Ang Mga Haligi at Puso ng Tahanan Books

Liwayway - - Buklat/mulat - Ni DR. EUGENE YAMBOT EVASCO

AKMANG paggunita sa ika-25 taon ng paglalathala ng mga de-kalidad na aklat pambata ang The House Tahanan Built: Celebrating 25 Years of Making Children’s

Books (Tahanan, 2017). Naglalaman ito ng mga tala-gunita

(memoir) at panayam tungkol sa malikhaing proseso ng mga itinuturing na mga haligi at puso ng Tahanan Books.

Mainam ang mga pambungad na sanaysay ni Reni Roxas, ang tagapaglathala at punong patnugot ng Tahanan. Nailatag niya ang pangunahing layunin ng kanilang palimbagan na “to create timeless, ‘evergreen’ books for children.” Naibahagi rin niya ang mambabasa ang pagsisimula ng kanilang negosyo— ang mga pagsubok, hamon, at ligaya sa paglilimbag. Pumukaw sa aking pansin ang kaniyang pahayag na “for who in the middle of the night would want to break into a warehouse of books?” Makahulugan ang pahayag na ito sa estado ng pagbabasa sa ating lipunan.

Simula noong taong 1992, nagpakilala sa bansa ang Tahanan sa pag-aalay nito ng Great Lives Series, serye ng mga aklat na tumatalakay sa buhay ng mga piling bayani ng Pilipinas. Napakabuting pagpapakilala nito, hindi lang dahil sa mga aklat na mahusay ang pagkakasulat bunga ng pananaliksik, kundi sa pagtugon sa pangangailangan ng mga batang Filipino sa mga aklat na impormasyonal o non-fiction na hindi teksbuk ang anyo. Naidagdag pa ni Marc Singer, ang

co-publisher ng Tahanan mula 1992-2004, may pananagutan sila hindi lamang sa pagtataas ng pamantayan sa pagpili ng kuwento at paksain, kundi ang pagpapabuti ng antas ng pagkakasulat at ilustrasyon. Kasama na rin dito ang pagpili ng akmang papel sa mga aklat at ang kanilang paglikha ng kulay-kremang papel na tinawag na “Tahanan Buff” book

paper sa pakikipagtulungan ng Bataan Pulp and Paper. Nagamit ang papel na ito sa mga antolohiya ng mga kuwentong-bayan at ng salin sa Ingles ng pinakamainam na mga kuwento ni Severino Reyes, na kilala sa sagisag-panulat na Lola Basyang.

Lubos akong sumasang-ayon na sa loob ng 25 taon ng Tahanan, napagtagumpayan nila ang misyon na makalikha ng walang-kupas, nagtatagal, at de-kalidad na mga aklat pambata. Ang mga aklat na babanggitin ko ay may espesyal na espasyo sa aking estante. Lagi ko itong ipinagmamalaki sa aking mga mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas at sa mga kapwa iskolar sa tuwing lumalahok ako sa mga kumperensiya at research

fellowship sa ibang bansa. Ilan sa mga paborito ko ay ang Tagutaguan na isang counting book ni Jomike Tejido na nagtatampok ng mga karaniwang kulisap na matatagpuan sa ating hardin at bakuran. Sa pagkamalikhain ni Auri Asuncion Yambao, nagkaroon ng kulay at panibagong-buhay ang mga orihinal na ilustrasyon ni Jose Rizal sa The Monkey and the Turtle. Nang makita ko sa bookstore ang The Best of Lola Basyang, niyakap ko itong parang sanggol kong anak. Klasikong aklat pambata sa bansa ang The Mats ni Francisco Arcellana na may mga guhit ni Hermes Alegre. Si Alegre rin ang ilustrador ng Bahay Kubo. Maituturing kong mga perpektong picture book ang The Chair King nina Karen Flores at Mark Justiniani at Mang Andoy’s Signs nina Mailin Paterno at Pepper Roxas. Maipagmamalaki sa daigdig ang mga guhit ni Arnel Mirasol sa The Brothers Wu and

the Good-Luck Eel at sa dalawang aklat ng retelling ni Fran Ng ng mga fairytale nina Hans Christian Andersen at Brothers Grimm. Nakagugutom ang aklat ng mga pagkaing Filipino sa A for

Adobo ni Nelson Agustin. Buhay na buhay ang mga ilustrasyon ng mga isda, paruparo, puno, bulaklak, at puno sa seryeng A

First Look na may mahusay na ilustrasyon ni Crispin Dayao, Jr. at isinulat ni Maria Elena Paterno at Lolita J. Bulalacao. At aking bagong paborito ay ang kanilang A Lolong Time Ago na pumapaksa naman sa prehistory ng ating bansa.

Malaking bahagi ng aklat na ito ay naglalaman ng paggunita ng mga manunulat, ilustrador, at book designer. Ang kanilang mga tala-gunita ay maituturing na “regalo ng alaala” sa mga mambabasang interesadong makalikha ng aklat pambata, sa mga guro at iskolar, at mga tagasubaybay ng aklat pambata ng bansa.

Ilan sa mga natakalay ay ang paghahanap ng tamang ilustrador para sa isang natapos na manuskrito. Mahalaga ang pagtuklas ng tamang talento upang maisakatuparan ang bisyon ng aklat na ilalathala. Naibahagi rin ang pagbebenta ng

foreign rights ng ilang aklat na Tahanan. Halimbawa nito ang kanilang The

Mats na nalathala sa US at sa Korea. Ang paglalakbay ng ating aklat sa ibang bansa ay maituturing na batayan ng kahusayan. Napakalaki ng internasyonal na merkado at kapag napansin ang isang lokal na aklat ng ibang bansa, patunay iyon sa kahusayan ng pagkakasulat at pagkakaguhit. Maraming aklat pambata sa bansa na mainam ang nilalaman ngunit hindi gaanong naiprepresenta nang maayos. Kailangang pagbuhusan ng pansin ang book design at packaging upang lumitaw ang natatagong potensiyal ng mga aklat.

May pahapyaw ring pagtalakay sa pagsusulat kaugnay sa siyensiya na hindi naman kailangang siyentista ang manunulat kundi isang imahinatibong manunulat. Malaki ang epekto sa akin ng pagbabahagi ng karanasan ng isang punong patnugot na may mayamang karanasan sa paglalathala. Isang mainam na ehemplo si Reni Roxas na dating nagtrabaho sa Dial Books for Young Readers sa New York at sa Walker & Company. Naging puhunan niya ang karanasan sa pagpapatakbo ng Tahanan. Nagkaroon siya ng “matang-lawin” (eagle eyes) sa pag-eedit ng teksto at ng sining. Mabusisi ang kaniyang proseso sa paglikha ng pabalat. Gayundin ang pagbusisi sa papel na gagamitin kaya naitatag nila ang Island Graphics noong 1994 upang masiguro ang kalidad ng paglalathala. Litaw sa mga produkto nila ang kahusayan (sinasabing “books for keeps”) at pagiging worldclass.

Dagdag pa rito ang pagdidiin sa halaga ng isang book designer na naibahagi ni Auri Asuncion Yambao. Naipayo pa niya na “When the artwork is excellent, book design merely has to

complement—never dominate—it.”

Naibahagi ang pangangailangan ng mainam na reproduksiyon sa pag-iimprenta at ang kolaborasyon ng tagapaglathala sa printer. Malaking tulong ang aklat sa paglalarawan ng proseso ng paglikha ng aklat na magsisimula sa pagtiyak sa magiging personalidad ng aklat. Sabi ni Yambao, kaugnay sa prosesong ito, “font picking is my favorite activity.” Mahalaga ang paghahanap ng mga bagong font na maihahalintulad sa “paghahanap ng bagong kaibigan.”

Naibahagi naman ni Fran Ng ang katangiang dapat taglayin ng isang manunulat. Kailangang malakas ang loob at bawal ang balat-sibuyas upang mapaunlad ang sariling sining.

Kaugnay naman sa paglalathala, mainam na may bisyon ang kompanya tungo sa pagpapaunlad at pagpapakilala ng kultura, kasaysayan, at wika sa mga batang Filipino. Hindi maakusahang elitista ang Tahanan Books. Bagama’t hindi masasabing mura, sulit naman sa presyo ang kanilang mga produkto. Ang dating palimbagan na naglalathala lamang sa Ingles, ngayo’y tagapagsulong na ng wikang Filipino. Mababakas ito sa mga aklat nina Jomike Tejido, Rene O. Villanueva, Elbert Or, Ompong Remigio, Reni Roxas, at Nicanor Tiongson. May salin sa Filipino ang ilan sa kanilang mga popular na aklat ng mga kuwentong-bayan, fairy tales, at ang muling pagsasalaysay ni Rizal. Umaasa akong magkakaroon din ng salin ang kanilang seryeng Great Lives.

Sa pagbabasa ng mga sanaysay, napagtanto ko na hindi ako nag-iisa sa pagpapanatili ng tiyaga, sigla, at ligaya sa pagsulat. Karamihan sa mga nag-ambag sa aklat ay nagdetalye ng kanilang malikhaing proseso, pagtupad sa deadline, at wastong asal sa rebisyon at pananaliksik. Halimbawa, naibahagi ni Jomike Tejido ang halaga ng disiplina sa paglikha—ang pagkakaroon ng iskedyul, balanseng buhay, paglalaan ng oras sa sining, pagsasakatuparan ng mga ideya, at ang ilang luho ng manlilikha gaya ng katahimikan at kaaya-ayang klima.

Napahalagahan ko ang ibinahagi ng mga book designer gaya nina Yambao at Nelson Agustin kaugnay sa mga inspirasyon. Mahigpit ang ugnayan ng pagkamalikhain sa inspirasyon. Tinatawag nila itong “visual inventories” at “reference” bank. Kahit ano’y maaari nilang maging inspirasyon gaya ng poster,

t-shirt, font sa tindahan, o mga pabalat ng aklat. Sa lahat ng tala-gunita, patuloy na tatatak sa akin ang winika ni Arnel Mirasol hinggil sa pagkakaiba ng pagpipinta at pagguhit para sa mga aklat pambata. Ayon sa kaniya, hindi madali ang pagguhit para sa mga aklat pambata gaya ng iniisip ng mga may-ari ng art gallery o ng ibang pintor. Tungkulin ng isang ilustrador na matiyak na tumutugma ang mga imahen sa nakasaad sa manuskrito. Mahalagang isaalang-alang ang sasabihin ng editor at ng mga batang babasa ng aklat. Ikinumpara niya ito sa kaniyang pagpipinta. Sabi niya, “I only need to paint what pleases me. I can change style anytime, and add risqué elements to pieces whenever I feel like being naughty.”

Lahat ng manlilikha na tampok sa aklat ay nagpapasalamat sa tiwalang ibinibigay sa kanila ng Tahanan. May paniniwala sila, batay sa interbyu kina Reni Roxas at Frances Ong, na kasama sa editing ay “managing talent and personalities.” Manlilikha (co-creator) ang lahat ng kalahok sa isang aklat. Hindi naging maramot sa kaalaman at pagtuturo ng proseso ang nasabing palimbagan. Ito ang kolaboratibong katangian sa paglalathala na masasabing tatak-Tahanan Books. Sana lamang, ang aklat na ito’y maipagbebenta sa mga

bookstore at hindi lamang komemoratibong babasahin. May halaga ang aklat na ito sa mga mag-aaral at tagasubaybay ng pag-unlad ng ating mga aklat pambata.

Binabati ko ang Tahanan Books sa kanilang ika-25 taon ng paglalathala. Mananatili silang inspirasyon sa lahat ng manlilikha na mag-aalay ng pinakamataas na kalidad ng aklat para sa mga batang Filipino.

Larawang kuha ng may-akda.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.