Pag-Usapan Natin!

Liwayway - - Mga Nilalaman - Kuya Sam

DEAR KUYA SAM: Isa po ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong pitak dito sa Liwayway. Itago niyo na lang po ako sa pangalang Girlie, 21, bokalista ng isang cover band na tumutugtog sa mga bars, hotels, at special functions.

Sa isang gig namin, nakilala ko si Ferdie na isang base player sa isang banda. Sabay kaming nagyosi sa backstage at nagkausap tungkol sa mga ins and outs sa industry namin. Hanggang nauwi sa usapan sa lovelife namin. Hiwalay na rin pala siya sa kanyang girlfriend. Ikinuwento ko rin sa kanya na matagal-tagal na rin akong walang karelasyon.

That was it. He offered me a drink. Bigayan ng mga digits at social media accounts. Inantay niyang tumugtog ang banda namin at palakpak siya nang palakpak sa performance ko. Ganado naman akong kumanta. Ginawa kong personal ang mga kanta. Ini-imagine ko na si Ferdie lang ang kinakantahan ko.

After the gig, ihinatid niya ako sa bahay. Hinalikan niya ako sa lips before I got out of his car. Habang nakahiga sa room ko, akala ko kami na. Akala ko may relasyon na kami. May pangiti-ngiti pa akong nalalaman habang nakapikit sabay tulog.

Pagkagising ko kinabukasan, expected ko ang mga sweet-nothings sa phone ko. Wala. Binuksan ko ang messenger. Wala rin. Lahat wala. Saan na siya? Ganu’n lang ba iyon? After the night, all is gone?

Nag-chat ako sa kanya. Kinumusta ko siya. Na-seenzoned lang ako. Ayoko na. Ayokong lumabas na clingy sa kanya. Kunsabagay, wala naman talagang panliligaw na nangyari. Baka ako lang ang nag-isip noon. Ewan ko, Kuya Sam. Basta gulong-gulo ang isip ko nito. Hindi ko alam paano ako umasta kapag magkita kaming muli sa mga gigs. – GIRLIE

DEAR GIRLIE: Huwag mo nang isipin iyon. Huwag mong bigyang halaga ang isang gabing pagsasama kahit pa medyo may kaunting intimacy sa inyong dalawa. Hindi mo masusukat ang damdamin sa ganoon kabilis. Maaaring tawag lang iyon ng pangangailangan ng gabi.

Girlie, hindi one hundred meter dash ang pagmamahalan. Ito’y isang marathon na bubuuin mo ng dahan-dahan. Kung nagpakita man ng interes sa iyo si Ferdie, paano mo matitiyak na ikaw lang ang pinapakitaan niya ng ganoong klaseng interes? Kaya huwag kang masyadong magtanim ng kahulugan sa pangyayaring iyon. Isipin mo na lang, it was one of those nights and it ended with the break of day.

Kapag magkita kayong muli? Siyempre puwede pa rin naman kayong mag-usap o sabay magyosi. Pero huwag ka nang maginvest ng damdamin. Tuldukan mo na ang kahibangang iyon. I don’t think na seryoso si Ferdie. Sa tingin ko, laro-laro lang sa kanya ang mga ganyan. Kaya huwag kang umasa kasi baka abusuhin lang niya ang iyong damdamin kung mamalayan niya na kumagat ka sa kanyang pain. Sa huli, ikaw ang talo at kawawa. Si Ferdie? Aalis lang naman iyan, mawawala na parang walang nangyayari, hahanap ng ibang kalaro, ibang adventure, at mawawala na naman.

Talagang hindi malinaw ang nangyari dahil it is not heading into some kind of relationship kagaya ng iyong inaasam-asam. Isang laro lang ang nangyari kaya kalimutan mo na iyon.

Huwag magpaloko sa mga makasalamuha na hindi masyadong kilala. Maraming mga masasamang loob sa paligid at minsan mahirap silang tukuyin. – KUYA SAM

(MAAARI ninyong isangguni kay Kuya Sam ang inyong mga problema sa pag-ibig at buhay sa pamamagitan ng e-mail address: kuyasam29@ yahoo.com o kaya’y ipadala sa: PAG-USAPAN NATIN c/o Liwayway Magazine, Manila Bulletin Publishing Corporation, Muralla cor. Recoletos Sts., Intramuros, Manila.)

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.