Haraya

Liwayway - - Mga Nilalaman - Dr. Michael M. Coroza

(UNANG LABAS) (Papel na binasa sa “Saling Panitik: Palihang Bienvendio Lumbera” noong 8 – 9 Pebrero 2018 sa University Hotel, Unibersidad ng Pilipinas Diliman sa pagoorganisa ng UP Institute of Creative Writing.)

I

BIG kong bigyang-diin na maikling pagtalakay na ito na ang pagsasaling pampanitikan ay isang pampanitikang gawain. Kaugnay kung hindi man tunay na isang sangay ng mga araling pampanitikan ang pagsasalin. Lampas sa tumbasan ng mga salita o parirala, higit sa paghanap ng literal na kahulugan o praktikal na aral ng teksto, ang pampanitikang pagsasalin ay nakatuon sa pagkapanitikan ng panitikan. Ito ang dahilan kung bakit para kay Clifford E. Landers, sa kaniyang Literary Translation: A Practical Guide (2001), ay mahirap ipatanggap o ipaunawa sa maraming nasa larang ng pragmatikong pagsasalin ang pagsasaling pampanitikan. Hindi ang ibig sabihin lamang ang mahalaga, madalas na mas mahalaga pa ang paraan ng pagsasabi.

Mahigpit na kahingian, kung gayon, sa sinumang naghahangad na maging tagapagsaling pampanitikan ang maging mahusay na mambabasa ng panitikan. Higit sa pagkakaroon ng mataas na kakayahan sa simulaang lengguwahe (SL) at sa tunguhang lengguwahe (TL), taglay dapat ng sinumang magiging tagapagsaling pampanitikan ang hindi lamang pamilyaridad kundi mataas na kasanayan sa pagpapahalaga sa teksto. Sa pangkalahatan, alinsunod sa naisadiskursong obserbasyon ni Dr. Rosario Cruz Lucero sa kaniyang “Ang Pitong Buhay ni Anabella: Ang Tagasalin Bilang Malikhaing Manunulat, Kritiko at Literary Historian” (1996), ang sinumang susuuong sa pagsasaling pampanitikan ay dapat na may masaklaw na kamulatan sa kasaysayang pampanitikan, may kritikal na kakayahang magsuri ng akda, at may mahusay na kasanayan sa pagsulat na malikhain.

Matalik na Pagbasa ang Pagsasalin

Laging binibigyang-diin ko sa mga estudyante ko, lalo na doon sa mga nasa antas gradwado at maging sa mga nasa antas di-gradwado na ang tuon ng pagpapakadalubhasa ay (pagtuturo ng) literatura, na ang pangunahing kasanayan na dapat nilang malinang sa sarili ay ang “matalik na pagbasa.” Hindi ito ang pagbasang naghahanap lamang ng aral sa teksto. Hindi ito ang pagbasang nagpapataw lamang ng ibig sabihin na hindi naman masusuportahan ng alinmang bahagi nito. Hindi ito ang pagbasang walang pagsasaalang-alang sa signipikasyon o kabuluhan ng mga bahagi kaugnay ng kabuuan ng teksto o sa kabuuan ng teksto bilang kaugnay ng mga bahagi nito. Hindi ito ang pagbasang naghahanap lamang ng mahihirap na salita o parirala sa pangungusap at ipinagagamit sa pangungusap ng mga walang maipagawang guro, na ang tingin sa literatura ay laging hamak na lunsaran lamang ng mga leksiyong panggramatika o pangkomunikasyon. Hindi ito ang pagbasang nauuwi lamang sa paggawa ng venn diagram, na aywan ko ba naman kung bakit paboritong gamitin ng mga nagtuturo ng panitikan lalo na sa elementarya at sekundarya. At, kasumpasumpang pati sa kolehiyo ay ipinagagawa pa rin.

Pagbasang matalik ang pagbasa sa tula, o kuwento, o nobela, o dula bilang mga tekstong pampanitikan. Ginagawa ito bago pa man humantong o bilang paghahawan ng landas tungo sa kung ano-anong paghuhusga, pag-uugnay, o interpretasyon ng samotsaring disiplinang akademiko o larang ng búhay. Pagbasa itong gumagalaw mula sa loob palabas, mula sa labas paloob, mula kaliwa pakanan, mula kanan pakaliwa, mula baba paitaas, mula taas paibaba ng napakamakapangyarihang teksto. Humahanap ang pagbasang ito ng mga imahen, padron, at/o estrukturang sinadya man o hindi ng umakda ay umiiral bilang tampok na katangian ng teksto kayâ nanghihingi at kailangang hanápan ng kabuluhan.

Pagbasang humahango ang matalik na pagbasa sa metodo at may mahigpit na kaugnayan sa hermenyutika na isang disiplinang nauukol sa pagbuo ng kahulugan o interpretasyon. May umuunawa (mambabasá), may inuunawa (teksto), at may sitwasyon ng pag-unawa (konteksto). Ang teksto bilang produkto ng isang panahon o tiyak na kasaysayan ay may sariling pinagmumulang-pananaw na maaaring naiiba sa pinagmumulangpananaw ng umuunawa. Sa gayon, may magkaibang abot-tanaw ng inaasahan ang umuunawa at inuunawa, at sa proseso ng pagtatalaban ng isa’t isa, oo, kapuwa tumatalab na parang taga ng itak ang isa sa isa, nagtatagpo at nagsasanib ang mga abot-tanaw. Nagkakaroon ng pagtatanawan o nagkakatanawan ang umuunawa at inuunawa, at humahantong sa likas na pagkabuo ng pag-unawa at pag-uunawaang may bisàng mapagbago o transpormatibo sa umuunawa at inuunawa—isang pagpapakahulugan o interpretasyon na kung tutuusin ay isang panibagong teksto. Dahil nga rito, hindi isang gawaing pasíbo ang pagbasa. Dinamikong aktibidad ito sapagkat isinasangkot nito ang sinuman sa proseso ng paglikha ng kahulugan, sa aktuwal na paglikha ng (bagong) teksto.

Ang pagbasang ito rin, dahil nga may katangiang ganito, ang pangunahing kasanayang kailangang taglayin ng sinumang magtatangkang maging tagasaling pampanitikan. Muli, hindi sapat na marunong ng simulaang lengguwahe at tunguhang lengguwahe. Ang kailangan ay marunong magbasa ng akda, at may kakayahang muling-sulatin ito sa tunguhang lengguwahe. Wika nga ni Edith Grossman sa kaniyang Why Translation Matters (2010):

In the process of translating, we endeavor to hear the first version of the work as profoundly and completely as possible, struggling to discover the linguistic charge, the structural rhythms, the subtle implications, the complexities of meaning and suggestion in vocabulary and phrasing, and the ambient, cultural inferences and conclusions these totalities allow us to extrapolate. This is a kind of reading as deep as any encounter with a literary text can be.

(Sa proseso ng pagsasalin, sinisikap nating marinig ang unang bersiyon ng akda sa pinakamalalim at pinakakompletong posibleng paraan, pinagsusumakitang tuklasin ang mabibigat na kahulugan ng mga salita, ang mga ritmong pang-estruktura, ang matitimping implikasyon, ang salimuot ng kahulugan at pahiwatig sa bokabularyo at pagpaparirala, at ang kaligiran, ang mga haka at kongklusyong pangkultura na maiaagpang natin sa ganitong mga kabuuan. Isa itong uri ng pagbasa na sinlalim ng anumang maaaring maging pakikipagtalaban sa isang teksto.)

Sabihin pa, ang nalilikhang teksto sa pagsasalin ay isang interpretasyon ng tagasalin sa orihinal na teksto. Hindi na ito ang orihinal na teksto, panibagong teksto na ito na umuugnay sa orihinal ngunit, dahil may kabukod na pag-iral, naiiba at bagong teksto na talaga. Isang interpretasyon na ito na kung may kaugnayan man sa orihinal, ayon kay Walter Benjamin sa kaniyang kanonigong sanaysay na “The Translator’s Task” noong 1923, ay isang relasyong padaplis o tanhensiyal.

Isang ganap na bagong teksto ang salin ng isang teksto. Nagkakaroon ng dalawang iisang teksto, may pagkakaisa ngunit may pagkakaiba. May sariling abot-tanaw ng inaasahan ang orihinal, may sariling abot-tanaw ng inaasahan ang salin. Ang totoo, ang salin ay orihinal sa sarili nitong konteksto. Isang bagong akda ito sa tunguhang lengguwahe, na marahil may ibang pagtanggap o ipaglilingkod sa tunguhang kultura. Ang tagasalin, na siyang umakda ng teksto sa tunguhang lengguwahe at kultura, tulad ng sinumang edukado at mahusay na mambabasá, ay sadyang hindi lamang nakalilimot lumingon sa pinanggalingan. Kayâ laging mapagkumbaba siyang naghahayag ng batis na pinaghanguan ng kaniyang sinulat. Isa siyang (malikhaing) manunulat, ngunit tinatawag siyang “tagasalin” at sa ganitong paraan siya laging kinikilala.

(ITUTULOY SA SUSUNOD NA LABAS)

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.