Si Ma'am

Liwayway - - Mga Nilalaman - Winnaflor G. Gaspar

UNANG araw ng pasukan!

Fourth year na ako. Isang taon na lang at makakaalis na rin ako sa paaralang ito. Maiiwasan ko na siguro ang mga kalokohang nagagawa ko. Isang taon nalang… isang taon. Ako ang reyna ng mga early

birds. At dahil unang araw ng pasukan, inaasahan ko uli na ako ang kauna-unahang fourth

year na darating. Gawain ko na ang pumasok nang maaga, para makapamili rin ng puwesto sa bagong silid-aralan. Subalit, hindi na yata ako ang reyna ng early bird, dahil first time in

history… may nauna sa akin sa klasrum. “Wow, transferee… bago ka rito ano? Naka-civilian ka kasi.” Kahit na masama ang aking loob dahil naunahan niya ako, kinausap ko pa rin siya at niyaya pang umupo sa tabi ko. Nakakatuwa siya dahil ni hindi niya ako sinagot bagkus ay ngumiti lamang. Hindi ko mawari kung bakit iyon lamang ang itinugon niya sa aking mga sinabi. Napatahimik niya. Hanggang sa nagdatingan na ang aking mga dating kaklase at mga bagong kaklase na galing sa ibang section. Parang sampung taong di nagkita ang lahat dahil sa sobrang ingay, at kahit maingay, tahimik pa rin siya sa likod at tila pinagmamasdan kaming lahat.

Ayan, nag-bell na. Ang lahat ay nagsipasok na sa silidaralan para makilala ang aming tagapayo. Excited ang lahat dahil alam naming si Ma’am Lopez ang aming magiging adviser dahil siya ang dating adviser ng

section namin ngayon. Parang nakikiramdam ang lahat, nang biglang tumahimik ay tumayo ang babaeng nauna sa akin, ang babaeng sa kabila ng aming mga ingay ay tahimik, ang babaeng tanging naka-civilian. Ang babaeng tanging ngiti lamang ang itinugon sa akin. “Good morning, Class!”

Ang aming reaksiyon sa kaniyang sinabi’y animo’y nakakita kami ng multo. Siya pala ay isang guro, ang aming magiging guro. Samantalang kung anu-ano na ang komento ng bawat isa sa kanya habang siya ay tinitingnan sa likod. “Alam kong halos lahat kayo ay nagulat, ako si Binibining…” “Ma’am, ikaw po ba ang aming magiging adviser? Nasaan po si Ma’am Lopez?” Ang agad na tanong ng isa kong kamagaral. Makikita sa kanyang mga mata ang pakiramdam na alam niyang hindi siya inaasahan ng kanyang mag-aaral. Nabakas ko sa kanyang mga mata na may luhang nais kumawala at nangingilid sa gilid nito. Sa takot kong makitang tumulo ang luha niya ay tumayo ako at nagsabing “classmate, i-welcome natin si Ma’am. Dahil bago siya, i-orient natin siya”. Nagkatawanan ang lahat pati si Ma’am. Mapapansin ang naging saya sa aming silid-aralan. Naging madaldal si Ma’am kahit na nakita kong mahina ang kanyang kalooban. Iyakin siya. At gusto ko siyang makilala.

Napakahusay magturo ni Ma’am. Kuhang-kuha niya ang kiliti ng lahat maski ng ibang section na hawak niya. Ano bang meron siya? Nakakatuwa siya. Minsan ay nakasabay namin siya umuwi, niyaya namin siyang kumain sa labas. Nagulat kaming lahat dahil siya lamang ang gurong pumayag sumama sa amin. Tanging siya lamang ang nakihalubilo sa amin. At hindi lang minsan iyon, naulit at naulit pa, nang maraming beses. Nadala na rin niya kami sa mga lugar na hindi pa namin napupuntahan at dahil sa kanya, na-explore na namin halos lahat ng magagandang lugar na malapit lang din naman sa amin. Pilit ko siyang kinikilala. Sa likod ng kanyang pakikisama ay nararamdaman kong may itinatago siya.

“Ma’am, may project kami, interpretative dance, help naman po.” Iyon ang text ko sa kanya nang minsang nangarag kami sa project namin. Wala pa kaming nagagawa kaya naisipan na namin siyang i-text. Linggo noon, nagbakasakali lamang kami, ngunit isang “Sige, pupunta ako, nasan ba kayo? W8 niyo lang ako” ang aking na-receive, na nagpabuhay sa aming mga namamatay na diwa’t pag-asa. Hindi namin inaasahang pupunta siya, at tutulungan niya kami at pag-aksayahan ng pera at pagod. Imbes na kami ang magbayad sa kanyang pagtuturo ay siya pa ang nanlibre sa amin. Nakakatuwa talaga si Ma’am. Nag-champion kami sa aming ginawa kaya’t wala na kaming magiging problema sa isang asignatura namin. Salamat kay Ma’am na tumulong. Kundi dahil sa kanya, hindi kami magiging kampante sa aming klase. At hindi roon nagtapos ang lahat. Sa tuwing may mga projects o activities kami, to-therescue si Ma’am. Ang aming saviour, ang aming guardian angel. Halos hindi na kami nahihirapan sa lahat ng aming gawain. Napapadali niya ang aming gawain bilang mag-aaral. Hindi ko alam kung bakit ganoon nalang kabait si Ma’am. Lagi siyang nasa aming likuran kapag kailangan namin siya. Minsan nang tinanong namin siya kung bakit ganoon siya sa amin, ang tanging sinabi lamang niya ay “ayaw niyo nu’n? May instant ate kayo?” sabay ngiti.

Isang araw ay bigla na lang may pumutok na balita. Isang isyu tungkol kay Ma’am ang sa ami’y sumambulat. Paano raw matututo ang mga mag-aaral kung laging kukunsintihin ni Ma’am ang ginagawa ng kanyang mga mag-aaral. Nagulat ako dahil hindi ko alam kung paano o bakit nasabi iyon ng isang kapwa niya guro. Masyado akong naguluhan. At dahil ako ang pangulo ng aming klase ay ipinatawag ako sa guidance

office. Ininterview ako ng guidance counselor at maraming sinabi tungkol sa kanya. Kahit anong sinabi niya ay di ko pinaniwalaan.

Hanggang sa isang araw, nagpagawa uli ng project ang isa naming guro. Pareho ng project na ipinagawa niya sa amin, binilinan niya kaming gawin iyon at huwag ng magpatulong sa mga tumulong sa amin noon, kundi ay babawasan niya ang puntos namin. Isang linggo lamang ang panahong ibinigay para tapusin ang proyekto. Hindi ko alam kung paano gagawin dahil hindi ako gumawa, dahil si Ma’am ang gumawa. Umiyak ako, wala akong maipapasa, tama sila, walang naidulot na maganda si Ma’am sa buhay namin. Babagsak ako dahil sa kanyang ginawa. Dahil hindi niya ako tinuruan kung paano gawin ang proyektong iyon. Mawawala ako sa honor roll kung babagsak ako, fourth year na ako, at ayoko ma-disappoint ang mga magulang ko. Galit ako sa kanya, hindi siya magaling na guro. Hindi niya ako tinuruan kung paano gawin ang project ko.

Sumali ako sa grupo na nais patalsikin si Ma’am. Hindi ko ginamit ang pangalan ko upang hindi ako makilala. Subalit sadyang magaling si Ma’am. Sa aming klase ay nagwika siyang “’wag na sana kayong gumamit ng code name, kung galit kayo sa akin sabihin niyo. Lumaban kayo nang may dignidad, hindi ‘yung nagtatago kayo sa anino ninyo at maging alipin ng inyong damdamin.” Makikitang nangingilid ang luha ni Ma’am. Nagulat ako dahil sa unang pagkakataon, nakita kong tumulo ang kanyang luha, sa harap naming lahat. Namamayani sa akin ang pag-ibig ko kay Ma’am, gusto ko siyang yakapin, pero alam kong galit ako, kaya pinabayaan ko siyang lumuha sa aming harap, hinayaan ko siyang bumaba sa lebel naming mga estudyante.

Hindi ko maintindihan kung bakit ang aking mga classmate ay patuloy pa rin sa pagiging close sa kanya. Kahit na hinihikayat ko silang talikuran si Ma’am ay hindi nila ginagawa. Sila ang supporters ni Ma’am. At parang ako lang ang tumalikod sa kanya. Hindi sila naaapektuhan ng mga isyung kumakalat tungkol kay Ma’am. Parang walang nangyari. Lumalabas pa rin sila, naglalaro, gumagala, at nagtutulungan. Naramdaman kong parang sa isang pamilya, ako ang black sheep. Pero galit pa rin ako, galit na galit sa kanya… dahil hindi niya ako tinuruan.

Isang malagim na pagkakataon ang nangyari isang araw, ang mga taong nasa likod ng pagpapatalsik kay Ma’am ay biglang nagsiwalaan, nagsibaliktaran. At ang pinakamasaklap, ako, at tanging ako ang sinasabing pinuno ng grupong iyon, na ako ang nag-isip ng pagpapatalsik kay Ma’am, na ako ang utak ng lahat. Magulo ang aking mundo, hindi ko makita ang tamang daan. Sumapi lamang ako dahil sa aking galit ay biglang bumaliktad ang lahat. Iniharap ako sa punungguro at parang nasa isang hukumang ako lamang ang nililitis. Napakaraming tanong, “Bakit mo nagawa? Running for valedictorian ka pa naman, anong motibo mo?” napakaraming tanong, hindi ko na mapigilan ang aking pagluha. “Dahil sa ginawa mo, tatanggalin ka na namin sa

honor roll…”, sa aking narinig, para na akong namatay. Ngunit, isang mariing pagbukas ng pinto ang aming narinig. Isang tinig na masasabi kong hinahanap-hanap ko, ang tininig ni Ma’am. “Wala po siyang kasalanan, hindi po siya ang nagplano ng lahat. Huwag niyo po siyang parusahan, paanong magiging siya ang pasimuno eh presidente siya ng klase ko.” Nagbalik sa aking gunita ang lahat ng magagandang alaalang kasama ko si Ma’am. Ang aking saviour, ang aking angel, at ngayon ang aking abugado. Ipinagtanggol niya ako… sa kabila ng ginawa ko sa kanya.

Hiyang-hiya ako sa aking sarili. Matapos ng ginawa ko sa kanya ay kabutihan pa rin ang isinukli niya sa akin. Parang walang nangyari. Walang nagbago. Hindi nagbago si Ma’am lalo na sa akin. Nang kailangan ko ng mga gamit sa isang subject ay di siya nag-atubiling tulungan ako. Nang kailangan kong magpa-photocopy dahil nalimutan ko ang aking kopya ay siya ang lumabas para magpa-photocopy. Nang kailangan ng aming klase ang mga gamit sa baking ay siya ang nag-provide at di na nagpabayad. Lahat ng kakulangan namin ay pinupunan niya.

Ano nga ba ang itinatagong kuwento sa buhay ng kanilang guro kung bakit gayon na lamang ito kabuti sa kanilang mga estudyante?

Lahat ng kulang sa akin siya ang nagpo-provide. Nang minsang naiwan kaming dalawa sa

classroom dahil kailangan na naming tapusin ang mga decorations, nakakuha ako ng tiyempo para humingi ng tawad. Habang gumagawa kami ay nag-usap kami, heart-to-heart talk. Sinabi ko ang dahilan kung bakit ako nagalit noon. Bigla siyang nagpaliwanag. Tama ang kanyang mga sinabi, ako ang may kasalanan at hindi siya.

“Nu’ng mga panahong natapos kong gawin ang proyekto mo, ano ang ginawa mo? Tinulungan kita dahil gusto kitang tulungan hindi upang di ka na mahirapan kundi para tulungan kang makapagpasa on

time. Pero pagkatapos noon, ano ang ginawa mo? Pinag-aralan mo ba ang aking ginawa? Nagpaturo ka ba? Dahil tapos na ang problema mo ay hindi mo na binigyang pansin ‘yun. Naging makasarili ka, at hindi lang thank you ang aking hinihingi kundi ang follow-up.”

Dahil sa sinabing iyon ni Ma’am, parang biglang tumigil ang pag-ikot ng aking mundo. Tama talaga siya. Ako ang nagkamali, at sadyang may ginintuang puso si Ma’am, hindi siya nagkimkim ng galit sa akin. Siya, ang aking pinakamamahal na tao sa aming paaralan.

Graduation day, valedictorian ako. Naghanda ako ng aking valedictory address. Alam kong may mga taong natamaan sa aking mga sinabi, ang mga taong tumalikod sa akin at nagdawit sa kasamaan. Ang ilan ay naiyak. Sa aking speech, mararamdaman ang aking lubos na pagpapasalamat sa aking magulang, at sa isang taong humubog sa aking pagkatao, inaalay ko ang aking mga medalya sa taong hindi tumalikod sa akin sa kabila ng pagtalikod ko sa kanya…si Ma’am. Masyadong maraming naidulot na maganda sa buhay ko si Ma’am. Marami akong natutuhan, maraming-marami. Sa mga problema ko’y nandiyan siya para tumulong, pero ni minsan ay hindi ako nakatulong sa kanyang mga problema, bagkus ay nakadagdag pa. Hinahanap ko si Ma’am para sa personal na pasalamatan. Pero hindi ko na siya nakita pa. Ni hindi ko man lang siya nakausap bago ko man lang lisanin ang paaralang minahal ko nang dahil sa kanya.

Nabalitaan naming lumipat na ng paaralang pinagtuturuan si Ma’am. At bago siya umalis ay may ipinaabot siya sa kanyang kapwa guro na isang bagay para sa amin. Isang brown envelop na selyado at hinihintay na sabay-sabay naming buksan. Sa loob nito ay may mga larawan ng aming batch. Mga happy moments na kasama namin siya. Sa gitna ng aming kasiyahan ay bigla kaming natahimik nang may nakita kaming nakaipit na larawan niya na may kasamang isang babaeng noon lamang namin nakita. At sa likod ng larawan ay may nakasulat. “Ang tanging alaala ko sa aking kapatid na ni minsan ay hindi ko napakitaan ng pagmamahal, ni minsan ay hindi ko nabigyan ng oras, ni minsan ay di ko natulungan… huli na ang lahat… ako’y nangungulila…”.

Doon lamang namin nalaman ang dahilan kung bakit ganoon na lamang kaalaga sa amin si Ma’am. Hindi man namin maisip kung nasaan na ba ang babaeng kasama niya sa larawan ay nangarap kaming sana, nasa mabuti na siyang kalagayan. Ngayon ay naintindihan na namin ang lahat. Ngayon ay naunawaan ko na kung bakit ganoon na lamang siya kabuti sa amin. Ilang buwan ko nang di nakikita si Ma’am, nagpalit na rin yata ng

number dahil hindi ko na siya makontak. Ni sa Facebook ay hindi na siya nagco-comment at nagre-reply. At parang di na talaga siya nagbubukas ng kanyang mga account. College life, unang araw ng pagiging college ko, as always, una pa rin ako. Pagpasok ko sa unang classroom ko para sa araw na iyon ay walang tao, ako ang una, reyna pa rin ng early bird. Nanariwa sa akin

ang unang araw ko noong fourth year, si Ma’am sa likod, nakaupo, nakikiramdam, naghihintay ng oras ng kanyang pagtayo. Halata talagang na-miss ko siya, sa mga activity at projects na ipinagagawa sa amin ay naaalala ko siya. Wala na si Ma’am para tumulong sa akin, wala na si Ma’am na manlalait sa aking mga gawain, wala na si Ma’am para magpaalala na maging responsable, nasaan na ba si Ma’am? Nasaan na kaya siya ngayon? Kung nasaan man siya sana’y marami pa siyang tulad kong matulungan, mahubog, tulungang makita ang mga bagay na hindi nakikita, marami pa sanang makakilala sa kanya nang lubos.

Pagod akong uuwi sa aming bahay sa dami ng aming mga gawain. Wala na kasi ang ngiting pag nakita ko ay nakapapawi ng aking pagod. Paglabas ko ng gate ng unibersidad, nakita ko ang aking mga dating kaklase at si Ma’am, nakatingin sa akin, nakangiting nag-aabang.

“Good morning, Class!” Ang aming reaksiyon sa kaniyang sinabi’y animo’y nakakita kami ng multo. Siya pala ay isang guro, ang aming magiging guro.

SI Bb. Winnaflor G. Gaspar ay isang guro sa Batasan Hills National High School at kasalukuyang Ulirang Guro sa Filipino 2017 ng Komisyon sa Wikang Filpino (KWF). Ito ang kauna-unahan niyang kuwentong matutunghayan sa pitak na ito. (PCM)

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.