Pag-Usapan Natin!

Hanggang porma lang...

Liwayway - - Mga Nilalaman - Kuya Sam

DEAR KUYA SAM: Baguhan lang ako sa pagbabasa ng Liwayway ngunit na-hooked kaagad ako nito. Ako nga pala si Mariel, 20, taga-Malolos City ng Bulacan, nag-aaral sa kolehiyo. Meron kaming kaklase na nakapa-hunk kung pumurma, si Phil. Akalain mong kaklase mo lang si Alden Richards. Angat talaga sa lahat ang kanyang kaguwapuhan, mula ulo hanggang paa. Mukhang mabango pa. At napakalinis sa katawan at para bang kahit anong isusuot niya kung washday namin, bagay na bagay sa kanya. Siya iyong tipo ng lalaki na papangarapin ng kababaihan sa buong kampus.

Isang araw, parang natunaw ang mundo ko nang tumabi siya sa akin. Feeling ko, ako ang pinakamagandang babae sa mundo. Nag-freeze ako, hindi ako makagalaw, nag-stammer at “hi and hello” lang ang aking nasambit. Nako-conscious ako na para bang ang amoy-amoy araw ko, ganu’n...

Ang sinabi lang ni Phil na gusto niyang kami ang magkasama sa isang group activity. May role playing kasi kaming activity bilang course requirement sa isang subject. Bale, apat kami with his bestfriends. Ako lang ang babae. Medyo nanliit ako dahil sa daming magagandang babae sa klase, ako pa ang napili niya. Talaga? Ako ba talaga? Baka nagkamali ka lang, dude. Gusto kong isigaw sa buong klase, yessh! Pero pinili kong magpakyut na lang. Kunwari ayoko ko, pero gusto ko naman, siyempre.

Grabe, Kuya Sam. Sa unang araw pa lang ng ensayo namin, isang oras before the sched, naroon na ako. Hindi ako masyadong eksayted, hehe. May padala-dala pa akong matsibog namin.

Ngunit hanggang ganu’n lang. Masakit isipin na hanggang porma lang si Phil. May big crush ako sa kanya ngunit siya parang wala naman. How sad si ako.

Sa tingin mo, Kuya Sam, liligawan kaya ako ni Phil? — MARIEL

DEAR MARIEL: Mas mabuti pa siguro, Mariel, kung tututukan mo muna ang pagkakaibigan ninyo. Alam mo, mas maganda sa isang relasyon kung pagtibayin n’yo muna ang pagiging kaibigan. Kasi, when everything fails, you have the friendship to hold on. Ang pagiging magsiyota, it will follow kahit hindi mo pangarapin.

‘Yong pagigng pogi at campus crush ni Phil, given na iyon. Pero hindi ibig sabihin na ibaba mo ang sarili para lang mapansin ni Phil. Be yourself lang, Mariel. Baka naman mas magustuhan ni Phil iyong tipong babae na hindi madaling lapitan, ‘yong babaeng may confidence sa sarili at effortless sa kanyang mga pamamaraan.

Sa tingin ko, hindi naman siguro kumukuha ng atensiyon si Phil sa pamamagitan ng kanyang panlabas sa kaanyuan. It just happens na pansinin lang talaga siya. Pero hindi naman niya siguro sinasadya iyon. Hindi siya pumuporma at wala siyang pinupormahan.

Huwag mo siyang ituring na napakaespesyal. Ituring mo siyang kaibigan at huwag mag-expect ng mas higit pa rito. Huwag mo siyang patawan ng pressure kasi baka mapilitan lang. Gaya ng sinasabi ko, pagkakaibigan lang muna ang buuin mo sa kanya. Huwag kang magtampo sa kanya kung wala siyang ginagawa ngayon kagaya ng nasa isip mo. Hindi natin alam, baka mag-fall din siya sa iyo in the future. Misteryoso kaya ang pag-ibig, kapag tatamaan ka nito, you cannnot walk away from it.

Ipanatili ang pagiging close sa kanya bilang kaibigan. Susunod na lang ang lahat, alam ko. – KUYA SAM

(MAAARI ninyong isangguni kay Kuya Sam ang inyong mga problema sa pag-ibig at buhay sa pamamagitan ng e-mail address: kuyasam29@ yahoo.com o kaya’y ipadala sa: PAG-USAPAN NATIN c/o Liwayway Magazine, Manila Bulletin Publishing Corporation, Muralla cor. Recoletos Sts., Intramuros, Manila.)

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.