PETRA

Liwayway - - Dagli -

NATUTUHAN niyang matulog na lang pagkagaling sa trabaho. Mag-isa siya sa kaniyang bahay. Nais sana niyang mag-alaga ng pusa o kaya aso upang kahit papaano’y may makakasama siya. Tanging mga aklat ang karamay niya, panonood ng mga pelikula at pakikinig ng musika sa tuwing naiinip siya. At nang minsang mawalan ng kuryente, bigla siyang nakaramdam ng matinding kalungkutan. Malungkot niyang tinitigan ang kaniyang celfon na tila naghihingalo. Paubos na ang baterya nito. Isang oras niyang minatyagan ang wall clock na nakasabit sa itaas ng kaniyang ulunan. Una’y kumukumpas ang bawat tiktak sa bawat lunok niya ng laway. Nanunuyo ang kaniyang lalamunan. Kalauna’y nararamdaman niyang tila nangungutya ang tunog na iyon. At napaluha siya sa di maipaliwanag na pagkamingaw, ng kaniyang pag-iisa. Gasgas ang kaniyang paghinga. Parang dumadahak sa katahimikan, at sa kalaliman ng madaling-araw. Sinimulan niyang igala ang kaniyang paningin sa buong silid. Malamlam ang rabaw ng sementadong pader. Simpusyaw ng liwanag ng ulilang lampshade. Namamanhid sa lamig ng Pebrero ang sahig na marmol. At tila pagitan ng mga alaala ang magkatapat na sofa. Sinimulan niyang ibuka ang kaniyang bibig. Una ay nagpakilala siya. Ang kaniyang pangalan sa mga panahon ng kaniyang kabataan. “Ako si Petra.” Pagkatapos, isa-isa niyang kinausap ang mga bagay na nakapalibot sa kaniya mula appliances, mga gamit sa sala, sa kusina, ang kaniyang mga damit, pati na rin ang unan, kumot at kama. Nagkaunawaan sila sa kani-kanilang mga dahilan kung bakit sila naroroon sa kuwadradong silid. Sinundan iyon ng isang magdamag na katahimikan. At niyapos siya ng pagkahimbing tulad ng isang paslit, ng mga nagdaang dekada ng kaniyang kamusmusan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.