Haraya

Liwayway - - News - Dr. Michael M. Coroza

(IKALAWANG LABAS)

(Papel na binasa sa “Saling Panitik: Palihang Bienvendio Lumbera” noong 8 – 9 Pebrero 2018 sa University Hotel, Unibersidad ng Pilipinas Diliman sa pag-oorganisa ng UP Institute of Creative Writing.)

Ang Pagsasalin ng Tula

LAGING malaking usapin kung naisasalin ba ang tula. Bilang isang teksto, nakikita ang tula bilang higit na komplikado o sopistikado kaya’t parang imposible ang pagsasalin nito. Kung lubhang marami ang nawawala sa pagsasalin ng tulúyan, parang lalong marami ang nawawala pag nagsasalin ng tula. Marami diumanong laro at lalang ng salita na di-naililipat mula sa simulaang lengguwahe patungo sa tunguhang lengguwahe. Wika nga ng bantog na lingguwista at kritikong si Roman Jakobson:

The pun, or to use a more erudite, and perhaps more precise term—paronomasia, reigns over poetic art, and whether its rule is absolute or limited, poetry by definition is untranslatable. Only creative transposition is possible: either intralingual transposition—from one poetic shape into another, or interlingual transposition—from one language into another, or finally intersemiotic transposition—from one system of signs into another, e.g., from verbal art into music, dance, cinema, or painting.

(Ang laro ng salita, o kung gagamit ng higit na akademiko at marahil lalong eksaktong terminolohiya— paronomasya, ay nangingibabaw sa sining ng tula, at lubos man o limitado ang panuntunan nito, ang tula ayon sa katuturan nito ay di-naisasalin. Malikhaing transposisyon lamang ang posible: maaaring intralingguwal na transposisyon—mula sa isang poetikong anyo patungo sa iba, o interlingguwal na transposisyon—mula sa isang wika patungo sa iba, o intersemiyotikong transposisyon—mula sa isang sistema ng mga tanda patungo sa iba, e.g., mula sa pasalitang sining patungo sa musika, sayaw, pelikula, o pagpipinta.)

Nangangahulugan, hindi talaga salin ang puwedeng gawin kundi isang nahahawig ngunit naiibang pagsasaayos ng baha-bahagi o kabuuan ng tula. Gayundin, isang pagpapalit o paglilipat ng anyo ng tula upang kahit paano ay maipaunawa ang tula at sa gayon ay mabigyang-diing lalo na ang tekstong tinangkang isalin ngunit hindi nga maisalin-salin sa bisa o birtud ng likas na katangian nito ay isang tula.

Sa isang banda, mapahahalagahan ang paniniwalang ito ni Jakobson bilang isang paggalang o pagtatangi sa tula na isang anyo ng teksto. Dahil katangi-tangi, may mga espesyal na katangiang lingguwistiko ito na hindi natutumbasan sa pagitan ng dalawa o higit pang wika. May mga tiyak na katangian ng wika na nasa isang wika lamang at maaari o sadyang wala sa ibang wika. Ngunit, manganganib na mauwi ito sa paniniwalang sadyang may mga wikang matulain o hindi. Kung may katangian, halimbawa, ang isang tula sa Ingles at hindi ito matutumbasan sa Filipino, o kung baligtarin man natin at sabihing may katangian ang isang tula sa Filipino na hindi matutumbasan sa Ingles, nangangahulugan ba ito na mas matulain ang Ingles sa unang kaso o mas matulain ang Filipino sa ikalawa? Kung katangiang lingguwistiko ang mga elemento o salik na nagpapagiging matulain sa isang akda, may higit bang matulaing wika kaysa ibang wika?

Kung oo ang magiging tugon sa nasabing tanong, malalabag o mababalewala ang lalong malaking paniniwalang linguwistiko na magkakapantay ang lahat ng wika sa daigdig o walang wikang nakatataas kaysa ibang wika. Kung superyor na teksto ang tula at may kung anong tula sa kung alinmang wika ang hindi maisalin sa ibang wika, lilitaw na may superyor na wika ng tula na hindi matatapatan ng ibang wika ng tula.

Sa kabilang dako, kung si Walter Benjamin ang sasangguniin, lilitaw na hindi ang literal o mismong laro ng salita ang dapat problemahin kundi ang bisang nililikha ng gayong paglalaro. Sa madali’t salita, lampas sa lingguwistikong sitwasyon ang lahat. Higit na esensiyal o may kinalaman sa pagkatula ng tula ang dapat pagtuunang-pansin. Bumabalik si Benjamin sa pinakaubod ng mga bagay-bagay. Kung baga sa pagkatao, na isang esensiya, sa kabila ng mga pagkakaiba-iba ng pisikal na anyo, panlipunang kaligiran, at oryentasyong pampolitika ng iba’t ibang tao, talaga bang mayroong lubhang malaking pagkakaiba sa esensiya ng pagiging tao? Mahirap man (para sa ilan o sa marami) ang tukuyin kung ano ba talaga, walang dudang tao ang tao dahil sa kaniyang nahihinuha (naaabstraksiyo) nating pagkatao.

Kayâ nga para kay Walter Benjamin, ganito ang tungkulin ng tagasalin: “To set free in his own language the pure language spellbound in the foreign language, to liberate the language imprisoned in the work by rewriting it, is the translator’s task” (Ang palayain sa kaniyang sariling wika ang wikang wagas na naengkanto sa banyagang wika, ang palayain ang wikang napiit sa akda sa pamamagitan ng muling pagsulat dito ang tungkulin ng tagasalin.) May wagas o esensiyal na wika. Ito ang dapat mahagip o masapul ng tagasalin. Ito ang esensiya ng orihinal na teksto na dapat niyang muling-likhain sa wika ng salin. Kung may kahindik-hindik o pangingilabot sa orihinal na teksto, na ibinunga ng pagmamanipula ng makata sa simulaang lengguwahe, dapat ding magkaroon ng kahindik-hindik o pangingilabot sa salin sa mahusay na pagmamanipula ng tagasalin sa tunguhang lengguwahe.

Ganito, humigit-kumulang, ang prinsipyo sa likod ng tinatawag na muling-tula ni Virgilio S. Almario, sa kaniyang “Muling-Tula bilang Hamon sa Pagsasalin ng Tula” (2016), na inilalarawan niya bilang ang “paglilipat ng mga pangunahing katangian ng tula.” Aniya, nag-uumpisa ang proseso sa pagkilates ng tagasalin sa komplikadong katangian ng tula mula sa mga panloob na operasyon nito (talinghaga, tayutay, sayusay) hanggang sa mga katangiang pang-anyo nito bilang tradisyonal o modernong tula at hanggang sa pagiging natatanging halimbawa nito ng pagiging anyo o paraan ng pagpapahayag ng makatang umakda nito bilang pagtugon o pakikisangkot at pakikiangkop sa kinabibilangang lugar, panahon, at kasaysayan.

Pagkaraan, sinisikap pag-aralan ng tagasalin kung paano matatapatan ang lahat ng natuklasang katangian ng tulang binasa sa matalik na paraan tungo sa muling-pagsulat nito. Isang muling-pagsulat o muling-pag-akda ang pagsasalin ng tula, kaya nga isang muling-tula. Tinutula ng tagasalin sa tunguhang lengguwahe ang tulang matalik na binasa. Hindi lamang ipinauunawa ng tagasalin sa mambabasa sa tunguhang lengguwahe kung ano ang sinasabi ng tula. Ipinararanas niya sa mambabasang hindi nakababatid sa simulaang lengguwahe ang pagkatula ng isinaling tula. Wika nga ni Almario: “Tinatapatan ng tagasalin ng kaukulang mga katangiang maaari niyang madukal sa kaniyang sariling wika ang mga katangiang napagaralan niya sa isinasaling tula upang maidulot sa madla ng kaniyang wika ang aliw at alindog ng tula sa mulaan nitong wika’t kasaysayan.”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.