Si Remy

Liwayway - - Mga Nilalaman - Ronnel Talusan

PINSANG makalawa ko si Remy. Mga tatlumpu’t limang taon na siya ngayon. Noon, pinapansin lang siya at pinagkakatuwaan sa barangay namin, dahil medyo kakaiba siya --- sa sekswalidad. Ngayon, pinapansin siya’t pinagkakatuwaan dahil sa mga kakaiba niyang ikinikilos. Lagi kasi siyang may dalang inahing manok habang naglalakad sa kalsada at pumapasok sa baku-bakuran. Naghahanap ng tandang upang ipabulog ang manok. Nagsasalita sa sarili.

Pitong taon akong natutong maglaro ng basketbol. Kalaro-laro ko na siya noon sa aming bakuran. Sa maalikabok na lupa. Sa isang maliit na ring at bolang plastic. Mga trese anyos siya noon. Pero halos magkasing laki lang kami. Hanga ako sa galing niyang maglaro. Ang bilis ng kilos. Galing magdribol. Surebol mag-shoot. Kaya gusto ko siyang kakampi.

“Lugi kami sa inyo, e! Kakampi n’yo si Remy!” madalas na reklamo ng mga kalaro namin.

Mula elementarya, mahilig na siyang sumali sa mga larong pampalakasan. Kasali siya sa takbuhan. Sa

volleyball (mas magaling siya rito). Pati sa languyan. Madalas siyang manalo. Kung pista sa nayon namin, sumasali rin siya at nananalo sa takbuhan. Na ikinagagalit naman ng kanyang ama.

“Lintik ka! Sabi nang ‘wag kang sumali-sali sa mga ganyan!”

Hilig ko rin lahat ng laro niya, pati ng kapatid ko. Sabi ng nanay ko, sa dugo raw nila namin namana ang pagiging atleta.

Nakapagkolehiyo si Remy dahil sa pagiging

varsity player ng volleyball. Payag na noon ang ama niya sa kanyang paglalaro-laro, para na rin

Ano nga ba ang pinagdadaanan ni Remy at naging kakaiba na ang kanyang mga ikinikilos…

makapagtapos siya. Ngunit sa dami nilang magkakapatid, hindi pa rin naitaguyod, nakadalawang semestre lang siya.

Masipag naman, nagtrabaho na siya mula noon. Namasukang tindera sa mga tindahan sa Baliuag. Tumutulong sa mga magulang sa pagpapaaral sa kanyang mga mas nakababatang kapatid. Katagalan, lumipat siya sa tindahan-restawran na pag-aari ng kamag-anak din namin sa Maynila. Madalang na siya umuwi. Nagpapadala na lang ng pera.

Isang araw ay umuwi siya sa amin, may kasamang lalaki. Hula ng mga kapitbahay, nobyo niya. May mga pabirong anasan. Kantyawan at tudyuhan. “O, babae naman pala si Remy, e!” Kasintahan nga niya ang lalaki. Di kalaunan, naging asawa niya. Noon na nga nabasag ang paniniwala ng mga tao ukol sa kasarian niya. Lalo na nang magkaanak sila nang sumunod na mga taon. Sa Plaridel na sila tumira. Tagaroon ang asawa niya, jeepney

driver. Sabi, dahil malapit na kamag-anak, sa apartment na pagaari ng amo-operator ng kaniyang asawa sila nakatira. Nasa isang

compound sila. Pauwi-uwi na lang sila noon kapag may mga okasyon. Habang unti-unting lumalaki ang panganay nila, lalaki. Hindi na rin daw siya nagtatrabaho, sa bahay na lang, usapan ng mga kapitbahay namin.

Sa loob ng tatlong taon, paminsan-minsan ko na lang siyang nakikita sa amin. Nagtatrabaho na rin kasi ako. Hanggang isang araw, kuwento ng nanay ko, dumating daw bitbit ang anak, nagalsa-balutan. Karaniwan na ang paghihiwalay ng mag-asawa, hindi na ako nagtaka. Baka may pinag-awayan.

Isang hapong galing ako sa trabaho, nadaanan ko siya sa kalsada. May dalang inahing manok. Parang umuusal ng kung anong di ko maintindihan. Hindi lang iyon, napansin ko rin na medyo malaki ang kanyang tiyan.

“Buntis nga,” sabi ng tiyahin ko. Itinuro ko kasi siya pagkamano ko. “Saka…ano…may tililing na ‘ata yan.”

Mula nga noon, tuwing nakikita ko siyang pumapasok sa bakuran namin, may bitbit na inahing manok. Kapag may nakikitang tandang, inilalapit, ipinabubulog. Sa kalsada, madalas na naglalaro ang gusgusin, napabayaan na niyang anak.

Ngumingiti pa rin siya at bumabati, nakakikilala pa rin. Pero ang mga bulong at pag-anas-anas, hindi ko maintindihan. Walang wawa ang pagsasalita. Sabi ng tiyahin ko, panay nga raw ang salitang mag-isa. Nasisiraan na raw talaga ng bait.

Isang gabi ay binulahaw ako ng ingay sa kapitbahay. Malalakas ang mga sigaw, may nag-aaway yata. Kumakalabog ang mga gamit. Binuksan ko ang pinto, lumabas ako. Nagulat pa ako at nasa labas ang mga kapitbahay, nakapanungaw sa bintana ang iba. “Ano ba ‘yon?” tanong ko. “Si Remy at ‘yung asawa, nandyan, nagbubugbugan!” ang kababata ko.

Narinig namin ang mga sumunod na salitaan. Pinipilit isama pauwi sa kanila sa Plaridel ang mag-ina. Tigas na tanggi ni Remy. Ratrat ang tungayaw. Habang nagkakalabugan ang kung anong mga gamit. “Bakit ba kasi ayaw mong sumama?” “Hindi na ‘ko babalik don!” galit na galit. “Remy! Remy!” Nanggigipuspos ang asawa, halos mapaluhod na sa lupa.

“Sabi ni Boss, kahit sa isang k’warto na nila tayo tumira. Libre raw. Para hindi na natin intindihin ang upa.”

Tumalim ang tingin ni Remy. Nagtiim-bagang. Halata ang biglang pangangatal ng katawan.

“Walanghiya! Hayop! Demonyong amo mo! Binaboy ako ng amo mo! Mga demonyo kayo!” Narinig kong bigla ang pamilyar na anasan sa paligid. Humakbang ako pauwi, ngunit natigilan, nang biglang tumilaok ang isang tandang.

Noon, pinapansin lang siya at pinagkakatuwaan sa barangay namin, dahil medyo kakaiba siya --- sa sekswalidad. Ngayon, pinapansin siya’t pinagkakatuwaan dahil sa mga kakaiba niyang ikinikilos.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.