Hiwaga Ng Kalikasan

Liwayway - - Mga NIlalaman - Imelda Estrella

NAPAKAHUSAY gumuhit ni Tatay Juan. Parang may mahika ang kanyang mga kamay.

“Ang ganda po! Parang totoo!” numero unong fan ako ni Tatay Juan.

Kaya niyang iguhit ang pinya na ang balat ay may walong paikid na mata na patungo sa iisang direksiyon, “Ay, andaming mata! Kumikindat pa ang isa!” ang tawa ko.

Kaya rin niyang iguhit ang hamog sa bulaklak, ang insektong kumakain ng dahon.

Lahat kaya niyang i-drowing. Langit. Bundok. Dagat. Bukid.

“Hayan, may kulay na,” sabi ni Tatay, nakatingin sa drowing ng nahihinog na palay sa bukid.

Masaya kaming dalawa ni Tatay habang magkasama sa bukid. “Mayaman talaga ang lupa,” sabi ni Tatay, dinudurog sa kamay ang buo-buong lupa.

May maliit kaming bukirin na may tanim na palay. Ang aming pahingahan ay palibot ng puno at mga halamang gulay. Sa tabi naman ng puno ay may mesang yari sa kawayan. Madalas ay doon kami kumakain ng tanghalian. “Kain na tayo!”

Pinaghatian namin ni Tatay ang baon na kanin at ulam na nasa basket. Pritong isda, pakbet at ginayat na manggang hilaw.

Pumitas ng kamatis si Tatay para gawing sawsawan ng ulam. “Masarap talaga ang kamatis na piniga sa kamay,” tawa ni Tatay, habang lumalabas ang katas ng kamatis sa pagitan ng kanyang mga daliri.

Masaya naman kami basta magkasama at kahit hati-hati sa kokonti.

Oo, masaya na nga kami nang ganito ni Tatay. Siya sa pagguhit. Ako naman ay masaya na sa panonood ng mga ibon at insekto sa bukid.

Kabisado ko na kung kailan umaalis at bumabalik ang mga ibon.

Kabisado ko na ang galaw ng mga langgam. Kabisado ko na rin mandakma ng palakang tetot, huwag lang ang palakang saging dahil sa kulugo. Minsan ay umaakyat din kami ng bundok ni Tatay. Gusto-gusto niyang iginuguhit ang bundok na sa tayog ay halos abutin na ang langit.

Sabi ni Tatay Juan, pag malapit ka raw sa kalikasan wala ka raw maiisip kundi ganda ng buhay.

Kagaya ng agos ng tubig. Ng hihip ng hangin. Ng anyo ng lupa.

Gusto ko naman umaakyat sa puno habang pinagmamasdan ang mga inakay sa pugad sa piling ng kanilang inahin. Madalas ay gabi na kami nakakauwi ni Tatay. Habang naglalakad pauwi ay madalas kong tingalain ang mga bituin. Gusto kong angkinin ang ilaw ng mga bituin. May mga gabing madilim, gusto kong matakot sa dilim. Takot ako sa huni ng tuko. Bigla akong nagtatalukbong ng kumot. May mga gabing kumukulog, kumikidlat. Nagtatakip ako ng unan. Nararamdaman ko naman ang pag-ehem ni Tatay. Ipinaparamdam na gising pa siya at wala akong dapat katakutan.

May mga gabi ring nakapikit ako pero naglalakbay ang isip.

Inaaliw ko ang sarili sa gandang nakita sa paligid. “Mahiwaga talaga ang kalikasan,” naglalaro sa isip ko.

Siguro ang mga ibon ay may sariling compass sa katawan alam kung saan ang direksiyon pauwi ng bahay.

May stop light kaya ang mga langgam? Para kasing may sariling trapiko ang mga langgam kasi hindi sila nagkakabanggaan kahit salubong ang daan.

May kutob ako na ang mga insekto ay matalas ang memorya at pang-amoy. Oo nga, magkakamukha sila. Kahit mapahalo sa iba alam kung alin-alin ang naiba.

Kahit takot ako sa tuko gusto kong isipin na may pandikit ang paa ng tuko. Ay, naku! Sa sobrang dikit hindi nahuhulog kahit nakabitin-patiwarik!

Tumagilid ako ng higa. Naisip ko naman ang mga iginuhit ni Tatay. Ang husay talaga ng kamay ng tatay ko. Biro mo, kaya niyang kopyahin ang magagandang bagay sa paligid. Idolo ko ang tatay ko. Gusto ko rin matutong gumuhit. Inaaliw ko ang sarili sa mga ganoong isipin. May mga sandali na may pakiramdam ako na parang may kulang.

Isang araw iyon nang ipakita ko kay tatay ang aking iginuhit. Nagtaka siya nang makitang blangko ang papel. “Wala naman naka-drowing?” binali-baligtad ni Tatay ang papel bakasakaling may makitang bakat ng guhit.

“Tatay, iyon wala naman po ang gusto kong i-drowing….” sabi ko, sabay yuko. Bahagyang natahimik si Tatay. Ang totoo ay gusto kong iguhit ang aming buhay. Para kasing may kulang.

Muli kong nakitang dumaan ang kawan ng mga ibon, nangitim ang himpapawid sa kapal ng mga ibong dumaan. “Uuwi na po ba ang mga ibon?” Tumango si Tatay. Bigla akong nalungkot. Buti pa ang mga ibon, alam ang daan pauwi. “Si Nanay po, kelan uuwi?”

Hindi kumibo si Tatay. Pero alam ko may nasaling ako sa damdamin niya dahil parang gustong mangilid ng luha sa kanyang mga mata. Ang tabil ko kasi. Nakakahiya sa tatay ko. Ano pa ba ang gusto ko? Ipinakita na nga niya lahat ng magagandang bagay sa paligid. Pero iyon pa ring wala ang hinahanap ko.

Tatlong taon na kasing wala si Nanay. Sabi ni Tatay nasa malayong lugar. Nagtatrabaho raw si Nanay sa lugar ng mga Arabo. Bakit ba kailangan pang may lumayo gayong puwede namang maging simple ang buhay, iyon bang hati-hati kami kung ano mayroon sa kokonti.

Ang sabi ni Tatay mayaman ang lupa. Tulong-tulong, puwede naming bungkalin ang lupa.

Isang araw, naging usap-usapan sa aming lugar ang pagpapauwi sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa bansang Arabo. Iniutos daw ng Presidente na pauwiin na ang mga Pilipino mula sa bansang marami ang naiulat ng mga kaso nang pang-aabuso. Marami ang nalungkot, marami rin ang sumaya. “Malapit na siyang umuwi ….malapit na.,” dinig ko ang bulong ni Tatay.

Nakaramdam ako. “Uuwi na ang nanay ko?” Masayang-masayang ako. Oo, gusto kong matuwa, magtatalon sa tuwa.

Dadating na ang nanay ko. Gusto ko ipamalita sa lahat ng mga bata. Uuwi na ang nanay ko! Yeheey! Uuwi na ang nanay ko! Si Nanay ay kagaya ng ibong alam niya ang daan pauwi ng bahay. Hindi siya aabutan ng trapiko kagaya ng mga langgam. Sa kanyang pag-uwi, si Nanay ay kagaya ng inahin sa pugad na laging nakabantay sa kanyang inakay.

At sa pagbabalik niya ay hindi na kami kayang paghiwalayin, kapit-tuko, walang bibitiw. Mahiwaga talaga ang buhay. Parang tubig na may buhay na agos. Parang hangin na may hininga. Parang lupang may anyo.

Pero kahit ano pang hiwaga ng buhay, lahat ng bagay ay may dahilan.

Sabi ni Tatay, “Ikaw, anak ang pinakamagandang dahilan kung bakit uuwi na si Nanay.”

Kumuha ng tinta at papel si Tatay, iginabay ang kamay ko at sabay naming iginuhit ang isang babae na nakasakay sa eroplano. Kumakaway.

Ito na ang pinakamaganda sa lahat ng magandang guhit---- si Tatay, ako, at siyempre si Nanay, kami ang pinakamagandang background sa guhit ng kalikasan.

Hanga siya husay ng kamay ng kanyang tatay sa pagguhit. Parang may mahika. Kayang kopyahin ang magagandang bagay sa paligid…

Muli kong nakitang dumaan ang kawan ng mga ibon, nangitim ang himpapawid sa kapal ng mga ibong dumaan. “Uuwi na po ba ang mga ibon?” Tumango si Tatay.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.