Biyaheng Sydney

Liwayway - - Mga Nilalaman - Ronald Araña Atilano

Metalikong sipol at munting mga lenteng papalapit sa dilim At isa-isa nang magsisitindig ang mga naghihintay sa estasyon (Nakasuot ng mahahabang dyaket at bumubuntunghininga ng yelo) Upang salubungin ang pangmadaling-araw na tren. Sisilbato ang opisyal paglulan ng mga pasahero’t maleta At sa itinakdang minuto, uusad ang tren mula sa burol.

Mula sa salamin ng hamog, tinatanaw kong umiinog Ang kamumulat pa lamang na mga bahayan. Sa ibayo, Pasilip-silip ang kinang ng lawa sa likod ng nagdaraang Anino ng mga punong eukalipto.

Dalawang oras akong ipaghehele ng mga eksenang probinsiya: Kulay-pilak na kamalig at nakadyaket na mga kabayo, Tagak na nagmumumog sa gitna ng mga bakawan, Ang sonikong ugong ng lagusan sa binutas na bundok.

Bagama't pagising-gising habang inaanunsiyo Ang salitan ng katutubo’t kolonyal na mga pangalan (Morisset – Wyong –Gosford –Woywoy–),

Kampante ang biyahe at ni hindi magmintis sa pintig ng orasan.

Nagkakaletse-letse lamang ang tren kapag panahon ng sakuna O lumbay: Halimbawa’y kung magsiklab sa kasagsagan Ng tag-araw ang gubat ng mga eukalipto, O kapag may mga táong tumatalon mula estasyon Upang yumakap sa riles.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.