ higit na dakila ang una, higit na nauukol sa laman ang ikalawa kayâ higit na nakikitang makamundo at hamak. Alinsunod ito sa isang higit na mataas na pagtingin sa tao at pagkatao na pinaniniwalaan at pinaninindigan na may kakayahang makaigpaw o makapangibabaw sa mga limitasyon ng kaniyang pisikal na katawan at kapaligiran. May lalong mataas na nakatakda para sa kaniya at marapat niyang abutin. Ang pagkawala ng pananampalataya sa mataas na mithiing ito ay katumbas, para sa kaniya, ng kamatayan. Isang trahedyang higit na malubha sa aktuwal na pagkamatay.

Sa kabilang dako, sa “Deadma Walking,” malinaw na nakikita ang kamatayan bilang ang katapusan ng lahat ng posibilidad para sa tao. Sa pagkamatay niya, wala nang ibang puwedeng mangyari pa sa kaniya. Dahil dito, hangga’t humihinga, kailangang samantalahin o manipulahin niya ang lahat ng pagkakataon at mga bagay-bagay para sa katuparan ng kaniyang mga hangarin. Gayunman, kahit pa magtagumpay ang lahat ng binalak, may kung anong puwersa pa ring nakapangyayari at sumisiphayo sa lahat. Pagsumikapan man ang gusto, may nangyayari pa ring hindi saklaw o makokontrol ng tao. Isang malaking ilusyon ang kalabanin o pangunahan ang mga tiyak na magaganap at di-maiiwasang tulad ng kamatayan. Isang higit pa sa kamatayan ang nasasapit sa pagkabigong dulot ng mga pangyayaring bigla na lamang nagaganap na parang aksidente. Isa ring trahedyang lalo pang marawal kaysa tunay na kamatayan.

Sa ganitong paraan ko naibigan ang dalawang pelikulang ito na naging bahagi ng Pista ng Pelikula sa Metro Manila noong nakaraang Disyembre. Totoong bukod sa istorya, biswal na katangian ang pinakamahalaga sa alinmang pelikula. Totoo rin na bilang anyong-sining, nagtatagpo sa pelikula ang samot-saring elemento at isa lamang sa mga elementong ito ang istorya. Taglay ng anim na iba pang kalahok sa nasabing pista ng pelikula ang mga biswal na katangian, ngunit, sa ganang akin, nawawalang-saysay ang bisàng-biswal kung hindi nakatutugon o walang tinutugunang mahigpit na kahingian ng isang kathang-isip na mundo na may katanggap-tanggap na lohika, pantastiko man o realistiko.

Nakalulungkot na sa simula ng pista ay waring hindi naging mainit ang pagtanggap ng madla sa mga pelikulang ito, lalo na sa “Ang Larawan.” Muntik pa nga raw itong tanggalin sa mga sinehan sa pangambang hindi gaanong kikita. Marahil kung hindi ito naparangalan bilang pinakamahusay na pelikula at kung hindi umani ng pangunahing parangal gaya ng pinakamahusay na aktres para kay Joanna Ampil, hindi marahil nagbago ang ihip ng hangin at bakâ tuluyan na itong natangay palabas ng mga sinehan at hindi na napanood ng sambayanan. Sa pag-eendoso ng mga ahensiyang tulad ng Departamento ng Edukasyon, “napilitan” ang mga magaaral na panoorin ito. Marami ring mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor at antas ng lipunan ang nahimok manood kayâ nagkaroon ng ekstensiyon ang pagpapalabas nito sa maraming sinehan sa buong bansa ilang linggo pagkatapos ng pista ng pelikula.

Sa ganang akin, mapanganib sa pag-unlad ng pelikulang Filipino ang talamak na pamamayani ng oryentasyong komersiyal sa mga pista ng pelikula. Bagaman hindi maipagkakailang mahigpit na pangangailangan ang kumita, hindi dapat maisantabi ang higit na mataas na konsiderasyong makasining. Hindi maikakaila na ito ang anyo ng sining ngayon na pinakamalapit sa puso ng madla. Dahil dito, mahalagang bukod sa pagpapalabas ng mga pelikula, mainam marahil na sa panahon ng mga pista ng pelikula ay magkaroon ng mga panayam at palihan lalo na para sa mga kabataan. Sa ganitong paraan, higit na mamumulat sila sa poetika ng pelikula. Nasa ganitong pagkamulat ang higit na pag-unlad ng pelikulang Filipino.

PATALASTAS

NAG-AANYAYA ang Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) at ang Pamilya ni Adrian Cristobal sa gaganaping Adrian Cristobal Lecture sa 20 Pebrero 2018, ika-4:00 hanggang ika-6:00 ng hapon, sa Faura Hall AVR ng Pamantasang Ateneo de Manila. Nahirang na tagapagpanayam para sa taóng ito si Dr. Soledad S. Reyes, Professor Emeritus ng Ateneo de Manila at iginagalang na kritiko ng panitikan at popular na kultura ng Filipinas. Ang pamagat ng kaniyang panayam ay “Past Meaning, Present Significance: Lessons from the Novel in the Year of the Dog” (Nakalipas na Kahulugan, Kasalukuyang Kabuluhan: Mga Leksiyon mula sa mga Nobela sa Taon ng Áso).

Taunang itinataguyod ng UMPIL at ng Pamilya Cristobal ang panayam na ito mula pa noong 2011 bilang paggunita at pagpaparangal kay Adrian Cristobal, batikang manunulat, pampublikong intelektuwal, at Tagapangulong Emeritus ng UMPIL. Ang nahihirang na Tagapagpanayam Cristobal ay isang personalidad na kinikilala bilang palaisip at impluwensiyal sa kultura, lipunan, at politikang Filipino. Ang mga naunang tagapagpanayam ay sina Gemino H. Abad (2011), Virgilio S. Almario (2012), Resil Mojares (2013), Reynaldo Ileto (2014), Solita Collas Monsod (2015), Marites Danguilan Vitug (2016), at Alfred Yuson (2017).

Katuwang sa pagdaraos ng panayam sa taóng ito ang Kagawaran ng Filipino at ang Departamento ng Ingles ng Paaralan ng Humanidades ng Ateneo de Manila. Bukás sa publiko at walang bayad ang aktibidad na ito. Para sa iba pang detalye, makipag-ugnayan lamang kay Louie Jon A. Sanchez sa lsanchez@ateneo.edu.

Magkita-kita po tayo.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.