Death Row

Liwayway - - Mga NIlalaman - Lea Carla B. Cochangco

INIHATID ako sa isang maliit na kuwarto. Ramdam ko ang malakas na tibok ng aking dibdib na para bang gusto na nitong kumawala. Napaisip ako kung paano nga ba ako napunta sa ganitong estado. Naaawa man ako sa sarili ko, hindi ko pa rin magawang umiyak. Dahil kasalanan ko naman ito. Kasalanan ko.

Magaling ako sa history. Para sa ilan, isang malayong alaala na lang ang mga nangyari sa kahapon. Para bang isang naupos na kandila. Alam kong noong 2,667 B.C. naitayo ang unang pyramid sa Egypt, 1914 nag-umpisa ang WWI, 1928 nang madiskubre ang Penicillin ni Alexander Flemming at 1939 naman nagumpisa ang WWII.

Magaling akong tumanda ng petsa at taon. At sa lahat ng mga taon na lumipas, may isang hindi ko makakalimutan. Ang Disyembre ng 1994- ang taon na nakulong ako. Triple Nine Penitentiary ang

pangalan ng lugar na kinalalagyan ko ngayon. Lugar para sa mga tulad kong lumabag sa batas, para sa mga gumawa ng masama at para sa mga napagbintangan o natalo sa kaso. Ito raw ang lugar para sa pagbabago. Pero parang hindi naman dahil minsan, ito pa ang mismong sisira sa iyo.

Dito sa kulungan, dito kami mauupos ng walang laban.

Hindi ko nabuklat ang Bibliyang ibinigay sa akin noong bagong salta ako. Dahil sa unang araw ko pa lang ay abala na ako kung paano mabubuhay sa madilim na purgatoryong ito.

Bugbog ang inabot ko sa panlalaban sa mga kakosang gustong makatikim ng sandaling ligaya mula sa akin.

Hindi nasusukat sa lakas ng sigaw ng pagdadasal ang pakikinig ng Panginoon. Pananampalataya ang naririnig Niya, hindi dasal na walang laman…

Bababuyin ka nila nang husto at wala kang laban dahil dito sa loob ay ikaw ang biktima. Ipinatikim nila sa akin ang kasong ginawa ko, tulad ng mga ginawa sa mga taong nauna sa akin dito. Naulit iyon nang naulit. Minsa’y tinangka kong manlaban at ipagtanggol ang aking sarili ngunit bigo ako. Bugbog lang ang inabot ko nang labanan ko sila. Wala rin naman kasi akong kakampi noon at walang awa na ibibigay para sa mga bagong salta. Wala akong nagawa para pigilan sila. Wala.

Sa gabi ay para akong kandilang naghihintay maupos at matunaw, malamlam ang liwanag na taglay. Paano nga ba kasi ako mabubuhay sa ganitong lugar? Kung sa bagay, hindi naman ako inilagay rito para mabuhay. Narito ako para maghintay kung kailan ako mamamatay.

Sa araw-araw ay naghihintay ako ng balitang nagsasabing ako’y lalaya na mula sa maruming kulungan na ito. Na nagkamali sila ng desisyon at binabawi na nila ang parusang ipinataw nila sa akin. Na nahuli na nila ang tunay na may sala sa krimeng ang kapalit ay bitay. Na sasalubong ang aking ama para sabihing ginawa niya ang lahat para maligtas ako at naniniwala siyang inosente ako.

Pero hindi iyon nangyari. Ni huni ng ibon ay hindi ko marinig mula sa piitang ito. Napangiti na lang ako sa mga naisip ko at napailing.

Maliwanag na mukha ng matandang pari ang sumalubong sa pagbukas sa pinto ng kuwarto. Nakaposas ang dalawa kong kamay. Tumigil ang dalawang guwardiya sa labas ng kuwarto para maghintay. Umupo ako sa tabi niya, nakatungo, hindi makapagsalita. “Ano ang pangarap mo?” tanong niya. Sa totoo lang, hindi ko inasahan ang bungad niyang tanong. Nangilid ang mga luha ko at hindi ko alam kung bakit. “Sa ngayon po?” alangan kong tugon, “hiling ko na makakain ng kare-kare. Kung okey lang, e samahan na rin ng softdrinks. Gusto ko rin sana ng dessert, ice cream e p’wede na.”

Napangiti ang pari sa mga sinabi ko. “Parang wala ng bukas ang mga hiling mo, a?”

Ako naman ang napangiti. “Hindi ho ba last meal ko ang pinag-uusapan natin?”

Hindi siya agad sumagot. Hindi rin ako nagsalita pa ulit. Unti-unting bumigat ang hangin na nalalanghap ko, parang nakakasakal na hindi ko maintindihan.

“Sa tingin mo ba talaga ay wala ng natitirang bukas para sa ‘yo, hijo?”

Napayuko ako, mahigpit ang pagkakakumpol ng dalawa kong kamay. Hindi ko alam kung dapat na ba akong magdasal. Pero kahit gustuhin ko man, nakalimutan ko na kung paano tumawag sa Kanya. At sa tingin ko rin, hindi naman dinidinig ang mga dasal ko. “Sa tingin ko ‘ho e tinalikuran na ako ng lahat.” Umiling siya. “Maliban sa Ama.” Umiling din ako. “Siya nga ho ang unang nakalimot. Halos isigaw ko na ang dasal ko noon, pero bingi ho Siya.”

“Hindi nasusukat sa lakas ng sigaw ng pagdadasal ang pakikinig ng Panginoon. Pananampalataya ang naririnig Niya, hindi dasal na walang laman.”

May kung anong kurot akong naramdaman. Ang lakas ng tama ng sinabi niya. Natulala ako sa pari. “Mahirap magkimkim ng pag-asa,” halos bulong kong sinabi. “Sa madilim na lugar na ‘to, mahirap ho makita ang pananampalataya.” “Paano ka ba napunta sa lugar na ito?” Paano nga ba? Napakagat ako sa dila, nabulunan ng walang dahilan. Tumulo ang kanina pang namuong mga luha, malakas na dagundong ang tumambol sa sarili kong tainga. Sa puntong iyon, mabilis na bumalik ang mga mapapait na alaala.

Labing-walong taong gulang lang ako noon. Hinithit ko ang yosi, nagpapakalma sa kinauupuan. Hindi ko na rin mabilang kung ilang bote ng alak ang naitumba ko habang nakikisalamuha sa mga barkada kong nakikipagkumpitensiya rin sa inuman. Malalim na ang gabi nang humupa ang maingay na party, mga nakatumba at basag na bote ng alak ang nakakalat sa kung saan-saan. Pinilit kong tumayo kahit pa lasing pa ang isip ko, naglakad papuntang banyo habang lumilipad sa alapaap ang pakiramdam ko.

Pinihit ko ang doorknob pero hindi nagbukas ang banyo. Kanina pa rito nagkulong si Vince para tumira ng kung ano. Nag-aadik na naman siguro ang loko kahit pa sinabihan ko nang iwasan iyon. Pero wala rin naman kasing pinakikinggan ang mokong.

Kumatok ako ng malakas, padabog na hinahampas ang pinto. Ang tagal kong pinigil ang pag-ihi. Pero umiikot na rin ang sikmura ko kaya’t kailangan ko na talagang gumamit.

“Buksan mo ‘to! Kanina ka pa rito!” sigaw ko, medyo nahihilo pa.

Tuloy-tuloy ang pagkatok ko at alam kong nabubulahaw na rin ang iba naming mga kaibigan.

Sa inis ko ay sinipa ko ang pinto, sinipa nang sinipa hanggang sa mapuwersa ko itong mabuksan.

Parang malamig na tubig ang bumuhos sa akin nang makita ang bata sa loob. Walang damit. Walang malay. Walang buhay. Malakas na sapak ng kahimasmasan ang gumising sa lasing kong diwa. Nakapanlalamig. Nakakapanghina. Lumuhod ako sa tabi ng bata, hinawakan para gisingin, kahit pa na alam kong patay na siya.

Hindi ko alam kung gaano katagal akong natulala. Hindi ko alam ang gagawin. Ni hindi ko alam kung paano paniniwalaan ang tumambad sa harapan ko. Dumating si Mario at napaatras nang makita ang kapatid niya. Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Ako ang pinagbintangan. Ako ang kinasuhan. Wala akong laban sa kaso dahil hurado ang ama ng biktima. Itinuro ako ni Vince bilang suspect. Hindi ko alam, pero nagkaroon ng ebidensiya laban sa akin.

Dasal kong maabsuwelto ako pero nabingi yata ang Diyos. Bulag at manhid naman ang pulitiko kong ama sa pag-iyak at pagmamakaawa ko sa kanyang tulungan ako. Dahil imbis na iahon ako sa hukay na ito, siya pa ang nagbaon sa akin, sinabing dinungisan ko ang pangalan niya.

“Hayop ka! Ginahasa mo na nga ang anak ko, pinatay mo pa! Halimaw ka! Mamatay ka sa kulungan!” garalgal na sigaw ng tatay ng biktima sa akin.

“Diyos koooooo! Bibitayin ka! Bitay!” pagwawala naman ng ginang, na ina ng biktima. “Halang ang kaluluwa mong adik ka! Hindi kita mapapatawad, hindi!”

Halos mapaos sa kaiiyak ang ginang, galit na galit ang mga mata at naglulupasay. Parang lason ang mga salitang binitiwan niya laban sa akin, unti-unting pinapatay ang pagkatao ko.

“Mama, please! Hindi ako ang gumawa, please...” Umiyak ako sa harap niya, pero iyak lang din ang naisagot niya. “’Ma, ayokong mabitay! Tulungan mo ‘ko, Mama! Mama!”

Marahas akong nilagyan ng posas habang minumura ng mga tao sa labas ng korte kasama ng mga media na nagsisiksikan para kuhanan ako ng bidyo.

Diyos ko! Inosente ako! Alam mo ‘yan, nakikiusap ako! Diyos ko!

Nanginig ang mga balikat ko, nanghina ang mga tuhod, habang kinakapos sa paghinga. Ang magaang pagtapik ng pari sa likod ko ang tila lalong nagpaiyak sa akin.

“Hindi ako ang gumawa,” pag-uulit ko sa kanya. “Hindi ko ‘yon magagawa!” Napahagulgol ako. Bukas na ang huling araw ko. Bukas ay bibitayin

na ako. Ngayon ay para akong kandilang natunaw sa likod ng malamig na rehas. Alam kong ginagawan ng paraan ng abogado ko para buksan muli ang kaso. Pero napakanipis ng pag-asang mangyari iyon.

Tinapik-tapik muli ng pari ang likod ko. “Sapagkat tayo’y iniligtas sa pag-asa: datapwa’t ang pag-asa na nakikita ay hindi pag-asa: kaya’t sino nga ang umaasa sa nakikita?” Tumingin siya sa maliit na krus na nakasabit sa dingding. “Romans 8:24.” Sumikip ang dibdib ko at napahikbi. “Kung nakikita natin sa ating harap ang bagay na gusto natin, para saan pa ang umasa? Ikulong mo sa sarili mo ang pananampalataya, hijo, dahil iyon mismo ang magpapalaya sa iyo.” Hindi ako nakasagot. “May mga pagkakataong ang tanging paraan para makita mo ang liwanag ay kung naroroon ka sa dilim.” Tumango-tango ako at napaisip. Noong gabing iyon, nagdasal ako kahit pa parang nabubuhol ang dila ko.

Disyembre ng 1994 ako nakulong. 1995 ako nag-umpisang gumawa ng kandila kasama ng mga kakosa ko para ibenta sa labas. Sa arawaraw ay puno ako ng takot habang nililitis ang kaso ko. 1996 naman ng mahatulan ako ng guilty. Nakulong ako ng sariling pagkaduwag at piniling paliparin ang pag-asa. Sa liwanag ng buhay ako nabulag at dito sa dilim ay umaasang makakakita ulit. Alam kong matagal Mo na akong kinakalabit pero ako ay manhid. Ngayon ako naman ang kakatok at sana’y hindi pa huli ang lahat.

Ako po si Matthews, nagkasala at humihingi ng tawad. Masama akong anak, napariwara, at nalulong sa bisyo. Pero hindi ko magagawa ang krimeng ipinataw nila sa akin. Sana, sa natitirang mga oras bago ako ihatid sa huli kong hantungan, Panginoon, ikaw ang maging liwanag sa madilim kong kinalalagyan. Natatakot ako. Kailangan ko ang pakikiramay Mo. Sana...sana.. ‘Wag Mo akong iwan sa aking laban.

Maaga pa ay ginising na ako ng guwardiya. Dala niya ang last

meal na hiniling ko. Ninamnam ko ang pagkain dahil alam kong hindi na muli pa akong kakain dito. Pagkatapos ay inihatid niya ako sa kuwarto at itinuro ang naghihintay na telepono para sa akin. Siguro ay mga magulang ko ang nasa kabilang linya. “Matthews?” Hindi iyon ang boses ni Mama. Tinig iyon ni Atty. Valcos. Narinig ko ang paghikbi niya. Hindi ko alam kung tungkol saan ang naging pagtawag niya.

“May laban pa tayo,” sabi niya. “May witness na nakakita kay Vince at may bagong ebidensiya na magpapatunay na hindi ikaw ang pumatay sa biktima. Umapela ako at bubuksan ulit ang kaso. Pinagbigyan tayo ng Korte Suprema.”

Napangiti ang nanginginig kong mga labi. Humigpit ang sikmura ko sa narinig. Mabilis akong tinamaan ng hilo dahil sa magandang balitang iyo.

“Talaga po, Atty. Valcos?” pabulong kong tanong, halos hindi pa rin makapaniwala. Napakabilis palang sumagot ng Diyos. Wala Siyang sinayang na araw at agad akong binigyan ng pag-asa. Salamat po.

“Kapit lang,” dugtong ng aking abogado. “Mailalabas kita riyan.” Tuluyan akong napaluha. Napailing. Hindi ako makapagsalita. Napakapit na lang ako sa dibdib ko, napatingala, at nagpasalamat.

Sa puntong iyon ay nakita ko ang liwanag mula sa madilim kong kinalalagyan. Isinuko ko na ang lahat sa Kanya. Sa ngayon ay alam kong hindi na ako nag-iisa sa laban kong ito.

“Sa tingin ko ‘ho e tinalikuran na ako ng lahat.” Umiling siya. “Maliban sa Ama.”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.