Alaala Ng Isang Matalik Na Kaibigan

Liwayway - - Mga Nilalaman - Bobby V. Villagracia

BIGLAAN ang pagbabalik ni Manding sa kanilang barangay na nasa liblib na lugar sa isang bayan sa Bikol mula sa maraming taong paninirahan niya sa Metro Manila. Ang lungsod na itinuturing na paraiso ng maraming taong nasa malayong mga probinsiya, paniniwalang minsan totoo, ngunit may pagkakataong isang kasinungalingan. Sabi nga ng maraming taong napunta sa lugar na ito, depende sa guhit ng kapalaran at sa kakayahan ng isang tao. Ngunit kay Manding, parehong naganap ang dalawang paniniwala sa lugar na tila higit

Ano nga ba ang nais ipahiwating ng panaginip ni Manding tungkol sa matalik niyang kaibigan?

pa sa langgam ang taong nakikipagsapalaran sa buhay. Dahil pagdating niya sa Metro Manila, mahirap ang buhay kaya inihalintulad niya sa impiyerno, ngunit sa paglipas ng panahon, itinuring na niyang paraiso dahil nagkaroon ng trabahong may sapat na kita.

“Biglang-bigla ang uwi mo, anak,” wika ni Aling Loring, nanay ni Manding. “Akala ko nag-aaplay ka papunta sa abroad?” “Gano’n nga po, ngunit minalas,” sagot ni Manding. “Minalas na paano?” tanong ni Aling Loring. “Nagkaroon ho ng problema ang relasyon ng Pilipinas at Kuwait, ang bansang pupuntahan at pagtatrabahuhan ko sana bilang construction worker.” “Anong problema?” “Hindi ho nagkaintindihan sa paraan ng pagpapadala ng mga manggagawa kaya hindi muna pinahintulutan ng gobyerno ang pag-alis ng mga manggagawa papunta bansang ‘yun,” sagot ni Manding. “Pero kapag nagkasundo na, tuloy na ang pagtatrabaho ko sa abroad!”

“Harinawa, anak, harinawa,” tuwang-tuwang wika ni Aling Loring.

Gusto ni Manding na ikuwento sa ina ang dahilan ng hindi pagkakatuloy ng pagtatrabaho niya sa abroad ngunit hindi itinuloy. Tiyak niya, maraming bagay na uuriratin ang ina dahil walang hilig makinig ng balita kaya walang alam ito sa balita tungkol sa kasambahay na si Joana Dimapeles sa Kuwait na minaltrato ng amo at inilagay sa freezer ang bangkay. Simple lamang ang buhay ng kaniyang ina sa liblib na barangay. Paggising sa umaga, matapos magalmusal, bibigyan ng pagkain ang alagang manok at baboy. Matapos ang trabahong ito, saglit na maglilinis ng bahay at matapos ang gawaing ito, iuukol ang panahon sa pakikinig sa transistor

radio. Ngunit hindi balita ang pinakikinggan, ang mga programang nagkukuwento ng mga pangyayari sa buhay sa pamamagitan ng musika at isinadulang kuwento ng buhay na puno ng aral at hinagpis. Ito ang pinagkakaabalahan ng kaniyang ina kaya wala itong alam sa mga nangyayari.

“Talagang hanggang ngayon, lulong pa rin si Inay sa mga programang paborito niya noong nabubuhay pa si Itay,” pabulong na wika ni Manding.

Matagal ng patay ang ama ni Manding na si Tandang Fulong. Namatay noong katatapos pa lang niya ng

high school. Natuklaw ng makamandag na ahas habang naglalakad sa parang na paborito nilang paglaruan ng kababata at matalik na kaibigang si Patrick. Hindi na nagasawa ang kaniyang ina, itinaguyod na lamang silang magisa ng panganay niyang kapatid na si Lyza. Dahil hindi na mag-aaral ng kolehiyo, makaraan ang ilang buwan matapos ang graduation sa high school, nag-asawa na ang panganay niyang kapatid sa kababata at kabarangay nilang si Daniel. “Si Patrick ho, kumusta na, Inay?” tanong ni Manding. “Wala akong malinaw na balita sa matalik mong kaibigan, anak,” sagot ni Aling Loring. “Ang huling dinig ko, napalaban sa militar ang grupo ng rebeldeng kinaaniban niya!” “Napatay ho siya?” “May nagsasabing napatay siya, may nagsasabing nakaligtas kahit sugatan,” sagot ni Aling Loring. “Para sa akin, mabuti pang namatay na siya!”

“Bakit ho?” takang tanong ni Manding.

“Kasi ibinibintang sa kaniya ang ilang nakawan at holdapan dito sa ating barangay at mga kalapit,” sagot ni Aling Loring. “Sabi sa kuwento, tumalikod na siya sa grupo ng rebelde at gumagawa na ng masama para magkamal ng pera!”

Hindi na isinatinig ni Manding ang gustong sabihin at paniniwala sa masamang balitang natanggap mula sa ina sa matalik na kaibigan na sa hangaring mabago ang uri ng pamumuhay, sumanib ito sa kilusang nag-aalsa laban sa gobyerno. Pero sa paniniwala niya, imposibleng gawin ng matalik niyang kaibigan ang masamang balitang ikinuwento ng ina. Hindi lamang niya kilala ang matalik na kaibigan, kundi kilalang-kilala ang pagkatao at panuntunan nito sa buhay. Matuwid at marangal na tao ito. Napilitan lang sumanib sa grupong nag-aalsa laban sa gobyerno dahil sa paniniwalang ito ang tamang daan para magkaroon ng pagbabago ang buhay nito at buhay ng marami nilang kabarangay na naghihirap. Ngunit kung pagnanakawan at lalamangan ang kanilang kabarangay, tiyak ni Manding, hinding-hindi ito magagawa ni Patrick.

Dahil napagod nang husto sa mahabang paglalakbay lulan ng bus galing sa Metro Manila, maagang natulog si Manding sa papag na kawayan sa kuwartong naging tulugan niya nang mag-asawa ang kapatid niya. Ngunit pinutol ng panaginip ang mahimbing niyang tulog. Sa panaginip, humihingi sa kaniya ng tulong si Patrick para maipaalam sa mga taong hindi totoo ang ibinibintang dito sa krimen nangyayari. Paulit-ulit nitong pinasisinungalingan.

Kinabukasan, habang nag-aalmusal, malungkot na ikinuwento ni Manding sa ina ang napanaginipan niya tungkol sa kaibigan.

“Maaaring patay na si Partrick at ginagamit lang ang pangalan niya sa masamang gawin ng ilang tao,” wika ni Aling Loring. “Sa simula’t simula, hindi ako naniniwala sa kuwentong nagbibintang sa kaniya ng masamang gawain!”

“Sa pagtatapos ho ng panaginip, nakita ko ang kaluluwa ni Patrick sa may malaking kahoy sa burol na paborito naming puntahan noon,” pagkukuwento pa ni Manding.

“Pumunta ka sa burol, Manding,” utos ni Aling Loring. “Baka matagpuan mo sa lugar na ‘yun ang mga bagay na tutulong sa iyo na linisin ang pangalan ng matalik mong kaibigan!”

“Ganoon nga po ang gagawin ko, Inay,” sagot ni Manding. “Baka ‘yun ang kahulugan ng pagpapakita ng kaluluwa ni Patrick sa aking panaginip!”

Matapos mag-almusal, tinahak ni Manding ang daan sa pagitan ng mga punong niyog na nagbibigay ng kabuhayan sa maraming pamilyang naninirahan sa liblib nilang barangay. At habang naglalakad, patuloy na bumabalik sa kaniyang alaala ang nakaraang mga masasayang pangyayaring pinagsamahan nila ni Patrick. Higit ang panahon ng kanilang kamusmusan kung saan sila bumuo ng pangarap at pananaw na magbibigay sa kanila ng kaligayahang inaasam sa buhay. Dahil sabik na marating ang malaking kahoy na paborito nilang tambayan ng kaibigan para pagmasdan ang malawak na karagatang nagbibigay rin ng kabuhayan sa mga tao sa kanilang barangay at mga kalapit, lalo niyang binilisan ang paglalakad. Nang makarating sa tuktok ng burol, naupo siya

sa ugat ng malaking kahoy at pinagmasdan ang karagatang nasa ibabang bahagi ng burol. Ngunit pinutol ng napakalamig na hangin ang kanyang pagmamasid.

“Hindi nagmumula sa dagat ang napakalamig na hangin,” nagtatakang wika ni Manding at sinulyapan ang bahaging pinagmulan ng bagay na tumawag sa kaniyang pansin.

At bunsod ng pagtataka at kuryusidad na mausisa ang pinagmulan ng malamig na hangin, matagal ditong napatutok ang paningin ni Manding. At napansin niya ang nakaumbok na lupang ang ibabaw, tinubuan na ng mga damong ligaw. Matagal niya itong tinitigan. Naalaala niya, wala pa ito noong lagi pa silang pumupunta rito ni Patrick. Nadagdagan ang pagtataka ni Manding dahil muli niyang naramdaman ang napakalamig na hanging nagmumula sa kinaroroonan ng nakaumbok na lupa. Hindi niya napigil ang sariling lumapit dito.

“Bakit kaya nagkaganito ang lupang ito?” tanong ni Manding habang nakatingin sa nakaumbok na lupa. “Parang may inilibing na bangkay!”

Naputol ang malalim niyang pag-iisip dahil sa isang ingay na likha ng lagitik ng sangang naputol. Mabilis siyang napalingon. Ang nakita niya, isang lalaking halos sing-edad niya. May nakasukbit na kalibre 45 sa beywang nito. Matamang pinagmasdan ni Manding ang lalaki para makilala. Naglaro sa kaniyang isip na marahil ay isang militar o pulis ito dahil sa baril na nakasukbit, ngunit siya na ang tumiyak sa sariling mali ang kaniyang hinala.

“Gusto mo bang malaman ang lihim sa nakaumbok na lupa sa lugar na paborito ninyong tambayan ng matalik mong kaibigan si Patrick?” tanong lalaki.

“Kung puwede,” sagot ni Manding. “Ngunit bago mo ako sagutin, nais kong makilala kung sino ka. Ako si Manding, ang matalik nga na kaibigan ni Patrick!”

“Ako si Ka Andong, kasama sa kilusang kinaaniban ni Patrick,” wika ng lalaki. “At ang nakaumbok na lupa sa ating harapan ang kaniyang huling himlayan!”

“P-patay na si Patrick?” malungkot na tanong ni Manding.

Ikinuwento ng lalaki na napaengkuwentro ang kanilang grupo at malubhang masugatan si Patrick. Ayon pa sa kuwento ni Ka Andong, ihinabilin dito ng kasamang sugatan na ilibing sa lugar na ito si Patrick kasabay ng kahilingan na kapag nagbalik siya, ipaalam sa kaniya ang tunay na nangyari. Dagdag pa ni Ka Andong, kaya ibinigay rito ang habilin sa hinalang may taong gagamit sa pangalan at pagkatao ng kaniyang kaibigan sa paggawa ng masama, hinalang nagkatotoo nga.

Wala na ang lalaking miyembro ng grupong rebelde, pero nasa harap pa ng nakaumbok na lupa si Manding sa tuktok ng burol at binabalik-balikan sa kaniyang isip ang mga alaala ng isang matalik na kaibigan. Alaalang tiyak niyang mananatili sa kaniyang puso’t isipan kahit nakabalik na sa siya Metro Manila para piliting matupad ang pangarap na makapagtrabaho sa ibang bansa. Bago umalis sa burol, nag-ukol siya nang taimtim na dalangin para sa kapanatagan ng kaluluwa ni Patrick at nangakong sa kanyang pagbabalik, bibigyan niya nang marangal na libing ang kababata at matalik na kaibigan.

“Ako si Ka Andong, kasama sa kilusang kinaaniban ni Patrick,” wika ng lalaki. “At ang nakaumbok na lupa sa ating harapan ang kaniyang huling himlayan!”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.