Hugot Pag-ibig Ni Superhero

Liwayway - - Mga Nilalaman - Liezel T. Pichay

“ANGELO,” pigil niya sa akin. “Gusto kita. G-gusto mo rin ba ako?” Nilingon ko siya at ngumiti sabay sigaw sa aking isipan: Mamaya... Mamaya, Czarina. Magiging malaya na ako mamaya.

Tinalikuran ko siya sabay talon mula sa rooftop ng aming opisina.

Sa pagbulusok ng aking katawan, awtomatikong nag-activate ang aking suit

transformation. Bumagal ang aking pagbagsak, at sinamantala ko iyon upang bumalikwas palipad.

Patungo ako sa aking huling misyon. Si Pyro Madness na nagdisenyo ng aking kauna-unahang

special suit ay siya kong kakaharapin ngayon. Mahirap maging superhero kaya naman nagpasya akong magpaalam na sa agency. Mahirap -- dahil

pakiramdam ko hindi ako makakonekta sa totoong ako.

Sina Angelo at Megaboy ay hindi maaaring magsama habambuhay. Ang laging laman ng puso at isipan ni Megaboy ay ang katarungan at kaligtasan para sa nakararami. Ang kay Angelo naman ay tanging si Czarina.

Noong bata pa ako, doon sa ampunang pinagmulan ko, wala akong ibang pinangarap kundi ang maging isang tagasagip tulad nina Superman, Batman, at Spiderman. Sa musmos kong isipan, lumikha ako ng sarili kong mundo na kung saan ako ang tagapagligtas.

“Angelo, nakabasag ako!” “Angelo, gutom pa ako...” “Angelo, barado ang lababo.”

Mga problemang-pambata na ako ang sumbungan. Mga suliranin na tila kay bigat dahil mas malaki pa iyon sa maliit naming pang-unawa at kaisipan. Pero ako ang superhero nila sa ampunan, at ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya upang sagipin ang mga kaibigan ko.

“Sorry po, Mrs. Damian, natabig ko po ang vase.” “Patawad po, ako ang kumuha ng tirang pagkain sa ref.” “Ako po, ako ang nakahulog ng piso sa lababo kaya nabarado.”

Kayang-kaya kong akuin lahat kahit kapalit ay latay ng palo at tila walang hanggang sermon. Ito ang superhero. Lahat kayang tiisin at isakripisyo alang-alang sa kaligtasan ng iba.

Ito nga ang katangian ko na nakita ng Head Mistress ng Superhero Institute of Technology. Sino ang mag-aakala na darating ang panahong ito na magkakaroon ng isang paaralang ekperimental na naglalayong maging kaagapay ng modernong gobyerno? Mula sa ampunan ay kinuha nila ako upang pag-aralin ng high school hanggang kolehiyo, kasabay na rin ng pagsasanay at pag-modify sa amin para maging ganap na katuwang at dagdag-puwersa sa militar bilang isang

undercover superhero. Lumapag ako sa open field kung saan inireport sa akin na may suicide mission si Pyro Madness. Kailangan ko siyang pigilin. Ang mundo nga naman, habang dumarami ang paraan upang magsulong ng kapayapaan ay lalo namang nagsisilang ng kaguluhan.

“Ako ba ang hinihintay mo?” tanong sa akin ng bahaw na tinig. Bigla, sumulpot sa harapan ko ang dati kong senior at trainor. Tumanda na siya sa serbisyo, pero isang araw nabago ang pananaw niya nang matuklasang mayroon nang taning ang kaniyang buhay. Doon daw niya napag-isip-isip na sinayang niya ang kaniyang buhay sa pagpapagamit sa gobyerno. Heto raw kami, ipinambabala habang ang mga kawaning nasa posisyon ay paupo-upo lang at nagpapayaman. At bakit pa raw namin pilit inililigtas ang sangkatauhan na mayroon din namang katapusan.

“Tama na ito, Pyro. Marami ka nang inosenteng taong pinaslang. Itigil mo na ang pagpapagamit sa terorismo habang may pagkakataon pa.”

“Megaboy... bagitong superhero ka pa lang nang makilala mo ako. At kahit lumaki ka na sa serbisyo, marami ka pa ring hindi alam sa mundo.” “Gaya ng ano? Ang lumiko ng landas at gawin ang mali?” “Tama na ang satsat, bata. May hinahabol akong oras.” Mula sa dibdib ng robotic suit ni Pyro ay nagpakawala ito ng apoy.

Tumalon ako paiwas at pabulusok na lumipad sa direksiyon niya. Muli, nagpakawala siya ng apoy.

Close combat. Doon ako may advantage sa kaniya. Magaling lang siya sa long-range combat -- alam ko ang limitasyon niya.

Nang kaunti na lang ay makalalapit na ako sa kaniya, bigla -- naglaho siya! Tumigil ako sa ere. Pigil ang hininga, nakiramdam ako kung saan susulpot si Pyro. “’Wag ka nang magpakabayani, bata!” Ang tinig niya ay nagmula sa iba’t ibang direksiyon. Ang echo technique.

“Kahit anong pagpipilit ninyong sagipin ang mundo, wala ring mangyayari dahil papunta na ang lahat ng ito sa pagkawasak. Ang mga tao ay sobra na ang kasamaan kaya dapat lang na lipulin at wasakin!”

“May wakas ang lahat, Pyro. Pero hindi ikaw o kahit sino man ang magtatakda kung paano at kailan magtatapos ang buhay ng tao--” Nagpaulan siya ng crystallized missiles! Pinindot ko ang mega shield button mula sa braso ko. Awtomatiko akong binalot at nakulong sa spherical shield na gawa sa espesyal na metal.

Mula sa madilim na kinalalagyan ko, dama ko ang pagyanig ng bawat missile na tumatama palibot sa aking shield. Hindi ito maaari! Isa itong distraction. Naka-set sa infinity ang

crystallized missile na iyon. Sinadya ni Pyro na makulong ako sa sarili kong pananggalang para malaya niyang magawa ang masamang misyon. Anong gagawin ko?

Hindi ako makapag-isip. Mahirap talagang kalaban ang dati mong kabaro lalo at senior sa iyo. Kabisado ni Pyro ang bawat kilos at panlaban ko... Paano na--!

“Angelo. Gusto kita. G-gusto mo rin ba ako?”

Tila isang wake up call ang alaala ng tinig na iyon ni Czarina. Parang sinuntok ang puso ko. Hindi ako maaaring matalo -- kailangan kong mabuhay. Kailangan kong lumaban. Para sa mundo. Para kay Czarina. Para sa pagharap ko sa aking panibagong buhay bilang ordinaryong tao.

Inipon ko ang lahat ng natitirang lakas at dama ko ang paggapang ng enerhiyang bumalot sa aking katawan. Kinapa ko ang breastplate armor na suot ko at binuksan ang metal kung saan nakatago ang panic button. Ngayon ko pa lang ito magagamit. Ang sabi ng programmer na nag-install nito, taimtim na pokus ng isip lang ang makaka-activate sa app na ito. Pinindot ko ang buton kasabay na inisip na mabuti at malinaw ang imahe ng target kong si Pyro Madness.

“Reverse!” sigaw ko kasabay ng pagbulwak ng matinding liwanag. Nakadama ako ng matinding init at sakit ng ulo. Sumigaw ako bilang diversion ng kirot. Tiis lang. Ang

crystallized missiles ay tiyak na ihahatid ng liwanag kung nasaan ngayon si Pyro.

“Mission Accomplished, Megaboy,” kumpirma ng tinig mula sa aking earpiece -- ang lider ng monitoring team mula sa alpha

base. Tapos na, sigaw ng puso ko. Nakahinga ako nang maluwang. Tapos na ang huli kong misyon. Tapos na ang pagiging superhero ko. *** Nagmamadali akong bumalik sa opisina. Lunch time. Wala si Czarina sa working area. Patakbo akong lumabas patungong

canteen. Sinuyod ng aking paningin ang bawat okupadong lamesa. Si Czarina!

Nilapitan ko siya ngunit natigilan ako sa paghakbang.

Kung ang superhero, lahat ay kayang tiisin at isakripisyo alangalang sa kaligtasan ng iba -- kahit pa magtamo ng sugat at manganib ang buhay -- ano pa kaya kung umibig pa?

May kasabay siyang nanananghalian. Tumama ang paningin ni Czarina sa akin. Kasunod na nilingon ako ng lalaking nakaupo kasama niya. Si Boss Jovi!

“Angelo, akala ko may emergency call ka?” pagtataka ng bago naming boss.

“Ah, sir...” Nagpalipat-lipat ako ng tingin sa kanila. “Okay na po. Kaunting gusot lang naman,” pagdadahilan ko. “I see.” Tumingin ito sa suot na mamahaling wristwatch.

“I need to go for a meeting,” sabi niya. Nakahinga ako nang maluwang dahil paalis na pala siya. Magkakaroon na kami ng solong oras ni Czarina.

“See you later, Ina,” pahabol pa nito, sabay tapik sa kamay ni Czarina na nakapatong sa table. Tumayo siya at hinawakan ako sa balikat. “Angelo, pakisabayan na lang si Ina.”

Tumango lang ako. Kunot-noo akong naupo sa bangko na binakante ni Boss Jovi. Pagtingin ko kay Czarina, iniwas niya ang mga mata at nagpatuloy sa pagkain niya ng palabok.

“Czarina, sorry. Kinailangan kong umalis kanina. Alam mo naman na...”

“Alam ko, Angelo. Isa kang volunteer superhero,” sagot niya sa pabulong na tinig para hindi marinig ng iba, ngunit may diin. “Oo, alam ko naman iyon. Maraming beses mo na nga akong nailigtas, at sa lahat ng pagkakataong iyon hindi nawala sa isip ko noong una ang hinala na ikaw siya. Umasa ako dahil doon. Literally, ilang beses mo na kasi akong sinalo. Pero ang masakit, nang ang loob ko na ang nahulog sa iyo, iiwan mo lang pala ako sa ere. Dahil ikaw siya. Dahil superhero ka. At kanina, tinanggap ko na iyon. Hindi p’wede ang nararamdaman ko dahil hindi ako p’wedeng maging hadlang sa responsibilidad mo sa mundo.”

Nangingilid ang luha niya, pero nangiti ako. Nangiti ako dahil posibleng mahal na niya ako. Nangiti ako dahil sa wakas, malaya na ako. Malaya na ang puso ko na magmahal -maaari ko nang simulan na tulungang sagipin ang sarili ko.

“Malaya na ako, Czarina,” sagot ko. “Huling laban ko na kanina. Naipanalo ko iyon. Ang pinakamahirap na laban na iyon ay nagawa kong tapusin dahil sa ‘yo. Dahil kanina, sinabi mong gusto mo ako. Sinagip mo ako. Sinagip ako ng mga salitang mula sa puso mo.”

Bahagyang umawang ang kaniyang mga labi, at ang mapupungay niyang mga mata ay walang kakurap-kurap na nakatitig sa akin.

“Ako, hindi lang kita gusto,” patuloy ko. “Mahal kita, Czarina. Mahal na mahal. Tinalikuran ko na ang nauna kong pangarap at hindi ko iyon pagsisisihan dahil ang kapalit noon ay ang pagsagip ko sa puso ko.”

Umiling-iling si Czarina. “I’m...” Tumulo ang kanina pang nagbabantang mga luha niya. “I’m sorry, Angelo.” May ilang sandaling sapo niya ang bibig at pilit pinipigil ang paghikbi. “Alam kong sobrang halaga sa ‘yo ng tungkulin mo. At kanina, sinubukan kong pigilin ka, kaya umamin ako ng nararamdaman ko sa iyo. Pero wala kang isinagot. Tinalikuran mo ako at walang pasabing umalis. Alam mo ba kung bakit kita tinanong?” Umiling lang ako. “Dahil matagal nang nagtapat sa akin si Jovi. Habang papalayo ka sa akin, unti-unti naman akong napalapit sa kaniya. At umabot iyon sa puntong parang mahal ko na rin siya. Pero ang isip ko, ikaw pa rin ang idinidikta. Gusto kita dahil ikaw ang superhero ko. Pero nalilito ako! Nagbaka-sakali ako kanina. Sinubukan ko kung p’wede ba akong magkaroon ng puwang sa puso mo kahit ang makiamot lang ng oras sa pagiging superhero mo. Pero umalis ka. Iniwan mo ako.

Akala ko... Akala ko ang ibig sabihin no’n hindi mo kayang talikuran ang obligasyon mo--na hindi p’wede ang gusto ko. I’m sorry, Angelo. Bumuo na ako ng pasya. Pinili ko na si Jovi. Kami na...”

Parang bumalik ako sa eksena ng lahat ng labanan na sinuong ko. Ang pagtama sa akin ng mga kakaibang bala at sandata -- bomba, laser, nuclear. Lahat ng iyon, walang-wala sa sakit na nadarama ng puso ko ngayon. Ganito pala ang pakiramdam ng humihingi ng saklolo, ngunit walang kahit sinoman ang maaaring sumagip sa iyo.

Naramdaman ko ang mabining paghawak ni Czarina sa kamay kong nakapatong sa lamesa.

“Angelo...” Humigpit pa ang kapit niya sa kamay ko. “Salamat. Salamat sa lahat.” Kasunod ng mga sinabi niya ang pagtulo ng mga luha ko. Kung ang superhero, lahat ay kayang tiisin at isakripisyo alang-alang sa kaligtasan ng iba -- kahit pa magtamo ng sugat at manganib ang buhay -- ano pa kaya kung umibig pa?

Dahan-dahan kong binawi ang kamay ko. Ngumiti ako kahit dama ang matinding sakit. “Hindi mo kailangang masaktan, Czarina. Kung mahal mo siya at mahal ka niya, tinatanggap ko iyon. Ayokong maguluhan ka pa at maging malungkot. You deserve to be happy.” Sa pagkakataong ito, ako naman ang humawak sa kamay niya. “Nang sinabi mong gusto mo ako, lumakas ako. Naipanalo ko ang huli kong laban at nailigtas muli ang sangkatauhan sa banta ng kapahamakan. Muntik na akong mamatay, pero dahil sa ‘yo narito ako--bilang si Angelo. Sinagip mo ako. Kaya sa huling pagkakataon, hayaan mong sagipin kita. Magmahal ka nang walang pangamba. At kapag nahulog ka, narito lang ako... Sa pagkakataong iyon, titiyakin kong sasaluhin na kita.”

Nakita ko ang pag-aliwalas ng mukha ni Czarina. Ngumiti siya. “Salamat, Angelo.”

Masaya siya, kaya dapat maging masaya na rin ako para sa kaniya. Ang maliit na hibla ng pag-ibig niya sa akin, sinubukan niya iyong ilaban kanina. Pero hindi ako sumagot dahil ayokong umasa siya matapos ay babalik lang pala akong talunan at walang buhay. Pero narito ako. Dahil sa kaniya. Talunan man ang puso ko, panalo naman si Czarina dahil nakagawa siya ng tamang desisyon.

Dapat kong tanggapin, may higit siyang mahal kaysa sa akin. Gusto niya ako, dahil sa puso niya ako ang kaniyang superhero.

Masakit. Sobra! Pero kunsabagay, sanay naman akong masugatan at magsakripisyo. Tanggap ko na. Ganito nga magmahal ang isang Angelo.

“Angelo,” pigil niya sa akin. “Gusto kita. G-gusto mo rin ba ako?” Nilingon ko siya at ngumiti sabay sigaw sa aking isipan: Mamaya... Mamaya, Czarina. Magiging malaya na ako mamaya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.