KAFKA

Liwayway - - Dagli - Ni JACK A. ALVAREZ

HINDI na siya nagtaka nang mabasa ang isa sa mga nobela ni Haruki Murakami tungkol sa isang batang si Kafka na may kakayahang makikipag-usap sa mga pusa. Naalala niya noong kaniyang kabataan. Nalaman niyang naiintindihan niya ang bawat ngiyaw ng pusa nang isang gabing magkuwento ang kaniyang ama. Ayon pa nito, mayroon daw isang bal-bal na nais kunin ang batang may alagang pusa.

“Kung mabibilang mo ang aking balahibo, ibibigay ko sa iyo ang aking amo…” nakakapanindig balahibo na pagsasalaysay ng kaniyang ama. “Iyon ang ibinigay na kasunduan ng pusa sa gutom na halimaw. Nagsimulang magbilang ang bal-bal mula sa buntot ngunit hindi niya matapos-tapos. Sa tuwing nasa kalagitnaan na siya, nabibitawan niya ang malikot na buntot at makikintab na pinong balahibo. Magdamag itong bigo at tuluyang lumayo.”

Nakatitig lamang siya nang tuldukan ng kaniyang ama ang nakapanghilakbot na kuwento. Narinig niya ang pagngiyaw ng kaniyang alaga. Sumiksik ito sa kaniyang hita. At malambing nitong pinababaon ang matutulis na kuko. Tinitigan niya. At nagsimula itong magwika. “Darating ang mga panahong tulad nito ay mananatili na ring kuwento ang lahatlahat. Silipin mo sa aking balintataw… sa pagsapit ng pag-aagaw-dilim ng palibot, nakakandong ako sa iyo. Hinahaplos-haplos mo ang malalambot kong balahibo. Nararamdaman ko roon ang iyong mga pangungulila. Patuloy kang aasa. Maghihintay. Mangangarap na kukunin at babalikan.”

Napaluha siya. Hindi sa takot sa pagkagat ng dilim at pagdating ng bal-bal. Kundi may hindi nagbalik at tangay ang kuwentong pinakamamahal niya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.